“Lianne,” tawag ng isang ginang mula sa kusina.
“Ano po iyon?” sagot nito nang makalalpit sa amo.
“Pagkatapos mo riyan sa mga hugasin ay tulungan mo nang umakyat sa kwarto si Mommy” utos nito sa dalaga.
“Sige po, Ma’am,” sagot nito sa amo.
Nang matapos sa gawain si Lianne, agad nitong tinulungan ang isang babae na halos kulubot na ang balat dahil sa katandaan.
Si Lianne ay isang OFW sa Kuwait. Hirap siyang humanap ng trabaho sa Pilipinas kaya nagdesisyon siyang mag-apply bilang domestic helper sa abroad.
Ang akala niya ay madali ang trabaho bilang domestic helper sapagkat kapwa niya pilipino ang kumuha sa kaniya. Ngunit, hindi rin nagtagal ay paunti-unti na siyang nahihirapan sa mga gawain. Bukod sa inalaagan nitong matanda, mayroon din siyang inaalagaan na mga bata.
“Papasok na ako sa trabaho. Patulugin mo na rin ang mga bata pag-alis ko,” dagdag pang utos kay Lianne nang makasalubong nito ang kaniyang amo.
Halos wala nang pahinga si Lianne araw-araw dahil tambak na ang kaniyang gawain dahil sa dami ng pinapagawa ng kaniyang amo.
“Sige po, ingat po kayo.” paalam nito saka nagtungo sa kwarto ng mga bata upang patulugin.
Limitado ang pakikipag-usap ni Lianne sa kaniyang pamilya, tuwing sabado sa Kuwait niya lamang ito nakakausap gamit ang Skype. Pinagbawalan kasi siya ng kaniyang amo na gumamit ng cellphone lalo na kapag hindi niya day-off.
Ilang buwan na ang nakalipas simula nang siya’y mamasukan bilang domestic helper. Sa mga unang buwan ay maayos ang kaniyang pananatili sa kaniyang amo, ngunit ito’y nagbago.
Isang araw, nang siya’y tahimik na naglilinis sa sala ay bigla na lamang siyang pinagalitan ng kaniyang amo.
“Lianne! Bakit hindi malinis ang mga comfort room?!” halos lumabas na ang litid ng kaniyang amo dahil sa galit.
“Ho? Paano pong hindi malinis? Katatapos ko lamang po linisin ang mga iyan kaninang umaga,” sagot nito nang may pagtataka sa mukha.
“Anong kalilinis?! Marumi nga. Halika! Tignan mo, bilis! Tignan mo!” sigaw nito saka hinila ang ilang hibla ng buhok ni Lianne papasok sa loob ng comfort room.
Kahit nasasaktan na si Lianne ay hindi nito magawang pumalag sa amo. Walang awa ang kaniyang amo na kaladkarin siya sa comfort room.
Itinulak siya ng malakas na para bang siya’y isang pinto. Namilipit sa sakit si Lianne nang tumama ang kaniyang braso sa lababo ng comfort room.
“Aray naman po! Nasasaktan po ako, Ma’am!” naiiyak niyang sabi.
“Aba! Sumasagot ka pa, ha? Linisin mo iyan ng maayos!” malakas na sigaw nito.
Hindi na nagsalita pa ang babae. Dali-dali niyang kinuha ang gamit na panglinis at sinumulan linisin muli ang comfort room. Hindi na ininda ni Lianne ang sakit na nararamdam sa kaniyang braso, ngunit halos lumuwa ang mata niya sa gulat nang makita ang isang hugis bilog at nangingitim niyang braso.
Nasasaktan… Naiiyak… Naguguluhan… Iyan ang mga emotion na nangingibaw kay Lianne. Labis siyang naguguluhan bakit ganoon na ang trato sa kaniya ng amo.
Lumipas ang mga araw at linggo. Walang oras na hindi siya sinasaktan ng kaniyang amo. Maging ang kaniyang cellphone, pera at passport ay tuluyan nang kinumpiska nito. Gustuhin mang umalis ni Lianne ay hindi niya ito magawa.
Tuwing gabi ay hindi maiwasan ni Lianne ang umiyak.
Nahinto sa pag-iyak niya nang marinig nito ang malambot na boses sa labas ng kaniyang pinto.
“Lianne, hija,” tawag nito.
Agad itong tumayo at pingbuksan ng pinto ang matanda. Si Nanay Rosie.
“Nay, kayo po pala. Bakit ho lumabas pa kayo? Hindi po ba ay oras na ng tulog niyo? Baka mapaano kayo niyan, e,” nag-aalalang sabi ni Lianne.
“Ano ka ba? Ayos lang ako. Ikaw, ayos ka lang ba?” tanong nito nang may pag-alala.
“Opo. Ayos lang po ako. Bakit po ninyo naitanong?” sagot nito saka inalalayan ang matanda.
“Nalaman ko kasi sa mga apo ako na sinasaktan ka ng anak ko. Hindi naman yata tama iyon dahil sa pagkakaalam ko ay wala ka naman ginagawang masama,”
Hindi kumibo ang dalaga.
“Ang akala ko’y nagsisinungaling ang mga bata pero hindi pala, dahil malinaw pa sa tubig ng dagat ang nakita ko pagmamaltrato sayo ni Dana,” tukoy nito sa pagsaksi sa pananakit ng kaniyang anak kay Lianne.
Malinaw pa sa tubig ng dagat ang nakita ni Nanay Rosie nang pasuin ng plantsa ng ginang si Lianne at hindi niya ito nagustuhan. Huli na nang makalabas si Nanay Rosie upang sawayin ang anak.
“Sa totoo lang po, Nay, nahihirapan na po ako. Hindi ko na po alam ang gagawin ko, pero kailangan ko magtiis at magtrabaho para mayroon akong mapadala na pera sa magulang ko,” saad ng babae.
“Nahanap ko kung saan itinago ni Dana ang pasaporte at cellphone mo, ito o, kuhanin mo na,”
“Nay…” ang tanging naisagot ni Lianne.
“Sige na, i-ayos mo na ang mga gamit mo. Umalis na si Dana. Bukas pa ng gabi ang balik niya, huwag ka mag-alala, ako na ang bahala rito at magpaliwanag sa kaniya.”
“Salamat, Nay! Maraming salamat po. Pasensiya na po kayo dahil hindi na ho ako makakatagal pa,”
“Naiinitindihan ko, may pamilya ka rin, dapat sila ang inaalagaan mo. Kaya umuwi ka na ng Pilipinas, umuwi ka na sa kanila.”
Natuwa si Lianne sa narinig, ngunit kasabay n’on ay nakaramdam din siya ng lungkot dahil napamahal na sakaniya ang mga bata at si Nanay Rosie.
Halos hindi na makahinga ang matanda nang yakapin ito ni Lianne habang umiiyak. Maging si Nanay Rosie ay umiiyak na rin.
Inabutan ni Nanay Rosie si Lianne ng kaunting halaga, sapat lamang para sa pamasahe at pangkain ni Lianne.
Para kay Lianne, hindi biro ang maging OFW, mahirap, dahil malalayo ka sa mga mahal mo sa buhay. Matinding sakripisyo ang kinakailangan na gawin.
Sa naranasan ni Lianne, ang pagiging OFW ay nagsilbing aral para sa kaniya. Walang madali. Ganiyan talaga ang buhay. Maraming pagsubok ang daraan sa buhay, ang kailangan mo lang ay lakas ng loob na harapin at labanan ito.