Inday TrendingInday Trending
Trabaho Lang ang Ibinigay Ko, Hindi ang Boyfriend Ko!

Trabaho Lang ang Ibinigay Ko, Hindi ang Boyfriend Ko!

Awang-awa si Laila sa kababata niyang si Remmy. Minsan kasi ay naka-chat niya ito at napag-alaman niyang grabe pala ang pinagdaraanan nito sa kamay ng dati nitong kinakasama. Matagal-tagal na rin ang panahong lumipas mula nang magkausap sila, kaya naman magkahalong gulat at tuwa ang naramdaman ni Laila nang mag-chat ito sa kaniya. Pagkatapos ay ganoong balita lang naman pala ang sasabihin nito. Talagang ibayong awa ang naramdaman niya para sa kaibigan.

“Sino ʼyang ka-chat mo, hon?” Nagulat si Laila nang biglang may yumakap sa kaniyang baywang habang nakikipag-chat siya sa kaibigang si Remmy.

“Oh, hon, napadalaw ka? Himala yata at hindi ka busy ngayon?” saad ni Laila nang makilalang ang nobyo niya pala ang nangyapos sa kaniya. Nitong mga nakaraang araw kasi ay masiyado itong busy at bihirang-bihira itong makipagkita sa kaniya. Naiintindihan naman niya, kaya lang ay hindi niya mapigilang magtampo sa nobyo, lalo paʼt ngayon lang ito nagkaganoon sa loob ng ilang taon na rin nilang pagiging magkasintahan.

“Ngayon lang kasi ako pinayagang mag day off, hon, e. ‘Wag ka nang magtampo d’yan. Sino nga ʼyang ka-chat mo?” muli ay ulit ng boyfriend niyang si Micheal sa tanong nito kanina.

“Ah, si Remmy ʼto, hon. Iyong kababata ko sa probinsya. Naaawa nga ako, e. Nalaman ko kasi na sinasaktan pala siya ng kinakasama niya. Sayang, maganda pa naman ito. Lagi ngang panlaban ʼyon sa mga beauty pageant namin sa probinsya dati, e,” kwento pa ni Laila sa nobyo.

“Kawawa nga, pero huwag mong masiyadong i-involve ang sarili mo sa mga ganiyan, hon. Baka mamaya, madamay ka po or in the end, ikaw pa ang magsisi,” payo naman ni Micheal noon sa kaniya. “Marami pa namang mga manloloko ngayon.”

“Naaawa kasi talaga ako, hon, e. Isa pa, sheʼs a good friend naman sa akin noon kaya inalok ko siyang bibigyan ko siya ng trabaho sa opisina. Magamit ko man lang ang pagiging manager ko, ʼdi ba?” giit naman ni Laila.

“Hay nako, ikaw ang bahala. Tumayo ka na muna riyan at magluluto ako ng pagkain natin.”

Natuloy nga ang plano ni Laila. Mabilis niyang naipasok si Remmy sa opisina. Nakipaghiwalay ito sa kinakasama nito, kahit pa mayroon silang isang anak. Tinulungan din niya na makapagsampa ito ng kaso laban sa dati nitong kinakasama upang makamit ni Remmy ang hustisya para sa pananakit nito sa kaniya.

Naging maayos ang mga unang buwan ni Remmy sa trabaho. Tutal ay may kalakihan din naman ang bahay ni Laila ay malugod niya ring tinanggap si Remmy sa kaniyang bahay upang hindi na ito mangupahan pa habang naroon sa Maynila. Samantala, ipinakilala rin naman ni Laila si Remmy sa kaniyang nobyong si Micheal at agad din namang nagkasundo ang dalawa.

Naging mas madalas na rin, kaysa sa dati ang pagkikita ni Laila at Micheal dahil halos araw-araw na siya nitong dinadalaw sa kaniyang bahay. Minsan nga ay nauuna pa itong makarating sa bahay kaysa sa kaniya.

Ngunit nag-umpisang magkaroon ng hindi magandang pakiramdam si Laila nang unti-unti ay biglang nagbago si Micheal. Madalas nga silang magkasama, kaya lang ay parang malayo pa rin ito sa kaniya. Mas madalas kasi itong nakatutok sa cellphone nito at walang ginawa roon kundi ang magpipindot na nagiging dahilan ng madalas din nilang pagtatalo.

“Sino ba ʼyang ka-chat mo?! Lagi na lang ʼyan ang inaatupag mo, ah!” singhal ni Laila noon sa kaniyang nobyo.

“Sinabi ngang kaibigan ko ʼto, bakit ba? Hindi ko naman pinakikialman kung sino ang mga kausap mo kaya ‘wag mo rin pakialaman iyong sa akin!” madalas namang sagot ni Micheal sa kaniya. Noon pa lang ay alam na niyang may iba si Micheal. Alam niyang hindi na lamang siya ang babae sa buhay nito ngayon.

Isang araw ay nag-text si Laila kay Remmy na gagabihin siya ng uwi kaya sana ay iwan nitong bukas ang pintuan kung sakaling makakatulog na ito. Ngunit bigla ay nagbago ang kaniyang schedule kaya naman imbes ay naging mas maaga pa ang uwi niya.

Ganoon na lang ang gulat ni Laila nang makarinig ng mga halinghing na nagmumula sa kaniya mismong kwarto. Nag-alala pa si Laila kay Remmy dahil ang iniisip niyaʼy baka nalooban na ang kaniyang bahay… ngunit halos madurog nang pino ang puso niya nang sa pagsilip niya sa nakaawang na pinto ay nakita niyang gumagawa ng kababuyan sina Remmy—at ang boyfriend niyang si Micheal!

“Mga w*langhiya kayo!” ang hiyaw ng galit na si Laila sa dalawang taksil.

Parang binuhusan ng malamig na tubig ang mga ito nang makita siya. Sinubukan siyang suyuin ni Micheal ngunit minabuti niyang palayasin na ang dalawa bago niya pa sila magawan ng hindi maganda.

“Patawarin mo ako, Laila. Hindi ko sinasadya!” nooʼy iyak ni Remmy sa kaniya habang bitbit ang maleta nito.

“Paano kita patatawarin? Trabaho lang ang ibinigay ko sa ʼyo, hindi ang boyfriend ko! Hindi ko alam kung saan ka kumuha ng kapal ng mukha para gawin sa akin ʼto, pero nagpapasalamat pa rin ako. Atleast alam ko na ngayon na katulad mo pala ang mga type ni Micheal,” ang matapang at matatag pang sabi ni Laila sa taksil niyang kaibigan.

“Hon, hindi sa ganoʼn! Please, patawarin mo ako. Hindi ko naman sinasadya. Wala akong balak seryosohin si Remmy, hon. Sadyang madali lang siyang siluin kaya naman natukso ako!” harap-harapan pang paliwanag ni Micheal noon kay Laila na lalong nakapagpahagulgol kay Remmy.

Sa huli ay pinalayas pa rin ni Laila ang dalawa sa kaniyang bahay at tinuluyan na niyang putulin ang kung anumang nag-uugnay sa kanila.

Walang pinagsisisihan si Remmy sa kabutihang ginawa niya, dahil ginawa niya iyon nang bukal sa dibdib. Karma ang gumanti para sa kaniya dahil hindi naman pinanagutan ni Micheal si Remmy, bagkus ay patuloy na naghanap ng mga babaeng papalit sa kaniya. Naging miserable pa ang buhay ng dalawang taksil simula nang gawin nila ang bagay na iyon kay Laila.

Si Laila naman ay masayang inilalaan ang kaniyang oras para sa kaniyang sarili ngayon. Maraming nanliligaw sa kaniya, ngunit pinili niya munang paghilumin ang sugat na idinulot ni Micheal at Remmy.

Advertisement