Inday TrendingInday Trending
Inalok ng Kaniyang Kumpare ang Ama ng Isang Trabaho na Makapagtutustos sa Kaniyang May Sakit na Anak; Ito Pala ay isang Kakaibang Uri ng Sabong

Inalok ng Kaniyang Kumpare ang Ama ng Isang Trabaho na Makapagtutustos sa Kaniyang May Sakit na Anak; Ito Pala ay isang Kakaibang Uri ng Sabong

“Pare, ano na… sabihan mo ako kapag handa ka na sa raket na sinasabi ko sa iyo…”

Pabulong na nag-uusap ang magkumpareng Efren at Greg. Inaalok ni Efren ng “kakaibang trabaho ang kaibigang si Greg na matagal na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

“Hayaan mo muna akong mag-isip, pare. Parang kinakabahan kasi ako sa sinasabi mo,” saad ni Greg sa kaibigan.

“Malaki ang kitaan dito, pare. Sa kaha ng katawan mo, tiyak na kayang-kaya mong gawin ito. Sige na… hindi ba kailangan ng inaanak ko ng bagong laptop para sa online class nila? Patusin mo na,” pag-aya ni Efren.

“Sige pare. Hayaan mo muna akong mag-isip. Sasabihan kita kapag handa na ako,” nasabi na lamang ni Greg.

Nang gabing iyon, hindi dalawin ng antok si Greg. Naghihilik na ang kaniyang misis na si Celia. Ang kanilang anak naman na si Michael ay nakatihaya pa at nakabukaka pa. Iniisp niya ang trabahong iniaalok ni Efren. Tupada. Sabong. Hindi ng mga tandang kundi tao. Sabong ng mga tao.

10,000 piso ang paunang bayad kapag pumayag na maging “panabong” bukod pa sa komisyong makukuha sa mga taya. Ibayong pag-eensayo ang gagawin kapag pumayag. Maaaring ikasawi raw ng taong panabong ang pagsali rito.

Subalit isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Isang araw, umakyat sa puno ng santol ang anak na si Michael. Nagkamali ito ng tinapakang sanga. Naputol ang naturang sanga kaya nahulog si Michael. Kinailangang dalhin sa ospital ang anak na nabalian ng mga buto.

“Payag na ako,” sabi ni Greg kay Efren. Kinailangang sumailalim sa pagsasanay si Greg bago sumalang sa naturang tupada. Hindi sinabi ni Greg ang bagay na ito sa kaniyang misis. Tiyak kasing hindi papayag ito.

Bago magsimula ang tupada, binigyan siya ng kutsilyo ni Efren.

“Pare, kakailanganin mo ito. Kung sakaling madaya ang kalaban mo, magagamit mo iyang kutsilyo na iyan. Itago mo lamang mabuti,” paalala ni Efren.

At dumating na nga ang araw na pinakihihintay ng mga mananabong. Sa isang tagong lugar ginanap ang labanan. Ngayon lamang nakarating dito si Greg. Isa itong arena. Sa gitna, naroon ang lugar kung saan naglalaban-laban ang mga taong panabong.

Nagsidatingan na ang mga “sabungero” at kaniya-kaniyang taya na sila. May mga tumaya para kay Greg at may tumaya naman sa kalaban niya. Malaking tao ang makakalaban ni Greg na tinatawag na “Halimaw.” Mukhang sanay na sanay na ito sa mga ganoong labanan, na maituturing na ilegal.

At nagsimula na nga ang labanan. Sa hudyat ng seksing babae, nagsimula na ang pag-ikot nina Greg at Halimaw sa isa’t isa: sinusukat ang mga sarili. Nagsimulang umigkas si Halimaw. Umilag si Greg. Naghiyawan ang mga nanonood sa paligid.

Dahil hindi naman sanay sa pakikipagsuntukan si Greg, mabilis siyang napagod at napatumba. Suntok, sapok, sipa, dagok ang natanggap niya mula kay Halimaw na ngising-ngisi naman. Umagos na ang mga dugo sa putok na ilong at noo ni Greg. Hindi siya puwedeng magpatalo. Hindi rito magwawakas ang kaniyang buhay. Kailangan pa siya ng anak niya.

Nang sisipain siya ni Halimaw, agad niyang hinawakan ang paa nito at hinila pababa. Napatumba si Halimaw at ito na ang piniling pagkakataon ni Greg upang paibabawan ang kalaban. Suntok, suntok, suntok, sapok, suntok, sipa, sipa, suntok, dagok, dagok, suntok. Sunod-sunod. Halos hindi na makahuma si Halimaw. Parang nagkaroon ng kakaibang lakas ang mga kamao ni Greg. Para sa kaniyang anak. Para sa kaniyang pamilya.

Maya-maya, lupaypay na si Halimaw. Hindi na makabangon. Nagbilang ang referee. Isa, dalawa, tatlo… hindi na bumangon si Halimaw. Nilapitan ng referee si Greg at itinaas ang kaniyang kanang bisig. Panalo siya! Hiyawan ang mga nanonood at tumaya sa kaniya. Maiiuwi niya ang premyo. Tuwang-tuwa si Efren sa kaniya.

Subalit nagulat sila ng biglang pumasok ang mga pulis sa naturang arena. Raid. Mabilis na nakatakas ang marami kabilang na sina Efren at Greg. Agad na nagtungo si Greg sa ospital upang mabayaran ang hospital bills ni Michael. Gulat na gulat ang kaniyang misis sa kaniyang hitsura. Ipinatahi na rin ni Greg ang kaniyang mga sugat.

Ipinagtapat ni Greg sa asawa kung paano siya nakakuha ng pera pampagamot kay Michael.

“Huwag mo nang ulitin iyon. Hindi namin kakayanin ng anak mo kung nawala ka,” umiiyak na sabi Celia.

“Gagawin ko ang lahat para sa inyo,” naiiyak na sabi ni Greg. Nilapitan siya ni Celia at mahigpit silang nagyakap.

Tuluyang gumaling si Michael at ipinangako ni Greg sa kaniyang sarili na hindi na niya papasukin ang ilegal na gawaing iyon, dahil nais pa niyang makasama ang kaniyang pamilya sa mas mahabang panahon.

Advertisement