
Mahal Ko, Ang Baho Mo!
Pormang-porma si Jerico sa harap ng salamin. Hawak na niya ang bulaklak na binili niya kanina sa katabi nilang flower shop na pagmamay-ari ng kaniyang Tita Penyang. Anniversary kasi nila ngayon ng girlfriend niyang si Monique at balak niya itong sorpresahin.
“Bro, ayos na ba ʼtong porma ko?” tanong niya sa nakababatang kapatid nang hindi inaalis ang paningin sa salamin.
“Oo, kuya, ayos na ʼyan. Ang ganda nga, e,” sagot naman nito na may kasama pang thumbs up sign.
Ngiting-ngiti naman si Jerico sa narinig at excited na excited nang pumunta kay Monique. Ilang linggo na rin kasi silang hindi nagkikita dahil sa sobrang busy ng kanilang mga schedule bilang mga college students. Miss na miss na niya ang nobya niya.
“Babe, bihis ka na. Mag-date tayo. Iʼm on my way. Happy anniversary!” sabi ni Jerico sa chat message na ipinadala niya kay Monique. Hindi naman ito nag-reply agad kaya mabilis pa sa alas kuwatrong pinaharurot na ni Jerico ang kaniyang motorsiklo.
“Tao po! Monique? Nandiyan ka ba?” sigaw ni Jerico sa labas ng gate ng bahay nina Monique nang siya ay makarating na.
“O, hijo, ikaw pala!” Ang ina ni Monique ang siyang nagbukas ng gate para sa kaniya.
“Good morning po, tita. Nasaan po si Monique?” bati niya sa ina ng nobya matapos niyang magmano.
“Nasa kwarto, hijo, e. Mabuti na lang at dumating ka. Ilang araw ko na kasing napapansing may kakaiba sa kilos ng anak kong ʼyan. Nag-away ba kayo?” may pag-alala pang tanong nito kay Jerico.
Napakunot naman ang noo ng huli dahil sa tanong ng kausap. “Hindi naman po, tita, bakit po? Ngayon lang nga po ako makadalaw dahil sobrang busy po naming pareho sa school,” nagtatakang tanong niya.
“Ganoon ba? Hindi ko na kasi alam kung anoʼng gagawin ko sa batang ʼyan, e. Mukhang may problema. Kausapin mo naman, ha, hijo?”
Tango na lang ang isinagot ni Jerico sa ina ng kaniyang nobya.
Pagkapasok pa lamang niya sa kwarto ni Monique ay kaagad niyang naamoy ang mabahong samyo na nagmumula sa lalagyan nito ng maruruming damit. Parang amoy bulok ang mga ʼyon.
“Mahal, bakit ganito ang amoy dito?” tanong niya kay Monique na noon ay parang hindi man lang napansing pumasok siya ng kwarto dahil tulala ito sa kisame habang nakahiga at balot na balot ng kumot. Nilapitan niya ito at kinalabit.
“Bakit nandito ka? Sinoʼng nagpapasok sa ʼyo?!” tila gulat na gulat si Monique nang siyaʼy makita.
“Mahal, nag-chat ako sa ʼyo, ʼdi ba? Sabi ko sa ʼyo, magbihis ka at kakain tayo sa labas,” may pagtatakang sabi ni Jerico sa nobya.
“H-hindi ko nabasa… s-sorry,” napapayuko namang sabi ni Monique.
Samantala, halos maitakip naman ni Jerico ang sariling kamay sa kaniyang ilong habang nagsalita si Monique. Medyo masangsang kasi ang amoy na lumalabas sa bibig nito. Maging ang natawan nito ay iba na rin ang amoy. Para itong hindi naliligo!
“Mahal, anoʼng nangyayari saʼyo? Bakit… bakit ang baho mo? Bakit ganyan ka?” May pag-aalala na rin sa tinig ni Jerico, imbes na ma-turn off sa asal ng kaniyang nobya.
“W-wala—” Biglang napahinto sa kaniyang sinasabi noon si Monique at ganoon na lamang ang gulat ni Jerico nang ito ay bigla na lamang humikbi.
Nataranta ang binata sa inasal ng kaniyang girlfriend kaya naman kahit nakaligo na siyaʼt pormang-porma ay walang pagdadalawang-isip niyang tinabihan si Monique sa higaan nito.
“Mahal, bakit ba? Sabihin mo sa akin kung anoʼng problema…” sabay hawak ni Jerico sa balikat ni Monique na nababalutan din ng kumot. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang biglang mapahiyaw si Monique na para bang nasasaktan ito!
Doon na kinabahan si Jerico. Hinila niya ang kumot na bumabalot sa katawan ng kaniyang nobya at ganoon na lamang ang gulat niya nang makita ang kalagayan nito!
Tadtad ng sugat ang buo nitong katawan na halos lahat ay nagnanana na dahil sa impeksyon! May natuyo nang dugo sa mga damit na hinubad nito, pati na rin sa sarili nitong higaan. Napag-alaman din ni Jerico na maging ang mga ngipin nito ay parang sapilitang tinanggal kahit hindi naman sira. Kaya pala napansin niyang hindi na nito suot ang kaniyang braces.
Halos malugmok si Jerico nang malamang nakaranas ng panto-torture ang kaniyang nobya na nang araw na iyon ay halos hindi na makakilos pa dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman! Hindi na ito nakakaligo o nakakapaglinis man lang ng katawan kaya ganoon na lang ang sangsang ng amoy nito.
“Mahal, may mga babaeng nagagalit sa akin dahil ako ang niligawan mo. Pare-pareho kayo ng school na pinapasukan noon, pero nag-transfer na sila sa pinapasukan ko ngayon para araw-araw akong saktan. Tinatakot nila ako, mahal, na pati raw ang kapatid ko ay gaganituhin nila pag nagsumbong daw ako. Mayayaman sila kaya alam kong kaya nilang gawin talaga ʼyon…” salaysay ni Monique habang nanginginit na inaalala ang kaniyang sinapit.
“Mahal, bakit hindi mo sinabi sa amin ng mama mo?! Sana natulungan ka namin! Sana, hindi nangyari sa’yo ʼto!” umiiyak namang anas ni Jerico.
“Natatakot kasi ako, mahal. Saka ayaw ko kayong mag-alala nina mama. Simula nang araw na mabugbog ako ay nagkulong na ako rito sa kwarto para hindi nila makita itong mga nangyayari sa akin. Hindi ko sila pinapapasok dito sa kwarto. Madalas din namang wala si mama dahil lagi siyang overtime sa trabaho kaya halos hindi na niya napapansin na ipinagpapasalamat ko rin naman. Mahal, patawarin mo ako,” sumbong pa ni Monique.
Nayakap na lang ni Jerico ang nobya sa sobrang awa niya rito. Gusto niya ring saktan ang mga gumawa ng ganito kay Monique. Napakasama nila!
Sa pagkakataong iyon ay agad na nakipagtulungan si Jerico at ang ina ni Monique sa mga pulis upang makamit nila ang hustisya na agad namang umaksyon ang mga ito, lalo na nang lumapit sina Jerico sa isang magaling na abogado.
Timbog ang mga kababaihang nasa labing walo hanggang dalawampuʼt isang taong gulang na siyang salarin sa sinapit ni Monique. Ngayon ay himas rehas na ang mga ito.
Wagas ang pagmamahal ni Jerico sa kaniyang nobya, tulad ng pagmamahal din naman ni Monique sa kaniya at sa sarili nitong pamilya. Ang hiling lamang nila ngayon, sana ay matigil na ang mga ganitong klaseng karahasang bunga ng mapupusok na damdamin ng mga kabataang dapat ay nag-aaral na lang ng mabuti.