Inday TrendingInday Trending
Banal ang Imahe, Basura ang Ugali

Banal ang Imahe, Basura ang Ugali

HeartbreakingKarmaStories

Matagal nang volunteer sa simbahan si Aling Margarita. Isa siya sa mga taga-dasal. Tuwing may misa ay hindi siya pwedeng mawala, laging present. Isa rin siya sa mga todo pangaral tungkol sa salita ng Diyos at grabe kung maka-tango kapag nagle-lecture si Father.

Pero ang matindi, kung gaano siya ka-relihiyosa ay ganoon rin ka-sama ang ugali niya. Kumbaga, namumulaklak ang lumalabas sa bibig pero umaalingasaw naman ang baho ng tunay niyang pagkatao.

“Ano ba yan, limang piso lang ang inihulog,” mahinang komento niya habang nangongolekta siya ng donasyon sa misa. Kasalukuyang nagdarasal si Father ng ‘Luwalhati sa Ama’ at napakalakas pa niyang mag-Amen.

“Bilisan mo naman manang, ang tagal tagal mo sampung piso lang naman pala ang ibibigay mo,” asik niya sa isang lola. Hirap na hirap kasi itong bumunot sa bulsang malalim, lalo pa at pasmado- nanginginig ang mga kamay. Kung mamasdan ay parang tindera ang matanda at napasaglit lamang sa simbahan.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay natapos rin ang misa.

“Papuri sa Diyos!” pumapalakpak pang sabi ni Aling Margarita.

Unti-unti ay naubos ang tao sa simbahan. Siya naman ay naiwan at nagpapabango pa ng mga santo. Pinapahiran niya rin ng panyo ang mga paa nito.

“Parusahan po sana ninyo lahat ng makasalanan sa mundo,” bulong niya, ‘di naiisip na isa na siya sa mga iyon. Nangunguna pa.

Lalabas na sana siya nang matanaw ang isang pares na magkaakbay na naglalakad papasok.

Naka-jacket ang lalaki at naka-hood. Nakaakbay ito sa nobya na ngiting-ngiting nakatitig rito. Sabay pang nag-bow ang dalawa nang mapatapat sa gitna.

Napairap si Aling Margarita. Hindi na namili ng lugar, sa simbahan pa talaga naglandian ang dalawa.

Imbes na umuwi ay napagpasyahan niyang umupo sa ‘di kalayuan sa mga ito. Mamasdan niyang mabuti, hanggang sa makalahata… mailang at umalis!

“Lord, thank you po dahil ibinigay Ninyo siya sa akin,” malakas na wika ng babae. Nakaupo na ang dalawa ay magkaakbay pa rin.

Tumirik ang mata ni Aling Margarita, “Plastik.”

“Salamat rin ho sa napakaganda at napakamapagmahal na si Clara ko,” wika naman ng binata.

“Salamat rin ho sa ibinigay ninyong simbahan. Sana naman ‘wag gawing Luneta Park na dito pa naglalandian,” parinig na sabi ni Aling Margarita.

Alam niyang narinig siya ng dalawa dahil natigilan ang mga ito pero hindi siya pinansin. Ni hindi natinag, magkayakap pa rin at hawak kamay habang nagdarasal.

Diyos ko, ni hindi nga lumuluhod. Akala mo naman maaagaw ang isa kapag binitawan.

Ilang sandali pa ay ‘di na nakatiis ang ale, inayos niya ang belong suot at naglakad patungo sa likod ng simbahan. Tinawag niya pa ang ilang kasamang taga-dasal para ipahiya ang mga ito.

Pagbalik niya ay anim na silang lumapit sa dalawa.

Kinalabit niya ang babae, “Ikaw eh talagang walang respeto sa sarili mo ano? Mahiya naman kayo! Dinaig pa ninyo ang mga pusang naglalampong!

Hipuan kayo nang hipuan sa simbahan! Nako, mga mare, tiyak ko na may nangyayari na sa dalawang ito. Tiyak ko rin na hindi kayo kasal! Uso naman iyan eh, naggagalawan na lamang kahit pa hindi naitatali ng simbahan. Kasalanan iyan sa Diyos!” paglilitanya niya.

Lumingon sa kanya ang babae. Itinaas nito ang isang kamay na may nakasuot na singsing. “Pasensya na po kayo kung iyon ang akala ninyo, pero sa totoo lang ay kakakasal lamang namin ngayong taon.”

Hindi pa rin nagpatinag si Aling Margarita, “Iyon naman pala! O edi sana, doon kayo sa bahay ninyo naglandian! Hindi naman maaagaw iyang asawa kaya huwag kanang magpasikat sa ibang babae na sa iyo siya. O baka naman… wala kayong bahay?” nangmamatang sabi niya.

Sa pagkakataong iyon ay pilit tumayo ang lalaking kasama nito. Bakit parang… hirap na hirap?

“A-Ang sama ninyo,” wika nito.

Napanganga si Aling Margarita. Noon niya lamang kasi ito namasdan nang malapitan.

Nangingitim ang ilalim ng mga mata nito, maputla ang mga labi at payat na payat ang lalaki. Mapapansin rin na tila naglalagas ang buhok, siguro ay iyon ang dahilan kung bakit ito naka-jacket na may hood.

Tiningnan siya ng babae, “Sa lahat naman ho ng lugar na dinaanan namin, dito pa sa simbahan may nanghusga. Para lang ho alam ninyo, wala pang isang taon kaming kasal nang matuklasan naming may canc*r ang asawa ko.

Binigyan na ho siya ng taning ng doktor, sabi nga baka ‘di na siya magtagal ng isa pang linggo. Kaya kahit na labag sa loob kong ilabas siya dahil baka makasama sa kalusugan niya ay ginawa ko na rin dahil nais niya raw na makapagsimba kaming mag-asawa sa kahuli-hulihang pagkakataon. Hawak kamay naming hinarap ang Diyos, parang noong nagpakasal kami.

Kaya kami magkaakbay dahil tutumba na po ang mister ko. Ang kotse namin ay nasa tapat, hirap siyang maglakad. Ayaw niya rin magwheel chair dahil nais niya namang maranasan na kahit minsan, normal siya,” umiiyak na sabi nito.

Maging ang mga nakikinig ay naluluha na rin. Liban kay Aling Margarita, na noong panahong iyon ay namanhid na sa sobrang kahihiyan.

Ilang sandali pa ay nagpaalam na ang dalawa, tinulungan ito ng mga taga-dasal na akayin ang lalaki. Bago tuluyang makalayo ay nilingon pa siya ng babae.

“Maganda ho ang buhay ninyo at malusog kayo, kahit naman doon ay pasalamatan ninyo ang Diyos. Maswerte ho kayo na wala kayong sakit kaya sana ay hindi ninyo sayangin ang pagkakataon, maging mabuti kayo sa kapwa at maging totoo kayo sa mga idinadasal ninyo.”

Parang sinampal si Aling Margarita. Napaluhod siya sa kinatatayuan, labis ang kanyang pagsisisi.

Nanalangin siyang muli pero sa pagkakataong ito, hindi na maingay, hindi na pasikat- kundi taimtim na at totoo.

Humingi siya ng tawad sa lahat ng kanyang nagawang kasalanan. Hiling rin niya na mapatawad siya ng mag-asawang hinusgahan niya, napakalaking aral ang itinuro ng mga ito sa kanya ngayong araw.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.