Inday TrendingInday Trending
Ikaw Naman ang Isasako Ko, Papa!

Ikaw Naman ang Isasako Ko, Papa!

Dalawang buwan pa lamang ang nakakalipas nang mawala si Allison, ang asawa ni Marvin. Hindi nila lubos maisip na sa ganoong pangyayari lamang siya mawawalan ng asawa.

“Tang*na mo kang bata ka! Malas ka talaga! Simula nang dumating ka sa buhay namin ay nagkandaleche-leche na ang lahat! Nagagawa mo pang kumain?!” galit na puna ni Marvin sa kanilang bunsong anak na si Caylle na noon ay pitong taong gulang na.

“Pa, nagugutom na po kasi ako. Halos tatlong araw na rin akong hindi kumakain,” nagmamakaawang sagot ng bata.

“Kahit na mam*tay ka pa sa gutom ay wala akong pakialam! Ikaw na lang sana ang nasagasaan at hindi ang mama mo! Malas ka, malas ka! Bakit ka ba nabubuhay pa?!” baling muli ni Marvin sa bata saka ito sinuntok ng malakas.

“Pa, tama na po, masakit na,” hagulgol ni Caylle na noon ay punong-puno ang bibig sa pagkain dahil ilang araw rin siyang ikinulong sa kanilang bodega ng kaniyang ama.

“Pumasok ka rito sa sako nang hindi na ako nabwibwisit sa pagmumukha mo!” dagdag pa ng lalaki.

Walang nagawa si Caylle kundi isuot ang sarili niya sa sako upang maging punching bag ng kaniyang ama.

Siya kasi ang sinisisi ng lalaki kung bakit nawala si Allison sa buhay nila, kung bakit nawala ang mama niya na nag-iisang nagmamahal sa kaniya.

Hinahabol noon ng kanyang misis ang bata dahil sa kalikutan sa daan. At sa hindi inaasahang pagkakataon naman ay may dumaang sasakyan na siyang mabilis na tumapos sa buhay ng minamahal niyang asawa. Masyadong mabilis ang pangyayari at hindi na nila nagawa pang madala sa ospital ang babae. Simula noon ay wala nang ginawa si Marvin kundi ibaling ang lahat ng galit sa kanilang bunsong anak.

Bata pa lamang si Caylle ay malas na ang tingin ni Marvin dito. Simula kasi nang maisilang daw ang bata ay naging mahina ang pasok ng pera sa kanilang pamilya. Nalugi ang ilang mga negosyo at palagi pang may sakit ito kaya puro gastos at mas lalo lang nakadagdag sa sama ng loob niya sa bata ang pagkawala ng kaniyang asawa.

Lumipas ang maraming taon, hanggang sa nagbinatilyo na si Caylle ay wala pa ring pagbabago sa turing niya sa anak. Mas lumalala na ngayon dahil may oras na siyang pinapatupad kung kailan papasok ang anak sa sako para bugbugin niya.

“O, sinaktan ka na naman ba ng erpats mo, ‘tol?” tanong ni Kenneth, kaklase ni Caylle.

“Ano bang bago? Sanay na ako sa mga pasang ganito. Isa pa, mas okay na rin na ako ang nasasaktan, kasi kapag pinipigilan nila ate si papa ay nadadamay lang sila,” sagot ni Caylle na noon ay trese anyos pa lamang.

“Hindi ka ba nagagalit sa tatay mo? Alam mo kung ako ang nasa kalagayan mo, hindi ako papayag na ganyanin niya ako. Malaki ka na para bugbugin ka pa niya ng ganyan,” saad naman muli ng kaibigan.

“Galit? Hindi lang galit ang nararamdaman ko, kung kaya ko lang siyang patay*n ay ginawa ko na,” baling ni Caylle rito.

“Sampulan mo ‘yung tatay mo, saktan mo rin nang hindi ka na niya saktan pa,” pahayag muli ni Kenneth saka inakbayan ang kaibigan.

Matagal nang gustong gumanti ni Caylle sa kaniyang ama, dahil bukod sa araw-araw na pambubugbog nito sa kaniya ay siya rin ang palaging pinagbabalingan kapag lasing ito o ‘di kaya naman minalas sa trabaho. Hindi niya naramdaman na anak ang turing sa kaniya ng ama kaya naman hanggang impyerno na rin ang galit ni Caylle kay Marvin.

Hanggang sa napagpasyahan niyang pakinggan ang kaibigang si Kenneth. Kakauwi lamang ni Marvin noon sa trabaho at mainit na naman ang ulo niya. “Caylle! Kuhanin mo nga ‘yung sako mo at kailangan ko ng masusuntok! King*nang buhay ‘to! Hirap na hirap na akong palakihin kayo!” sigaw ni Marvin sa buong bahay.

Mabilis na kinuha ni Caylle ang sako at pumunta siya sa kaniyang ama. Saka niya ito sinipa sa pagkakalalaki nito at napaluhod si Marvin sa sakit sabay mabilis niyang sinakal ang tatay niya ng buong lakas.

“Hinding-hindi mo na ako masasaktan pa, ikaw naman ang isasako ko, papa!” galit na pahayag ni Caylle.

Hindi na halos makahinga si Marvin sa higpit ng sakal ng kaniyang anak. Naghuhumiyaw ang kaniyang isipan at sinasabing, “Anak, patawarin mo ako!” Ngunit huli na ang lahat dahil hindi na niya mahabol pa ang hininga at saka ipinikit ang kaniyang mga mata.

“Pa, gising! Binabangungot ka!” malakas na sampal ni Allison sa kaniya.

Doon na nagising si Marvin at nakita niyang muli ang pinakamamahal niyang asawa.

“Ma, magpalit ka ng damit. Ayaw ko ng damit mo na ‘yan. Iyan ang suot mo sa panaginip ko, namat*y ka raw,” umiiyak na wika ni Marvin sa misis at mahigpit itong niyakap.

“Hindi ko na sasaktan pa si Caylle at hindi ko na isisisi pa sa kaniya ang lahat ng nangyayari sa atin. Mahal na mahal ko kayo!” dagdag pa nito.

Laking pasasalamat ni Marvin na panaginip lamang ang lahat dahil kahit papaano’t mabibigyan pa siya ng pagkakataon magbago at maitama ang kaniyang mga pagkakamali.

Natutunan niyang mahalin ang anak na si Caylle at mas pinahalagahan niya ang kaniyang pamilya. Dinoble rin niya ang sipag at nagbalik loob sa Diyos. Wala na siyang ibang hiling kung ‘di ang buo at masayang pamilya kaya naman gagawin niya ang lahat para sa kanila.

Advertisement