Inday TrendingInday Trending
May Hiwaga Raw ang Kawaling Bigay ni Lola, Ito ang Pinanghawakan ng Isang Ginang na Hindi Marunong Magluto

May Hiwaga Raw ang Kawaling Bigay ni Lola, Ito ang Pinanghawakan ng Isang Ginang na Hindi Marunong Magluto

“Mahal, halika, dali, tikman mo itong luto ko! Ang sarap, grabe! Ngayon lang ako nakapagluto nang ganito kasarap! Mahiwaga talaga siguro itong kawali ni lola!” tuwang-tuwang balita ni Daisy sa kaniyang asawa, isang araw nang matagumpay siyang makapagluto ng masarap na ulam.

“Patikim nga!” ika ng kaniyang asawa saka dahan-dahang tinikman ang bagong lutong ulam, “Aba, ang sarap nga! Pwede na tayong magbenta ng mga lutong ulam! Magtayo tayo ng kahit maliit na karinderya d’yan sa tapat natin!” sambit pa nito dahilan upang magka-ideya siyang magnegosyo.

“Sige, mahal, walang problema basta’t kasama ko ang kawali ni lola sa pagluluto, wala tayong dapat ipag-alala! Tiyak, lalago ang ating negosyo!” masaya niyang ika habang umiindak-indak pa, napailing na lang ang kaniyang asawa habang pinagmamasdan siya.

“Oo na, sige na, mahiwaga na ‘yan,” nakangiting ‘ika nito, bakas sa mukha niya ang saya para sa asawang ngayon lamang sumaya nang ganito.

Mag-iisang taon nang may bahay si Daisy at mag-iisang taon na rin sila ng kaniyang asawa na kumakain ng puro biling lutong ulam, delata at iba pang madaling lutuing pagkain.

Kahit ano kasing gawin niya, hindi niya makuha ang tamang timpla ng kahit ano mang ulam. Lagi na lamang itong matabang o kung minsan, sobrang alat dahilan upang awatin siya ng kaniyang asawa magluto dahil nga sayang lang ang kanilang pera, hindi naman nila makain ang mga pinagluluto niya.

Ngunit kahit na inaawat palagi ng kaniyang asawa, pilit niya pa ring ginagawa ang kaniyang makakaya para makapagluto ng masarap na putahe. Para kasi sa kaniya, hindi kumpleto ang pagiging may bahay niya kung simpleng putahe, hindi niya maihanda sa kanilang hapag-kainan. Ika niya, “Kahit isang ulam lang ang matagumpay kong mailuto, ayos na ako.”

Palagi siyang nagsasaliksik kung paano magluto. Bawat impormasyong nasasaliksik niya ay kaniyang ginagawa ngunit tila walang nagbabago sa kaniyang mga lutiin. May pagkakataon pa ngang nasunog niya ang bagong bili niyang kawali dahilan upang gamitin niya na ang pinamanang kawali ng kaniyang lola.

Naging masarap ang kaniyang unang putaheng iniluto sa kawaling kaya ganoon na lamang siya kasaya.

Sa sobrang tuwa niya, agad siyang nagtayo ng maliit na karinderya sa tapat ng kanilang bahay sa tulong ng kaniyang asawa. Nagluto siya ng pitong putahe at lahat ng iyon ay sobrang sarap!

Pumatok sa kanilang lugar ang kaniyang mga lutong ulam hanggang sa lumago ang kanilang karinderya. Labis ang tuwa ni Daisy dahil bukod sa napagluluto na niya ang kaniyang asawa, kumikita pa silang dalawa nang ayos.

Ngunit isang umaga, bigla na lamang nawala ang kaniyang mahiwagang kawali. Agad niyang tinanong ang kaniyang asawa at labis siyang nanlumo sa sagot nito. “Ah, eh, ‘di ba ang uling-uling na noong kawaling iyon, kaya ayun, binenta ko na sa magkakalakal. Huwag ka mag-alala, may bagong bili na akong kawali,” kamot ulong sambit nito saka pinakita sa kaniya ang bagong kawaling binili.

Nais niyang magwala noong mga oras na iyon. Ngunit agad siyang niyakap ng kaniyang asawa at humingi ng pasensiya sa kaniya. Binigyan siya nito ng tubig saka siya pinakalma. “Masarap ka na naman talagang magluto kahit wala ang kawaling iyon. Halika, subukan mo magluto rito sa bagong bili kong kawali,” yaya nito sa kaniya.

Sa kadahilanang nais niyang makabenta ng ulam sa araw na iyon, kahit nag-aalinlangan, sinubukan niyang magluto sa bagong kawaling iyon at laking gulat niya nang matagumpay nga siyang nakapagluto ng isang masarap na ulam. Katulad na katulad ang lasa sa mga luto niya sa tinatawag niyang mahiwagang kawali.

“Sabi ko naman sa’yo, eh, nahubog mo ang talento mo sa pagluluto dahil sa walang sawa mong pananaliksik. Ang galing mo, asawa ko!” masayang ika ng kaniyang asawa, mangiyakngiyak naman siyang nang mapagtantong tama nga ang kaniyang asawa.

Simula noon, hindi na umasa sa hiwaga ng isang lumang kawali si Daisy. Naniniwala na siya ngayon sa kaniyang sariling kakayahan dahilan upang lalong lumago ang kanilang karinderya at maging isa nang maliit na restawran.

“Pero salamat pa rin sa kawali mo, lola, dahil doon, natutunan kong magtiwala sa mga luto ko. Hindi man totoong mahiwaga iyon, maraming salamat pa rin dahil iyon ang naging saksi sa unti-unti kong pagkatuto sa pagluluto,” sambit niya sa hangin habang nakatulala sa langit, isang araw matapos niyang magluto sa kanilang bagong tayong restawran.

Minsan, nagagawa nating umasa sa hiwaga sa paligid natin upang itago ang ating kahinaan. Ngunit nawa’y tayo’y maging matapang na harapin ito dahil wala namang bagay ang hindi nakukuha sa pagtitiyaga.

Advertisement