Unang linggo pa lamang ng pasukan sa elementarya. Ibig sabihin ay panahon na naman ng botohan para sa mga class officers.
Kasama na rin doon ang Parents and Teachers Association o PTA. Maging sila ay kailangan ring bumoto kung sino ang mga dapat na mamuno sa kanilang samahan.
Kadalasang project ng PTA ang pagpapanatiling maayos at maginhawa ang paaralan kung saan naroon ang kanilang mga anak.
Isa si Dina sa mga naunang dumating sa meeting. Siyempre, pahuhuli ba naman siya? Kilala siyang bida-bida at sipsip sa mga guro. Kahit anong ipa-donate ng mga ito ay ibibigay niya. Dustpan, electric fan, bunot, walis tambo. Lahat.
“So sino ang iboboto ninyong president? ‘Di naman ako nangunguna. Ang sa akin lang ay dapat doon kayo sa may experience na. Remember, last year ay ako rin ang namuno, ‘di ba? Ang ganda kaya ng classroom,” sabi ni Dina sa ibang mga nanay.
“Baka ikaw na lang rin. Wala kasi akong panahon sa ganito gawa ng may trabaho ako, eh. Nanay ko lang ang nag-aalaga kay Joy-joy ko,” sabi ng isang nanay. Nagpapaypay pa ito dahil mainit ang singaw ng electric fan.
“Ikaw siyempre. Ikaw ang malakas ang loob sa ganito, eh,” sang-ayon naman ng isa pa.
Samantalang ang iba naman ay ngumiti na lamang kay Dina.
Sus, wala namang lalaban sa beauty niya, noh. Kailangang siya talaga ang manalo. Kasi kapag ganoon ay magiging mas malapit siya sa teacher. Ibig sabihin ay mas mapapansin ang anak niya.
Hindi naman sa pagmamayabang pero nasa first section kasi si Andre niya. Hindi man ito first honor last year ay titiyakin niyang makukuha nito ang puwestong iyon ngayong taon. Tutal mukhang mabait ang guro, madaling utuin. Dalhan niya lang siguro ng cake ay mas tataas na ang grade ni Andre kaysa sa iba.
Samantala, napukaw ang atensyon ni Dina nang makarinig siya ng mahinang diskusyon sa tabi ng pinto.
“Halina po kasi kayo, nanay. Sandali lang naman po ito,” sabi ni Sally, ang pinakadugyot na kaklase ng kaniyang anak.
Napairap si Dina. Diyos ko, hindi ba patalinuhan sa section na ito? Bakit nakapasok itong si Sally? Ano ang basehan? Awa?
Naninilaw na ang blouse nito. Siguradong ilang taon nang nagamit. Baka nga galing pa sa nakatatanda nitong kapatid iyon. Luma rin ang bag na may tatak pa ng mukha ng isang pulitiko. May tahi ang strap noon at ibang kulay ng sinulid ang ginamit. At ang tsinelas… My God! Hindi sapatos, ha, tsinelas. Pakiramdam ni Dina ay ilang hakbang na lamang ay mabubutas na ang ilalim noon dahil sa kanipisan.
“Nakakahiya kasi ang ayos ko, anak. Ayaw ko namang gawin kang katawa-tawa sa iba,” sabi ng ina ni Sally na pilit hinihila ang braso palabas.
Nang matanaw ni Dina ang ale, aba, confirmed! Kung ano ang bunga ay ganoong-ganoon rin ang puno. Dugyot rin kasi ito. Sa tingin niya ay tindera ito sa palengke dahil nakabota pa at may nakatali sa bewang na parang lalagyan ng pera. Nangangalingasaw rin ang malansang amoy ng isda.
“Bakit naman ako magiging nakakahiya? Mas ayaw ko po kung wala akong nanay na pupunta. Uupo ka lang naman po doon, o. Sige na naman po,” sabi ng bata.
Wala namang nagawa si Aling Viring nang hilahin siya papasok ni Sally. Umupo rin ang bata sa kaniyang tabi.
Sa totoo lang ay araw ng Sabado ngayon at sa lahat ng nanay ay si Aling Viring lang ang may kasamang anak. Likas kasi siyang mahiyain. Idagdag pa na elementarya lamang ang kaniyang natungtungan.
Natatakot siyang kapag nakipag-usap sa kaniya ang ibang mga magulang ay may masabi siyang ikakapahiya ng kaniyang anak. Paano kung pagtawanan ang kaniyang anak? Na tawaging anak ito ng isang tinderang mangmang? Ayaw niyang masaktan si Sally.
Nawala naman ang kaniyang mga agam-agam nang nakangiting hawakan ng anak ang kaniyang kamay. “Nandito lang naman ako, nanay,” sabi ni Sally.
“Yuck. Look at them. Ang dumi nilang pareho,” humahagikgik na sabi ni Dina sa katabi.
Nang dumating ang guro ay nangunguna si Dina sa pagtaas ng kamay. Ang dami niya agad sinasabi tungkol sa mga proyektong dapat na ipatupad sa paaralan. Kesyo sagot na niya ang bayad sa magta-tiles ng CR, sagot na niya ang magpipintura sa pinto.
Dumating na ang kaniyang pinakahihintay, ang botohan. Bago iyon magsimula ay muli siyang nagtaas ng kamay.
“Question lang po, ma’am. Ano po ba ang basis para makapasok sa first section?” wika niya. Sa totoo lang ay alam niya naman. Nais niya lang ring patutsadahan ang mag-inang marumi.
“Dapat po ay 88 above ang average ng bata. Walang line of 7 at maganda po ang attendance, misis,” sabi naman ng guro.
“Okay, ma’am. One more question lang po, noh. ‘Di ba po dapat kasama ang hygiene sa basehan? Kasi mawawalan ng gana ang mga estudyante na mag-aral kapag may marumi silang kaklase. Tulad ngayon. Nadi-distract ako at ‘di ako maka-focus sa pagsasalita kasi amoy isda dito sa paligid,” pagkasabi noon ay walang habas na nilingon ni Dina ang dalawa at tinignan mula ulo hanggang paa.
Napaupo naman nang tuwid si Aling Viring. Humigpit ang hawak sa kamay ni Sally at ‘di malaman kung tutungo o tatakbo palabas. Lahat kasi ay nakatitig na sa kanilang mag-ina.
“Pasensya na ho kayo. Gawa ng ako’y nagtitinda sa palengke kanina. Hinila lang ako ng aking anak dahil kailangan raw ho ang nanay rito,” mahinang sabi ni Aling Viring.
“Hah! Wala ka namang contribution sa discussion namin,” nakaismid na sabi ni Dina.
Hindi siya sinagot ng ale at nahihiyang tumungo na lang muli. Tinitigan lang naman siya ng batang si Sally.
Buti na lamang ay pumagitna ang guro kaya medyo nawala ang tensyon sa paligid.
Makalipas ang maraming taon.
Nahimas ni Dina ang kaniyang sentido. Kadarating lang ng bill ng tubig at kuryente. Problema na naman kung paano niya babayaran.
Ang mister niya ay sumama na sa ibang babae habang siya naman ay nagtayo ng sari-sari store sa tapat ng bahay niya para may kita kahit na kaunti.
Graduate na si Andre ng college. Matalino ang lalaki at maganda ang trabaho. Kung tutuusin nga ay malaki ang sweldo nito. Pero may kulang. Wala itong malasakit sa kaniya.
Nag-asawa ito kaagad at iniwan na siya sa ere. Tuwing susubukan niyang humingi ng tulong rito ay nagagalit pa ang lalaki dahil makikihati pa raw siya sa ibibigay nito sa sariling pamilya.
Habang inaalis ni Dina ang mga garapong walang laman sa kaniyang tindahang matagal nang nakakalbo ay napansin niya ang isang malaking truck na nagdaan. Sinundan iyon ng ilan pang van na may mga lamang appliances ng bahay.
“Mare, sino ang maglilipat?” usisa niya sa kumareng si Tina. Close sila nito dahil kaklase noon ni Andre ang anak nito. “Ay, sina Aling Viring, mars,” sabi ng babae habang humihigop ng soft drink sa plastik.
Kumunot ang kaniyang noo. “Aling Viring?”
“Oo! ‘Yung ano… Natatandaan mo ba ‘yung kaklase ng mga anak natin. Si Sally. ‘Yung batang kapos noon sa buhay tapos ang nanay ay tindera. Napatira sila diyan sa kabilang street,” tugon ni Tina.
Nagulat naman si Dina. “Talaga? Nagawa nilang tumira sa subdivision?” Natawa ang kaniyang kumare.
“Nakakagulat, ano? Pero matagal na ‘yun! Ikaw kasi, eh. Hindi ka na lumalabas diyan sa tindahan mo. Wala ka na tuloy alam sa mga ganap. Ngayon mo lang nalaman kung kailan lilipat na sila ulit,” wika ni Tina.
Naku, sabi niya na nga ba. Hindi siguro kinaya ang bayad dito sa subdivision.
“Ah, balik na naman sa barung-barong. Kapag ganiyan kasi dapat huwag isusugal ang kakarampot na pera. Ayan, sayang lang ang inihulog nila diyan sa bahay ‘di naman pala maitutuloy,” patutsada ni Dina.
Napatingin naman sa kaniya si Tina. “Huy! Anong hindi itutuloy ka diyan? Tapos na nilang bayaran, noh! ‘Di ba 15 years to pay iyan. Nabayaran ni Sally sa loob ng dalawang taon,” kuwento ni Tina.
“Tapos ngayon, eh, lilipat na sa mas magandang subdivision. Mansyon nga raw ang ipinagawa, eh. Ang sabi kasi ay naging iskolar iyang si Sally kasi nga matalino. Nakapagtapos ng kolehiyo at mabilis na-promote dahil nga matiyaga. Ayan, donya na ang nanay niya. Nakakatuwa ang mga ganiyang anak. Hindi nakakalimot,” sabi pa nito.
“O siya. Diyan ka na muna at nakababad iyong nilalabhan ko,” pagpapaalam ni Tina sa kaibigan. Nagpagpag lang ng kamay ang babae tapos naglakad na palayo.
Naiwang nakatunganga si Dina. Hindi makapaniwala sa mga narinig. Para siyang sinampal. Bumalik sa kaniya ang lahat ng pamimintas niya sa mag-ina noon.
Ngayon sino ang kawawa? Sino ang naghihirap? Ang totoo pala ay noon pa man ay mayaman na si Aling Viring. Hindi sa salapi kung ‘di mayaman ito dahil sa pagmamahal ng anak na si Sally.
Napabuntong-hininga na lamang si Dina nung umupo siya. Ang karma talaga, isinampal sa kaniya nang harap-harapan ang katotohanan dahil itinadhana pa talaga niyang malaman ang tungkol sa kalagayan ng mga ito ngayon.
Ang buhay ay parang gulong. Hindi tayo palaging nasa ilalim kaya huwag mawawalan ng pag-asa. Huwag ding kalimutan na hindi rin tayo laging nasa ibabaw kaya dapat ay laging maging mabuti sa ating kapwa.