Inday TrendingInday Trending
Presong Ayaw Lumaya

Presong Ayaw Lumaya

FamilyInspiringStories

Malayo ang inililipad ng isip ni Romel habang hinihimas ang malamig na rehas. Ilang taon na rin siyang nakakulong, parang pamilya niya na ngang itinuring ang mga nakasama rito sa loob.

Di niya namalayan na ganoon kabilis lumipas ang panahon. Parang kailan lang, napaka-gago niya pa. Bente tres anyos lamang siya nang masangkot sa isang holdapan ng bangko, ang usapan ay look out lang siya. Di niya naman akalaing babarilin ng mga kasama niya ang mga tao sa loob.

Kay bibilis tumakbo ng mga ito, siya lang ang nadampot ng mga pulis. Iyak nang iyak ang nobya niyang si Arian noon, kapwa sila ulilang lubos sa magulang kaya siya nalang ay mayroon ito..ganoon rin naman siya sa babae.

“Bakit naman kasi Mel? Sinabi ko na sa’yo wag ka nang nagsasama kina Emong, tingnan mo ang nangyari,” humihikbing sabi nito nang minsang dalawin siya.

Di siya nakasagot. Imbes na maghanap buhay kasi ay mas umasa siya sa easy money. “Pasensya kana, lalaya rin naman ako. Hintayin mo lang ako,” sabi niya naman.

“Alam mo ba ang sinasabi mo?! Alam mo ba ang kaso mo?! Sa tingin mo makakalaya ka pa sa lalong madaling panahon?!” napapatingin na sa kanila ang iba pang dalaw dahil tumaas ang boses ng dalaga.

Natauhan rin naman ito kaagad nang mapansin iyon.

Hinaplos ni Romel ang kamay ng nobya. Suot pa nito ang singsing na pinagkahirapan niyang bilhin para rito. Mura lang iyon, sa katunayan ay nagfe-fade na nga ang kulay. “Makakalaya rin ako. Magtiwala ka lang mahal.”

Nagising sa pagbabalik-tanaw ang lalaki nang makaramdam ng ilang tapik sa kanyang balikat.

“Ngayon lang ako nakakita ng lalayang nakasimangot. ‘Ba, kung ako yan ay baka magtatalon ako rito sa tuwa.” sabi ni Intoy, isa sa mga naging kaibigan niyang bilanggo.

Napangiti naman si Romel, “Kasi naman ay may pamilya kang naghihintay. Ako naman ay wala kaya hindi ako nasasabik lumabas. Tingnan mo pare, ilang taon na rin ba mula noong may huling dumalaw sa akin? Di ko na nga maalala.” mapakla ang ngiti na sabi niya.

Totoo iyon, malapit na siyang magkwarenta y dos. Noong unang tatlong buwan lamang dumadalaw si Arian, siguro ay nagsawa na nang magtagal. Tiyak niyang may sarili na itong pamilya. Hindi niya naman masisisi ang babae. Gago kasi siya, bakit nga naman ito magtitiyaga sa lalaking patapon ang buhay?

Lumipas ang ilan pang araw at namaalam na siya sa mga kasama. Isang backpack lamang ang bitbit niya na naglalaman ng kanyang mga gamit.

“Pilandong, magpakabait kana ha.” wika ng isa sa mga pulis.

“Oho Warden. Naku, kung pwede nga lang wag nang lumabas.” tatawa-tawang sabi niya habang pinipirmahan ang ilang dokumento.

“Ikaw naman. Wag kang panghinaan ng loob. Lahat naman ay may kakayahang magbago.” sabi ng matanda.

Hindi niya ito sinagot, ngumiti lang siya nang mapait. “Para ho kasing ito na ang pamilya ko. Wala na naman akong daratnan ho.”

“Tama na ang drama, baka magbago ang isip ko ay ikulong ulit kita!” biro nito. Bumunot ito sa bulsa at iniabot sa kanya ang limandaang piso, “Pamasahe mo. Tulong ko na yan. Ayusin mo ang buhay mo.”

Nag-saludo siya rito bago naglakad-lakad. Hindi niya alam kung saan magsisimula dahil napakarami nang nagbago.

“Boss pwede hong magtanong, saan rito ang sakayan ng jeep papuntang Brgy.Manalo?” tanong niya. Dati kasi ay pakalat-kalat lang ang mga sasakyan, ngayon ay may terminal na yata dahil wala na siyang matanaw na namamasada.

“Lakarin mo lang konti kuya, liko ka dyan sa may gumagawa ng sign tapos nasa bandang kaliwa. Kita mo naman, terminal ng mga jeep at bus.” sabi ng lalaki.

“Salamat.”

Naglakad-lakad na siya at natanaw nga niya ang terminal. Palibhasa ay alas dos ng hapon, siyesta ang mga tao kaya walang masyadong tao.

“Kuya, di pa ba tayo aalis?” nagmamadaling sabi ng isang dalagita sa jeepney driver.

“Aba neng, nakikita mo bang dadalawa pa lamang kayong sakay ko? Lugi naman ako niyan! Magpupuno pa tayo!” sabi ng may edad ng driver.

“Sige na kuya, malapit lang naman ang sa amin. Lumiko kana lang po agad.” pangungulit nito.

Tahimik lang namang nakikinig si Romel, natatawa siya sa totoo lang kasi namumukhaan niya ang dalagitang ito. Ito ang palaging nakikipagdiskusyon kay Warden, nagpupumilit na dumalaw pero hindi pinapayagan kasi menor de edad.

Tiyak niyang galing na naman ito sa police station.

“Wala ngang laman! Ang kulit mo!” aburido ang driver.

“Walang laman! Ano po ang akala mo sa amin, sabaw?” napapakamot sa ulong sabi nito.

Hindi na napigilan ni Romel ang matawa. Dahil doon ay napalingon sa kanya ang dalagita, nginusuan lamang siya nito.

“Hintayin nalang natin neng. Bakit ka ba nagmamadali?” tanong niya rito.

“Kasi ho ay may dadalawin ako dyan sa police station. Ayaw akong papasukin ni Warden dahil wala pa raw akong disi otso. Kaka-18 ko lang ho kahapon. Nang pumunta ako ay hinahanapan niya ako ng birth certificate! Kaya ito po, uuwi ako saglit sa amin.” naghihimutok na sabi nito.

Tumango si Romel.

“Kayo ho ba, saan ho ang punta ninyo niyan?” tanong nito.

Napaisip sandali ang lalaki. Hindi niya naman masabing dati siyang bilanggo dahil baka matakot ito.

“A-Ano. Galing kasi akong probinsya. Diyan ako ibinaba ng bus eh. Hindi ko tuloy alam ang pupuntahan ko. Kung sakali, maituturo mo ba sa akin ang Brgy. Manalo?” wika niya. Baka kasi lumagpas siya dahil nag iba na ang itsura ng lugar.

“Ay oho! Doon nga rin ako eh.” sabi naman nito.

Pinagbigyan naman ito ng langit dahil may sumakay ng grupo ng kabataan, napuno ang jeep.

“Kung gusto ninyo ho kuya ay ihahatid ko muna kayo sa pupuntahan ninyo.” sabi ng dalagita.

“Salamat neng. Alam mo ba ang paupahan nina Aling Fely?” tanong niya. Doon kasi sila nangungupahan noon ni Arian. Wala namang mawawala kung aalamin niya ang kinaroroonan ng babae diba? Pag may pamilya na ito, di na siya manggugulo. Nais niya lang talagang malaman.

“Naku, kalilibing lang ho ni Aling Fely. Pero ang alam ko ay yung anak na ho ang mangangasiwa nung apartment nila. Di ko lang ho sigurado kung may bakante,”

Lihim na napapangiti si Romel, ang daldal ng dalagita. May kilala siyang ganito dati eh.

“H-Hindi ako mangungupahan. Kasi ang kaibigan ko dati ay doon nakatira. Nagbabaka sakali lang akong nandyan pa rin siya.”

“Ah. Sige ho, tara.. tapat lang po ng bahay namin yun.”

Naglakad na sila hanggang marating ang paupahan. Hindi pa man rin sila kumakatok ay nakarinig na si Romel ng sigaw mula sa kanyang likuran.

“Arlyn! Ang kulit mo talagang bata ka, galing ka na naman sa station ano? Sinabi nang hintayin mo ako! Matitigok ako agad sa kunsumisyon sayo!” pagbubunganga ng matinis na boses.

Lumingon si Romel, pilit niyang kinilala ang babaeng nagsalita at ngayo’y kumukurot na sa tagiliran ng dalagita.

“Evy?” tanong niya, ito ang matalik na kaibigan ni Arian. Tumaba ito, pero di siya maaaring magkamali.

Ito naman ang natulala nang makilala siya. “R-Romel?” nanlalaki ang matang tanong nito. Tapos ay napa-tanda pa ng krus. “Diyos ko po!”

“Romel?” ulit ng dalagita.

Hindi na nakasagot pa ang lalaki, kinaladkad siya ni Evy papasok sa bahay nito. Pinaupo siya sa kapirasong sofa at tinititigan ang kanyang mukha. Para bang hindi makapaniwalang laya na nga siya.

Ilang sandali pa ay nangilid ang luha nito. Maging ang dalagita sa tabi nito ay parang naiiyak na rin.

Gulong-gulo naman ang lalaki, “Ano ba ang nangyayari? Kung may asawa na si Arian wag kang mag-alala inasahan ko naman na iyon. Hindi ako manggugulo.” wika niya.

“Tarantado ka talaga.” umiiyak na sabi nito. Lalong hindi nakaimik ang lalaki.

Nagsalita si Evy, “Masyadong maselan ang pagbubuntis ni Arian kaya di na siya nakadalaw. Nabaon siya sa utang para may pampacheck up at pambili ng mga gamot niya. Para lumakas ang kapit ng bata.” bungad nito.

Laglag ang panga ni Romel.

“Oo, gago. Buntis na pala siya nang makulong ka. Iniwan mo siyang mag-isa sa labas. Kawawa ang kaibigan ko. Tapos tinanong ng doktor kung sino ang pipiliin kung sakali. Sabi ko, sabi ko si Arian nalang iyak ako nang iyak noong manganak siya.

Pero sinabi niya sa doktor na ang baby ang sagipin. Nagsakripisyo siya para mabuhay ang anak ninyo. Kasabay ng pag-iyak ng sanggol ay ang pagkalagot ng hininga niya. Sa akin naiwan ang baby..ako ang nagpalaki. Nang makapag-asawa ako ay hindi ko iniwan ang bata dahil pangako ko iyon kay Arian eh. Itinuring namin siyang miyembro ng pamilya. Hindi ko siya pinapayagang dumalaw sa iyo hanggang wala siyang 18 dahil baka di pa siya handa, pero makulit siya at tumatakas sa akin. Gustung-gusto kang makilala dahil di naman kita inilihim sa kanya.” Tapos noon ay lumingon ito sa katabing dalagita.

“R-Romel, ito si Arlyn. Siya ang anak ninyo ni Arian.”

Tigib sa luha ang lalaki. Diyos ko po.

“T-Tay pasensya kana ha. Nakukulitan na nga po sa akin si Warden kasi kung anu-ano nang ginagawa ko makalusot lang-” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil sinugod ito ni Romel ng yakap.

Hinalikan niya ang noo ng dalagita.”Ako ang patawarin mo anak. Ako ang nagkulang ng maraming-marami sa inyo ng nanay mo. Patawarin ninyo ako,”

Nang hawakan niya ang kamay nito ay napangiti siya nang mapait dahil suot pala nito sa hinlalato ang singsing na ibinigay niya kay Arian noon.

Labis ang pasasalamat ni Romel kay Evy dahil hindi nito binali ang pangako sa kaibigan. Nagsimba silang mag-ama noong araw na iyon.

Humingi siya sa Diyos ng tawad, maging ng gabay at lakas para maging mabuti siyang ama. Nangako siyang habangbuhay siyang babawi sa anak.

Nagkamali man siya noon, hindi niya hahayaang masira ang bukas dahil doon. Aayusin niya na ang buhay niya dahil hindi na siya nag-iisa..nariyan na ang kanyang unica hija- si Arlyn.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.