Hindi Sinasadyang Nabangga ng Dalaga ang Matandang Babaeng Bulag Habang Siya ay Nagmamaneho Pauwi; Sa Huli’y may Matutuklasan Siyang Lihim Nito
Masayang-masaya si Emily habang nagmamaneho sa kaniyang kotse pauwi. Magandang balita ang ihahatid niya sa kaniyang Mama. Promoted siya sa trabaho. Mula sa pagiging juinor manager, senior manager na siya ngayon.
Dahil sa malalim na pag-iisip kung anong lulutuin para sa nakatakdang pagdiriwang, at dahil gabi na rin, hindi napansin ni Emily ang isang patawid na matanda sa kabilang kalye. Mabilis na pumreno si Emily. Wala siyang narinig na tunog ng pagbangga ng katawan sa harapan ng kaniyang kotse, subalit nakita niyang napaupo ang matandang babae sa kalsada.
Itinabi ni Emily ang kaniyang kotse. Umibis siyang palabas upang saklolohan ang matanda.
“Naku lola, pasensiya na po kayo, nasaktan po ba kayo? Dadalhin ko kayo sa ospital… ” nag-aalalang tanong ni Emily sa matanda. Hawak nito ang tadyang at namimilipit sa sakit. Inalalayan niya itong makatayo. Pinagtitinginan na sila ng mga tao sa paligid.
“Pambihira ka naman Ineng, hindi ka ba marunong pumara? Papat*yin mo ba ako…” medyo iritableng sabi sa kaniya ng matanda. Napansin ni Emily na may tungkod ang matanda, at sa malas, hindi ito nakakakita. Isa itong bulag.
“Wala po ba kayong kasama? Dalhin ko na po kayo sa ospital lola para matingnan iyan,” alok ni Emily sa matanda. Ayaw niya na rin ng eskandalo at baka may makakita pa sa kaniyang kakilala.
“Hindi na. Kaya ko naman. Mas masakit pa nga ang rayuma ko kaysa sa bangga mo. Daplis lang, pero masakit pa rin,” sabi ng matanda.
“Ganoon po ba? Kailangan po talaga nating mapatingnan iyang tadyang ninyo. Baka po may maga, pasa, o bali,” giit ni Emily.
“Hindi na nga Ineng ang kulit mo naman. Ako na lang magsasadya sa ospital, o baka ipahilot ko na lang. Puwede bang makahingi na lang ako ng kahit tatlong libong piso?” tanong sa kaniya ng matanda.
Hindi nagdalawang-isip si Emily. Bumunot siya ng tatlong libong piso at ibigay sa matanda. Dinagdagan pa niya ito ng dalawang libong piso dahil naawa siya sa kalagayan nito na naglalakad-lakad kahit bulag.
“Iyan lola dinagdagan ko pa. Mag-iingat po kayo. Huwag na po kayong tatawid ng kalsada sa kalagayan ninyo,” paalala ni Emily sa matanda. Tumango naman ang matanda at umalis na ito pagkaabot niya ng pera. Hindi man lamang nagpasalamat. Minabuti ni Emily na bumalik na sa loob ng sasakyan at magsimula nang magmaneho ulit.
Pilit niyang inalala kung talaga bang nadaplisan niya sa tadyang ang matanda dahil wala naman siyang naramdamang nabanggang katawan, o narinig man lamang na kalabog. Bagama’t hindi naman malaking bagay sa kaniya ang limang libong piso, mas mainam na rin iyon kaysa naman sa sinamahan pa niya sa ospital ang matanda. O kaya naman, kaysa sa magsampa ng reklamo sa kaniya. Malaking abala, naisip ni Emily.
Makalipas ang tatlong araw matapos ang insidente, muling naispatan ni Emily ang matandang bulag sa mismong bahagi ng kalye kung saan niya ito nakita. Subalit kahit nagmamaneho siya, napansin niyang tila tinitingnan nito ang kaliwa at kanan ng mga humahagibis na sasakyan, bagay na hindi magagawa ng isang taong bulag. Napaisip si Emily. Bulag nga ba ang matanda?
Hanggang sa isang araw, sa muling pagmamaneho ni Emily pauwi ay muli niyang nakita ang matandang babae subalit nakahandusay na ito sa sahig: duguan. Natuluyan na itong masagasaan. Dumating ang ambulansiya upang itakbo ito sa pinakamalapit na ospital. Dala ng kuryosidad, sinundan ito ni Emily.
Awa ng Diyos ay ligtas na ang matanda. Handang sagutin ng nakasagasa rito ang pampagamot dito. Napag-alaman ni Emily na hindi totoong bulag ang matanda, at ang ginagawa nitong paglalakad sa gitna ng kalsada ay isang modus operandi lamang pala. Target nitong kunwari ay magpasagasa upang makahuthot ng salapi sa mabibiktimang nagmamaneho ng sasakyan, kagaya nang nangyari kay Emily.
“Lola, bakit kailangan ninyong magsinungaling na bulag kayo? Bakit kailangan ninyo itong gawin?” naaawang tanong ni Emily matapos na makarecover ang matanda. Dahil sa kaniyang edad, wala nang plano ang nakasagasa rito na magsampa ng reklamo laban sa matanda. Sinagot na rin nito ang hospital bills.
Mapait na ngumiti ang matanda. “Sa hirap ng buhay. Kailangan kong kumita para may makain. Subalit pinarusahan ako ng Diyos sa mga panloloko ko. Hindi ko na uulitin ito. Matanda na ako, at gusto kong makarating sa langit kapag nawala na ako,” sabi ng matanda.
Bago maghiwalay, binigyan ni Emily nang kaunting pera ang matanda. Nagbagong-buhay naman ang matanda at hindi na inulit ang kaniyang panloloko sa kapwa.