Biniyaan ng dalawang anak na babae ang mag-asawang Zanjoe at Melissa at ito ay sina Maxim at Natalia. Max ang palayaw ng panganay nilang anak samantalang Talia naman ang bunso.
Walong taong gulang si Max habang si Talia ay pitong taong gulang naman. Katamtaman ang pamumuhay ng kanilang pamilya at hindi naman kailanman nakaranas ng kahirapan kaya masuwerte ang magkapatid. Masipag din kasing maghanapbuhay ang kanilang mga magulang. Bukod sa kanya-kanyang trabaho ay may sarili ring lupain ang mag-asawa na pinamamahalaan.
Isang empleyado ng gobyerno si Zanjoe at mayroon naman maliit na negosyo si Melissa. Nagbebenta siya ng mga prutas na nagmumula naman sa kanilang lupang taniman.
Na-promote sa trabaho si Zanjoe at patuloy na lumalakas ang negosyo ni Melissa kaya lumalaki rin ang pasok sa kanila ng pera. Dahil sa suwerteng dumating sa kanila ay agad silang nakapagpatayo ng sariling bahay.
“Wow, ang ganda naman po ng bago nating bahay, mama!” manghang sabi ni Max.
“Dito na po tayo titira?” sabad naman ni Talia.
“Oo mga anak. Simula ngayon ay dito na tayo titira. Ito na ang bago nating bahay. Ang laki at ang ganda ‘di ba? Ito ang katas ng pinaghirapan namin ng Papa niyo,” sagot ni Melissa sa mga anak.
Sa bagong bahay ay may sarili nang kwarto sina Max at Talia. Ngunit hindi roon natutulog ang bunso dahil nakakatakot raw siya. May mga maliliit na tao raw na naglalakad sa sahig nila tuwing gumigising ito kung madaling araw.
“Mama, ayoko pong matulog sa kwarto namin, may mga malilit na tao na naglalakad,” sabi ni Talia sa ina.
“Ano? Baka naman nananaginip ka lang bunso,” gulat at nagtatakang wika ni Melissa.
“Baka naman kasi hindi na kayo nagdadasal bago matulog kaya kung ano-ano ang nakikita niyo,” sabad naman ni Zanjoe.
“Hindi po Papa. Nagdadasal naman po kami ni Ate pero totoo po ang nakita ko. Nang nagising po ako kanina ay may nakita po akong maliliit na tao na nakapilang naglalakad sa sahig. Gusto ko sanang tingnan kung ano po iyon, kaso ay natakot ako kaya nagtakip na lamang po ako ng kumot at muling natulog,” saad pa nito.
Ang kwentong iyon ng kanilang anak ay binalewala lang ng mag-asawa. Naisip ng mga ito na nasobrahan lang sa panonood ng telebisyon ang bunsong anak nila. Si Maxim naman ay tila walang pakialam sa nangyayari at walang ibang ginawa kundi ang maglaro ng kompyuter buong araw.
Isang araw, malapit na ang pagsusulit ni Maxim sa eskwelahan kaya sinabihan siya ng kanilang ina na mag-aral. Nagbilin si Melissa kay Maxim na mag-aral ito sa kwarto at huwag na munang maglalaro sa kompyuter. Si Talia naman ay dinala nito sa kwarto nilang mag-asawa para hindi maging istorbo sa kapatid niya. Sa paglabas ng kwarto ay mabilis na isinara at ini-lock ni Maxim ang pinto at maghapong naglaro sa kompyuter. Hindi nito sinunod ang utos ng ina na mag-aral ng leksyon para sa nalalapit na pagsusulit.
Alas-singko na ng hapon ng makauwi sa bahay si Zanjoe. Nang marinig ni Maxim ang busina ng sasakyan ng ama sa labas ay nagmamadali niyang ini-off ang kompyuter at inilabas ang mga libro at kwaderno niya at kunwaring nag-aaral.
“Ang sipag naman ng anak ko, sigurado na makakakuha ka ng perpektong iskor sa pagsusulit niyo,” sabi ni Zanjoe sa anak nang pumasok ito sa kwarto at nakita si Maxim na nagbabasa.
Maya-maya ay naghanda na ng hapunan si Melissa. Tuwang-tuwa ang mag-asawa dahil sa ipinakitang sipag sa pag-aaral ng kanilang panganay na anak. Wala silang kaalam-alam na hindi talaga ito nag-aral at naglaro lang sa kompyuter. Nang sumunod na araw ay ganoon ulit ang nangyari, pagkagaling sa eskwelahan ay diretso si Maxim sa paglalaro ng kompyuter at hindi na naman nag-aral.
Hindi pa man nag-iinit ang kanyang puwit sa pagkakaupo ay bigla na lamang nagsarang kusa ang kompyuter. Tiningnan niya ito at nagtaka siya dahil nakasaksak naman sa kuryente ang kompyuter pero bakit biglang nag-off iyon.
“Teka, hindi naman brown out ah, bakit biglang nagsara itong kompyuter ko?” nagtataka niyang tanong sa sarili.
Nagulat na lamang siya nang may biglang nagsalita sa likuran niya.
“Hoy bata, napaka-tigas kasi ng ulo mo! Hindi ka marunong sumunod sa iyong mga magulang kaya ayan ang napala mo. Hinding-hindi mo mabubuksan ang kompyuter mo!” wika ng isang maliit tao sa kanyang likuran.
“D-duwende!” magkahalong gulat at takot na sigaw ni Maxim.
Tumakbo siya palabas ng kwarto at nagsumbong sa mga magulang niya. Ngunit hindi naman siya pinaniwalaan ng mga ito. Walang nagawa si Maxim kundi bumalik sa kwarto. Takot na takot siya kung kaya’t nagtago siya sa ilalim ng kumot. Hindi pa man nagtatagal sa kanyang pwesto si Maxim ay may bigla na namang nagsalita.
“Hoy bata, lumabas ka nga riyan sa kumot at harapin kami! Gagawa ka ng kalokohan tapos ay matatakot ka!” natatawang sabi ng isang duwende.
“Sige kapag hindi ka lumabas diyan ay hindi mo na magagamit kailanman ang iyong kompyuter,” sabad ng isa pang duwende.
“Huwag kang matakot sa amin. Hindi kami masama. Nais lang namin na gawin mo ang tama, sundin mo ang iyong mga magulang na ikaw ay mag-aral para sa nalalapit mong pagsusulit,” wika ulit ng isang duwende na mukhang awang-awa na sa takot na bata.
“Talaga? Iiwan niyo na ako rito kapag sinunod ko sina Mama at Papa?” tanong ni Maxim sa dalawang duwende.
“Oo, basta’t mag-aral ka na at huwag magsisinungaling dahil kung hindi, tuluyan mo nang hindi magagamit ang iyong kompyuter,” sabi ng isa.
“At hindi kami aalis dito sa kwarto, dito lang kami at patuloy kang gagambalain,” saad pa ng isa pang duwende.
Agad na sinunod ni Maxim ang utos ng mga duwende. Nag-aral siya ng kanyang mga leksyon buong araw. Nang sumapit ang kanilang pagsusulit sa eskwelahan ay laking gulat niya ng makakuha siya ng mataas na iskor. Labis siyang nagpapasalamat sa mga duwende sa kanilang kwarto dahil kundi dahil sa pananakot ng mga ito ay hindi siya magpupursiging mag-aral. Hindi sana siya nakakuha ng mataas na iskor. Nang makita iyon ng kanyang mga magulang ay tuwang-tuwa at puring-puri ang mga ito sa kanya. Natuwa rin si Maxim dahil bumukas na ulit ang kanyang kompyuter at nagagamit na niya itong muli ngunit ginagamit lang niya iyon kapag natapos na siyang mag-aral ng kanyang mga leksyon.
Mula noon ay hindi na nagpakita sa kanya ang mga duwende. Tinupad ng mga ito ang sinabi sa kanya na aalis na sa kwarto kapag sinunod niya ang utos ng mga ito. Palagi na rin niyang sinusunod ang mga magulang lalo na tungkol sa kanyang pag-aaral.