Inday TrendingInday Trending
Special Delivery Para Kay Missy

Special Delivery Para Kay Missy

Ini-start na ni Ethan ang kaniyang motorsiklo. Handa na siyang i-deliver ang pagkaing in-order ng isang kostumer na nagngangalang Missy sa pinagtatrabahuhan niyang fast food chain. Umulan man o umaraw ay araw-araw na sinusuong ni Ethan ang pagod ng pagpapabalik-balik sa kung saan-saan upang matustusan ang pag-aaral ng kaniyang dalawang kapatid. Isa kasing butihing kuya si Ethan ng kambal na babae niyang mga kapatid na pareho ring nasa ikawalong baitang sa Junior Highschool.

Bukod doon ay may iba pa siyang sideline na pinapasukan upang kumita ng extra. Wala na kasi silang mga magulang, dahil maagang pumanaw ang mga ito noong kapapanganak pa lamang sa kanilang mga bunso, dulot ng isang aksidente. Ngayon ay mag-isang itinataguyod ni Ethan ang kanilang pamilya at umaasang sa susunod namang mga taon ay matutupad na niya ang pangarap na makapagtapos ang dalawa niyang kapatid. Halos wala na ngang panahon si Ethan upang asikasuhin ang kaniyang sarili, dahil magpahanggang ngayon ay, no girlfriend since birth pa rin ang peg niya!

Narating ni Ethan ang nasabing bahay na nakalagay sa impormasyon ng um-order sa kaniya. Malayo pa lamang ay natatanaw na ni Ethan ang isang babaeng nakatayo sa labas ng gate kung saan nakasulat ang block at lot ng bahay na iyon na siya namang tumutugma sa hawak niyang information. Agad namang in-approach ni Ethan ang babae…

“Maʼam, kayo po ba si Missy? Iyon pong um-order ng one bucket of chicken, three large fries at three burgers?” tanong ni Ethan sa namataang babae.

“O-oo, ako si Missy. Babayaran kita, pero tulungan mo muna ako!”

Nagulat si Ethan sa tinuran ng babaeng nagngangalang Missy. Palinga-linga rin kasi ito sa paligid at parang balisa. Bukod pa roon ay hindi rin nakaligtas sa mga mata ni Ethan ang ilang mga sariwa pang sugat sa mukha ng babae at ang mga pasa sa ibaʼt ibang parte ng katawan nito.

“P-po? T-teka lang, maʼam, ano poʼng ibig ninyong sabihin?” takang tanong ni Ethan sa babae.

“Tulungan mo ako, please. Babayaran kita! Pinasok ang bahay ko!”

Akmang sasagot pa lang sana si Ethan sa sinabi ng babae nang biglang lumabas ang isang lalaking nakasuot ng purong itim na damit mula sa gate ng bahay na iyon. Naabutan nitong nakakunyapit sa braso niya ang babaeng nagngangalang Missy.

“Pare, ano ʼyon? May problema ba sa girlfriend ko?” agad na tanong ng lalaki sa kaniya sabay akbay sa babaeng bigla namang nanigas sa kinatatayuan nito.

“Wala naman, sir. May itinatanong lang po ako kay maʼam. Nandito na po kasi ʼyong delivery para sa kaniya. Um-order po siya ng pagkain,” kalmado at magalang namang sagot ni Ethan sa lalaki.

Ang totoo ay nagsisimula na siyang mag-isip ng hakbang para tulungan ang babae. Alam niyang totoo ang sinasabi nito. Sa hitsura pa lang kasi ng lalaking kalalabas lamang ng gate ay alam na niyang hindi totoong girlfriend nito si Missy. Masiyado kasing maganda si Missy para dito.

“Ah, ganoʼn ba? Magkano ba ang bill?” muli ay tanong ng naturang lalaki.

“Five hundred fifty seven lang po, sir. Sandali po, kukunin ko kang ʼyong pagkain,” paalam niya pa sabay balik sa kaniyang motorsiklo. Kinuha niya ang pagkain sa compartment ng kaniyang motirsiklo kung nasaan din ang kaniyang cellphone na agad niyang pinindot upang makapag-video live siya sa isang social media account niya. Alam niyang kapag nakita at narinig ng kaniyang mga friends sa account na iyon ang kaniyang mga sasabihin ngayon ay aaksyon ang mga ito at tatawag ng pulis.

Handa na si Ethan na labanan ang lalaking iyon na siyang may hawak kay Missy. Lingid sa kaalaman ng lahat, nagpa-part time si Ethan tuwing weekends bilang isang martial arts instructor. Isa siya sa pinakamagaling na atleta noon sa ganitong larangan. Kung hindi nga lang niya kinailangang magtrabaho ay baka natupad niya panang pangarap niyang makasali sa isang championship game. Hindi niya akalain na sa ganitong pagkakataon pa niya magagamit ang kaniyang kakayahan.

“Ito na po ang pagkain ninyo, sir…” Akmang kukunin na nito ang iniaabot niyang supot nang bigla siyang kumilos! Suntok dito, sipa roon. Binalian niya ang lalaking napag-alaman niyang armado pala nang baril nang matanggal ang suot nitong leather jacket!

Nagpambuno silang dalawa, ngunit walang nagawa ang kriminal na kalaban niya sa kaniyang galing sa paggamit ng martial arts!

Dumating ang mga pulis, matapos ang ilang minuto at ganoon na lang ang laki ng pasasalamat ni Missy sa kaniya!

“Maraming-maraming salamat sa ʼyo, Ethan! Utang ko sa ʼyo ang buhay ko!” umiiyak na pasasalamat ni Missy sa kaniya.

Instant celebrity naman si Ethan matapos ang pangyayaring iyon. May ilan pang sangay ng gobyernong nagbigay sa kaniya ng pabuya, bukod pa ang offer ni Missy…

“Wala na kasi akong kasama rito sa bahay kaya siguro naging madali para sa kriminal na iyon na pasukin ang bahay ko. Kaya pupuwede bang kunin kita bilang personal bodyguard?” sabi ni Missy.

“Naku, hindi ko kasi puwedeng hindi samahan sa bahay ang dalawang kapatid ko, e. Isa sila sa dahilan kung bakit kita naisipang tulungan. Ayaw ko kasing mangyari ang ganoʼn sa kapatid ko,” sagot naman ni Ethan dito.

“Walang problema ʼyon. You all can live with me. Malaki ang bahay na ʼto para sa akin. Mula kasi nang pumanaw ang parents ko ay ako na lang mag-isa ang natira dito.”

Wala nang nagawa pa si Ethan kundi ang pumayag, tutal ay magandang opportunity rin iyon para sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid. Iyon nga lang, hindi niya akalain na sa paglipas ng panahon ay iba ang kahahantungan nila ni Missy…

Ngayon ay nakatakda na kasi ang kanilang kasal.

Advertisement