Usap-usapang Bayaran Daw ang Ina ng Isang Dalaga, Pinaniwalaan at Ikinagalit Niya Ito Ngunit Nasampal Siya ng Katotohanan
“Ledi, totoo palang namamasukan sa isang bar ang nanay mo, ano? Narinig ko kasi yung mga chismosa sa barangay natin na pinag-uusapan ang nanay mo. Sabi pa nila, ang nanay mo raw ang numero unong para*usan sa bayan natin,” nguso ni Myka nang minsan niyang makasabay sa pagpasok ang kaniyang pinsan.
“Naku, hindi ‘yan totoo, Myka. Tuwing gabi lang talaga nagtatrabaho ang mama ko, sabi niya kasi sa akin, mas magana siyang magtrabaho tuwing gabi,” kumpiyansang depensa ni Ledi.
“Hindi kamo ako naniniwala, Ledi. Nakita ko na rin kasi ‘yang nanay mo doon nga sa bar na ‘yon, nang minsan akong gabihin mula sa praktis ko sa banda. Sumama ka sa akin mamayang gabi, papakita ko sa’yo kung saan talaga pumapasok ang nanay,” ‘ika pa ng kaniyang pinsan, dahilan upang bahagya na siyang mag-isip at maiyak.
“Hi-hindi ko ata kaya, huwag na lang,” uutal-utal niyang hikbi saka nagpunas ng luha.
“Sumama ka sa akin, akong bahala sa’yo, dapat malaman mo ang totoo,” desididong tugon ng kaniyang pinsan saka siya hinila papasok sa kanilang paaralan.
Mag-isang binubuhay ng kaniyang ina ang dalagang si Ledi simula pa lamang noong bata siya. Maaga silang iniwan ng kaniyang ama sa kadahilanang mas pinili nito ang isang bayarang babaeng nakilala sa isang bar na labis niyang ikinasama ng loob sa murang edad.
Araw-araw niya ring nakikitang umiiyak ang kaniyang ina dahil dito. Palagi nitong isinisigaw, “Bakit isang bayaran pa ang ipinalit mo sa akin?” na labis na ikinakadurog ng kaniyang puso.
Ito ang tanging dahilan upang hindi siya maniwala sa mga tsismis na kaniyang naririnig. Karamihan sa kanilang kapitbahay sinasabing para*usan daw ang kaniyang ina at nagtatrabaho ito sa isang bar malapit sa bayan.
Minsan na niyang itinanong ito sa ina, at sinabi nitong hindi iyon totoo. Sadyang magana lamang siyang magtrabaho tuwing gabi at iyon ang palagi niyang pinanghahawakan sa tuwing makakarinig ng hindi magandang balita tungkol sa kaniyang ina.
Ngunit noong araw na iyon, tila nanlumo siya sa ibinalita ng kaniyang pinakamalapit na pinsan. Depensahan man niya ang ina at kumbinsihin ang sariling hindi totoo ang balitang iyon, hindi niya ito magawa dahil nasaksihan na ito ng kaniyang pinsan.
“Mama, bakit naman gumaya ka pa sa babae ni papa? Kung iniisip mong babalikan ka niya kapag naging bayaran ka, nagkakamali ka at sinasaktan mo lang ang sarili mo,” sambit niya sa hangin, habang pilit na pinipigilan ang kaniyang mga luha.
Agad siyang sinundo ng kaniyang pinsan pagkatapos ng klase nito. Niyaya muna siya nitong kumain sa labas habang naghihintay ng oras at nang dumating na ang alas diyes ng gabi, agad na siyang hinila ng pinsan sa bar na tinutukoy nito.
Bawat hakbang niya’y may kasamang kaba, hindi niya alam kung paano tatanggapin na ang ina niya, katulad ng babaeng sumira ng kanilang pamilya.
Nagtago sila sa isang puno malapit sa naturang bar at hinintay nilang lumabas ang kaniyang ina.
Ngunit wala pang sampung minuto, lumabas na mula sa naturang bar ang kaniyang ina. Umupo ito sa silyang nasa tapat saka nagsindi ng sigarilyo. Kinusot-kusot niya ang mata sa pag-aakalang baka namamalikmata lamang siya ngunit ‘ika ng kaniyang pinsan, “Mama mo talaga ‘yan,” na labis niyang ikinagalit.
“Halika, samahan mo ako, papauwiin ko na si mama,” malamig niyang sambit saka hinila ang pinsan.
Gulat na gulat naman ang kaniyang ina nang makita sila. Agad itong tumayo saka itinapon ang sigarilyo.
“Gabi na, ha? Bakit nasa labas pa kayong dalawa?” nakapamewang na tanong nito.
“At bakit ka nasa labas ng isang bar, mama? Totoo bang d’yan ka nagtatrabaho, ha? Bayad ba mula sa laman mo ang pinapakain mo sa akin?” galit na galit niyang sigaw dahilan upang masampal siya ng kaniyang ina, napaurong naman ang kaniyang pinsan dahil sa pagkagulat.
“Maghinay-hinay ka, Ledi. Halika!” sambit nito saka siya inakyat sa naturang gusali, doon niya nakita ang opisina na naglalaman ng sandamakmak na kompyuter pati na mga empleyadong abala sa pakikipag-usap sa mga ibang lahi. Laking pagtataka niyang wala ni isang ingay mula sa bar ang maririnig dito, “Isa ka rin pala sa mga taong kumuwe-kwestiyon sa trabaho ko! Akala ko pa naman kakampi kita!” galit na sambit nito saka padabog na isinara ang pintuan ng opisina.
Lumong-lumo siyang bumaba kasama ng kaniyang pinsan dahil sa kahihiyang naranasan. Labis itong humingi ng tawad sa kaniya at nangakong hindi na muling hahadlang sa relasyon nilang mag-ina.
Nagdesisyon naman siyang hintayin makauwi ang ina at humingi ng tawad dito. Pinagluto niya ito ng almusal at inaayos ang higaan nito.
Alas singko ng umaga nang dumating ang kaniyang ina. Noong una’y ayaw siyang pansinin nito ngunit nang magsimula na siyang humagulgol, nilapitan na siya nito’t niyakap.
“Ikaw lang ang tanging yaman ko, kaya hindi ko kayang magtago sa’yo. Kailangan mo lang magtiwala sa akin, hindi naman importante ang sasabihin ng iba hangga’t malinis ang tingin sa atin ng Diyos,” nakangiting sambit nito saka siya binitawan at nagsimulang kainin ang kaniyang inihanda.
Simula noon, hindi na siya nayanig pa ng kahit anong tsismis na kaniyang naririnig. Hindi rin kalaunan, natuklasan din ng mga tsismosang iyon ang tagong call center office sa itaas ng bar na iyon na ikinagulat nilang lahat.
May pagkakataon mang pag-usapan ka ng iba, hangga’t alam mong malinis ang iyong puri, huwag kang payayanig dahil dadating din ang araw na panahon ang siyang lilinis sa iyong pangalan.