Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Ginang sa Lolang Masungit na Nagtitinda ng Gulay, May Mapait Pala Itong Nakaraan

Nagalit ang Ginang sa Lolang Masungit na Nagtitinda ng Gulay, May Mapait Pala Itong Nakaraan

“Ale, ale, magkano po itong ampalaya? Bigay mo na sa akin kahit trenta pesos, payat naman saka parang may kagat na ng uod,” sambit ni Tess habang turo-turo ang isang amplayang nakalatag.

“Hoy, anong karapatan mong maliit ang ampalaya ko, ha? Para sabihin ko sa’yo, bagong angkat ko lang iyan at sikwenta pesos ‘yan! Ang laki-laki nga niyan, eh, tapos babaratin mo?” galit na tugon ng tindera ng naturang gulay. Bakas sa mukha nito ang pagkainis sa kaniyang sinabi.

“Ay, ale, tumatawad lang naman po ako,” mahinahon niyang sambit, nagsimula na siyang tingnan ng iba pang mamimili at tindera sa kanilang paligid.

“Tapat na ang presyo ko sa mga gulay ko, kung gusto mong tumawad, sa iba ka bumili!” sigaw pa nito sa kaniya dahilan upang tumaas na rin ang kaniyang dugo at masigawan ang matanda.

“Talagang sa iba ako bibili! Napakasama ng tabas ng dila mo! Maayos na nakikipag-usap sa’yo tapos ganyan ka? Kasing pait ng ugali mo ang ampalaya mo!” bulyaw niya, lalo namang nagalit ang matanda dahil dito.

“Ako talaga hinahamon mo, ha? Hindi ka marunong gumalang sa matatanda!” sigaw pa nito saka siya binato ng isang walang lamang bayong. “Hindi talaga, kaya sana malugi ka habang buhay!” pahabol niya pang salita saka tuluyang umalis sa pwestong iyon. Hihinga-hinga siyang naglakad at naghanap ng iba pang mabibilhan ng murang gulay.

Kusinera sa isang sikat na karinderya ang ginang na si Tess. Ito ang tanging bumubuhay sa kanila ng dalawa niyang anak sa pagkadalaga. Marami man siyang pinagdaan gaya nang pambubugbog ng asawa, lahat ng iyon ay binabaon niya sa limot para sa kaniyang mga anak.

Ika niya nga, “Ni hindi ko kayang makita silang nagugutom, kaya kahit anong trabaho, papasukin ko para maibsan ko ang kalam ng mga sikmura nila.”

Noong araw na iyon, sakto namang lumiban sa trabaho ang kanilang taga-angkat ng mga sakap. May sakit daw ang anak nito dahilan upang saluhin niya ang trabaho nito at siya ang mamalengke ng mga kulang na sangkap na kailangan nila.

Tulad ng bilin ng kaniyang amo, pawang mga murang gulay ang kaniyang binibili upang malaki ang kanilang kitain. Sinuyod niya talaga ang buong palengke para lamang humanap ng mga tinderang kaya niyang tawaran. Ika niya, “Bultuhan naman ang bibilhin ko, sigurado kakagat ‘to sila.”

Ngunit tila nawalan siya ng amor sa isang matandang tindera sa palengke. Taklesa kasi ito at nagawa pa siyang bungangaan dahilan upang sagot-sagutin niya ito at isumpa pang malulugi habang buhay.

Inis na inis siyang nagtungo sa pinapasukan niyang karinderya. Ikinuwento niya sa mga kapwa niya kusinera ang nakakainis na pangyayari kaniyang nasangkutan sa palengke.

Hindi naman nagulat ang mga ito sa kaniyang ikinuwento dahilan upang magtaka siya.

“Bakit hindi kayo naiinis? Pinahiya ako noong matandang iyon! Sobrang daming nakatingin sa akin kanina noong nagbunganga rin ako sa pwesto niya!” inis niyang sambit habang padabog na naggagayat ng sibuyas.

“Alam mo kasi, Tess, kilala talaga ‘yong matandang ‘yon sa pagiging masungit. Base pa nga sa mga sabi-sabi, nagsimula ‘yong magsungit nang mawalan ng buhay sa harap niya ang tatlo niyang maliliit na anak dahil sa gutom. Simula noon, hanggang ngayong matanda na siya, hindi niya iyon matanggap kaya ganiyan na lamang siya kung magsungit. Galit na galit siya sa buhay niya. Kawawa nga siya, eh, kaya iniintindi na lang siya ng mga tao. Tinangka pa nga niyang magpakatiwakal sa pwesto niya sa palengke noong minsang may lumait ng buhay niya,” bulong ng isa niyang katrabaho dahilan upang makonsensya siya sa kaniyang ginawang pagsagot sa naturang matanda.

Bahagya siyang nakaramdam ng kaba dahilan upang pagkatapos niyang magluto sa karinderya, agad siyang magtungo sa pwesto ng naturang matanda. Ika niya habang naglalakad, “Kahit sa akin mangyari iyon, siguradong magsusungit din ako, baka nga mabaliw na ako noon, eh.”

Inabutan niya ng pagkain ang matandang naabutan niyang nagliligpit na ng mga bilaong walang laman. Agad naman siyang nakilala nito dahilan upang tanggihan ang kaniyang inaabot na pagkain. Tinaboy rin siya nito paalis ngunit hindi niya ito inintindi at tumulong pa sa pag-aayos ng mga tirang gulay kaya nagsimula na siyang bungangaan nito.

“Patawarin niyo po ako, ngayong alam ko na kung bakit kayo nagkakaganyan, labis ko po kayong naiintindihan. Isa rin po akong ina, at kung ako ang nasa kalagayan mo, mababaliw na po ako,” sambit niya, nagulat naman siyang bigla na lamang humagulgol ang matanda. Niyakap niya ito at binulungang, “Ngayon po, hindi ka na mag-iisa, nandito po ako para tulungan ka,” dagdag niya pa dahilan upang yakapin siya pabalik ng matanda.

Ginawa nga ni Tess ang lahat upang matulungan ang matanda. Nalaman niyang sa bangketa lang pala nito pinapalipas ang gabi dahilan upang patirahin niya na ito sa kaniyang bahay. Labis naman ang tuwa ng matanda lalo pa noong makita nito ang kaniyang mga anak.

Simula noon, naging magkaagapay ang dalawang ginang na pinagkaitan ng tadhana. Parehong nabago ang kanilang ugali. Natutunan din ni Tess na lawakan ang kaniyang pag-unawa, dahil katulad niya, may masakit na kwento ring itinatago ang bawat isa.

Advertisement