Laging Abay sa Kasal ang Dalaga at Pinapangarap na ring Maging Bride; Hindi Siya Makapaniwalang ang Magiging Groom Niya ay ang Lalaking Kinamumuhian Niya
“Ganda naman!!!”
Lahat ng mga mata ay nakatingin kay Moira. Bakas ang paghanga sa kanilang mga mata. Napakaganda ng kaniyang simple ngunit eleganteng puting damit. Hawak niya ang pulumpon ng mga rosas. Ito na ang takdang araw ng kasal na kaniyang pinakahihintay.
“Sobrang ganda naman, Moira! Parang ikaw ang bride ah. Abay ka lang, baka talunin mo pa si Mildred,” komento ng kanilang kabarkadang si Alexis, na laging mapang-asar sa kaniya simula pa noong nasa kolehiyo sila.
Bumalik sa realidad si Moira. Oo nga pala. Hindi nga pala siya ang bride. Hindi siya ang ikakasal. Abay lamang siya. Abay ulit. Ilang beses na nga ba siyang naging abay sa mga kaibigan niyang ikinasal na at lumagay na sa tahimik?
“Basag-trip ka talaga kahit kailan!” naiinis na sabi ni Moira kay Alexis.
Ilang sandali lamang ay sumakay na sila sa sasakyan patungo sa simbahan kung saan idaraos ang kasal ng kanilang kaibigang si Mildred sa boyfriend nitong Canadian. Pagkatapos, dumiretso sila sa isang hotel upang idaos ang reception.
Para namang sinadya ng pagkakataon na halos lahat ng mga kasamang kaibigan at kaklase nila sa kolehiyo, kung hindi may asawa na ay in-relationship na. Kahit ang tinutukso nilang pinakapangit sa kanila, malapit na ring magpakasal.
“Sis, kumusta ka na? Ang ganda-ganda mo,” pagbati ng isa nilang kaklase na si Alice, tatlong taon nang kasal sa asawa at may dalawang anak.
“Heto, enjoy naman sa buhay. Ikaw, kumusta ka?” nakangiting tanong ni Moira. Inihahanda na niya ang sarili sa posibleng susunod na tanong: kailan ka mag-aasawa?
“Masaya naman. Enjoy rin sa buhay may-asawa. Ikaw, kailan…”
“Kapag mayaman na ako, mag-aasawa na ako. Oh, tama na, alam ko na iyang itatanong mo, girl. Sanay na ako,” putol ni Moira sa anumang sasabihin ni Alice. Natawa na lamang si Alice habang pumapalakpak.
“Gaga! Ang itatanong ko, kailan ka magkakaanak. Biro lang. Alam na alam mo na itatanong ko, ah. Sanay na ba girl?” tanong ni Alice.
“Medyo. Pero iisa lang din naman ang lagi kong sagot diyan. Hanapan ninyo ako ng lalaki. Iyong matino ah,” sagot ni Moira.
“Masyado ka naman kasi yatang pihikan eh! May irereto ako sa iyo. Iyon oh…” at may inginuso si Alice sa kabilang mesa. Sinundan ito ng tingin ni Moira. Walang iba kundi si Alexis.
“Ay ayoko! Kasasabi ko lang na matino. Hindi naman matino iyan. Puro pang-aasar lang ang ginagawa niyan sa akin. Saka, not my type,” sabi ni Moira. Malayong-malayo si Alexis sa “ideal man” niya. Gusto niya kasi ay tahimik at seryoso lamang. Si Alexis kasi ay masyadong palakaibigan. Tipong kapag may nakasalubong sa pasilyo, lahat ay makaka-apiran niya. Ayaw niya nang ganoong personalidad sa lalaki.
“Uy, grabe ka naman! Masyado ka kasing choosy. Baka tumandang dalaga ka niyan. Kailangan natin nang makakasama kapag uugod-ugod na tayo,” paalala ni Alice.
Sa mga ganoong pagkakataon ay nakararamdam ng pagkainis si Moira. Sa tingin ba ng mga taong ito, hindi niya alam ang mga bagay na ito? Eh sa anong gagawin niya? Walang nanliligaw sa kaniya! Hindi na lamang siya kumikibo dahil ayaw niyang makaaway ang mga kaibigan niya.
Maganda naman siya at matalino. May matatag na trabaho sa isang kompanya. Lalaki na lamang sa kaniyang buhay ang wala. Pangarap niyang maglakad sa gitna ng pasilyo ng simbahan, nakasuot ng trahe de boda, at hinihintay ng lalaking makakasama niya habambuhay. Subalit bakit si Alexis ang nakikita niya?
“Uy… baka mahipan ka ng hangin… baka mainlove ka sa akin,” nakangiting sabi ni Alexis kay Moira. Hindi na namalayan ni Moira na nakatulala na pala siya at nasa harapan na niya si Alexis. Akala tuloy nito, nakatitig siya rito.
“Hoy! Kapal ng mukha mo ah. Hindi ‘no. Never akong magkakagusto sa iyo,” irap ni Moira. Tumayo na siya sa kinauupuan at nagtungo sa kaibigang kinasal upang batiin ito.
Nang matapos na ang kasiyahan, uuwi na sana si Moira subalit hindi makasagap ng kotse ang kaniyang application dahil sa mabagal na internet connection.
“Paano ako uuwi nito? May kailangan pa akong gawin,” nasa loob ni Moira.
“Moira, problema? Hatid na kita,” aya ni Alexis kay Moira. May sasakyan kasi ito.
“Sure ka? Hindi mo ba ako ididisgrasya?” biro ni Moira kay Alexis.
“Hindi ah. Iingatan pa kita, ” at kinindatan ni Alexis ang dalaga.
Habang nasa sasakyan, nagkukuwentuhan ang dalaga. Napakaraming kuwento ni Alexis. Tawang-tawa naman si Moira sa mga banat nito. Saka lamang natitigang mabuti ni Moira ang dating kaklase. Guwapo pala ito. Malaki na ang ipinagbago. Dati kasi, napakapayat nito. Ngayon, nagkalaman na at gumanda pa ang katawan. Hindi namalayan ni Moira ang oras habang magkasama sila.
Hanggang sa naulit nang naulit ang kanilang pagkikita. Ipinagtapat ni Alexis ang nararamdaman niya noon pa para kay Moira. Kaya pala lagi niya itong inaasar, nagpapansin.
Makalipas ang ilang buwan, nahulog ang loob ni Moira kay Alexis sa hindi niya ring malamang dahilan. Naaalala pa niya ang sinabi niya kay Alice na hinding-hindi siya mgakakagusto rito. Subalit nakilala niya ang tunay na pagkatao ni Alexis. Kaya pala ito plakaibigan ay dahil lumaki itong sadyang malungkot at mag-isa.
Naging magkasintahan sina Moira at Alexis. Makalipas ang dalawang taong relasyon, ipinasya na nilang magpakasal. Hindi na siya abay. Siya na ang bride!