
Lihim na Pag-abot sa Pangarap
“Paulo, huwag mong kalilimutan ang bilin ko sa iyo, ha?” paalala ni G. Bersamin sa kaniyang mag-aaral na si Paulo na nasa ikawalong baitang sa junior high school.
Bakas sa batang mukha ni Paulo ang kaniyang kalungkutan at pag-aalinlangan. “Susubukan ko po, sir,” nasabi na lamang ni Paulo sa kaniyang guro sa asignaturang Filipino.
“Mahusay kang bumigkas. Tiyak na ikaw ang mananalo sa patimpalak sa spoken word poetry. Kapag pumayag ang nanay mo sasabak na tayo sa pagsasanay araw-araw,” sabi ng guro.
Habang naglalakad pauwi ay naglalakbay rin ang isipan ni Paulo. Mahusay bumigkas at sumulat ng tula si Paulo gamit ang wikang Filipino. Lagi siyang nagwawagi sa patimpalak sa pagsulat at pagbigkas na isinasagawa tuwing ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika taun-taon.
Dahil dito ay sinabi sa kaniya ng gurong si G. Bersamin na siya ang ilalahok ng kanilang paaralan sa patimpalak sa spoken word poetry para sa pandistritong antas. Kakalabanin niya ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang paaralan na kabilang sa kanilang distrito.
Ang problema ay alam niyang hindi siya papayagan ng kaniyang nanay na si Aling Minda. Ang katwiran nito ay wala raw siyang mapapala sa pagbigkas-bigkas. Mas gusto nitong humusay siya sa larangan ng Agham at Matematika. Hirap kasi siya sa mga asignaturang ito.
Frustrated scientist kasi si Aling Minda na naparam ang pangarap sa buhay dahil nakapag-asawa ng maaga.
Pagdating sa bahay ay kinausap ni Paulo ang kaniyang nanay na abala sa pagpaplantsa. Sinabi niya rito ang plano sa kaniya ng pamunuan ng paaralan. Kailangang pumayag si Aling Minda na makapagsanay si Paulo pagkatapos ng uwian.
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na tigilan mo na ang pagsulat-sulat ng tula? Hindi ka bubuhayin niyan. Galingan mo sa Science at Math para maging engineer ka, architect, doktor o scientist. You can be more!” sabi ni Aling Minda.
“Pero, ma, hindi po iyon ang gusto ko. Mahal ko po ang pagsusulat. Gusto ko pong maging manunulat balang araw. Sana po ay suportahan ninyo ako,” sabi ni Paulo.
“Ang tigas talaga ng ulo mo! Huwag mong hintaying sumugod ako sa school ninyo at kausapin ko ang mga teachers mo,” banta ni Aling Minda.
Napayuko na lamang si Paulo. Mukhang sarado na ang isipan ng kaniyang ina. Minabuti na lamang niyang pumasok sa kaniyang silid. Kinuha niya ang mga medalyang pinakatatago-tago niya. Nakuha niya ang mga ito sa mga napagwagihang patimpalak sa pagbigkas at pagsulat ng tula sa paaralan. Hindi niya ito ipinakita sa kaniyang ina dahil alam niyang kagagalitan lamang siya.
Sinunod pa rin ni Paulo ang sinisigaw ng kaniyang puso. Sinabi niya kay G. Bersamin na pumayag ang kaniyang ina na makapagsanay siya sa hapon pagkatapos ng kanilang klase.
Gumawa naman ng alibi si Paulo upang hindi magalit ang ina. Sinabi niyang may gagawin silang proyekto sa Science Club kung saan isa rin siyang kasapi.
Dumating ang araw ng patimpalak ni Paulo. Kabadong-kabado siya.
Nung siya na ang sasabak at nakatuntong na sa entablado ay nagulat siya dahil isang pamilyar na mukha ang nahagip ng kaniyang paningin.
Katabi ni G. Bersamin ang kaniyang ina!
Lalong kinabahan si Paulo. Nanginig ang kaniyang mga tuhod. Paano nalaman ng kaniyang nanay ang tungkol sa kaniyang laban?
Subalit naisip ni Paulo na walang lugar ang mga tanong at takot ngayon. Kailangan niyang paghusayan upang manalo.
Sinambit nang buong husay ni Paulo ang kaniyang piyesa na ilang buwan din niyang kinabisado at nilapatan ng interpretasyon sa pagsasanay na rin ni G. Bersamin. Isa pa, unang beses siyang mapapanood ni Aling Minda.
Itinanghal na kampeon si Paulo. Nag-uwi siya ng limang libong piso, medalya at tropeo. Siya ang kakatawan sa kanilang distrito para sa pandibisyong patimpalak.
Nagbunyi si G. Bersamin at ang buong paaralan sa kaniyang tagumpay. Nauna namang umuwi si Aling Minda pagkatapos ng awarding.
Pagdating sa bahay ay inasahan ni Paulo na pagagalitan siya ni Aling Minda. Inihanda niya ang kaniyang sarili. Magpapaliwanag siya. Naabutan niya itong nagluluto ng pagkain.
“Ma, sorry po. Sorry po kung nagsinungaling ako sa inyo,” naiiyak na sabi ni Paulo.
Humarap sa kaniya ang ina. Seryoso ang mukha nito. Alam niyang galit ito sa kaniya. “Umupo ka,” utos ni Aling Minda. Tumalima naman si Paulo.
“Nagagalit ako dahil nagsinungaling ka sa akin. Sana sinabi mo na lamang sa akin ang totoo. Pero kasalanan ko rin. Hindi kita sinusuportahan sa mga gusto mo,” nakangiting sabi ni Aling Minda.
“Nalaman ko ang totoo dahil sa iyong guro. Inimbitahan niya akong manood. Huwag kang mag-alala. Hindi ko sinabi sa kaniya na hindi ko naman talaga alam na lalaban ka sa patimpalak. Pero nang mapanood kita kanina ay ipinagmamalaki kita. Napakahusay mo, anak. Proud si mama sa iyo,” masayang sabi ni Aling Minda.
Niyakap niya ang lumuluhang si Paulo. Humingi si Paulo ng tawad sa kaniya.
Simula noon ay sinuportahan na ni Aling Minda ang lahat ng gusto at laban ng anak. Nakarating sa pambansang patimpalak si Paulo at siya ang itinanghal na “Mambibigkas ng Taon” dahil sa kaniyang kahusayan.
Nang makatapos sa senior high school ay kumuha ng kursong Malikhaing Pagsulat si Paulo sa isang prestihiyosong pamantasan sa Pilipinas. Nang siya ay makatapos ay naging sikat na nobelista at makata siya sa isang publishing house. Nakilala siya at sumikat dahil sa kaniyang mga nobela at tula na nagpapahayag ng damdamin at repleksyon ng lipunan.