Minaliit ng Binatilyo ang Pagiging OFW ng Ama; Laking Pagsisisi Niya nang Umuwi itong Abo na
“Max, ano, akala ko ba padadalahan ka ng papa mo?” may ngisi sa labing kantiyaw sa kaniya ng isa sa mga kabarkada at kaeskuwela habang ipinararangya nito kay Max ang bago nitong skateboard na binili ng ama nitong negosyante.
Naiinis man ay hindi ipinahalata ni Max iyon sa kaeskuwela. Kinalma niya ang sarili bago ito sinagot.
“Hindi ako pinagbigyan ni Erpats. Pataasin ko muna raw ang grades ko this sem, pagkatapos ay ibibigay niya ang gusto ko. Alam mo naman ang mga tatay, lagi silang nagse-set ng expectations sa mga anak nilang lalaki,” pagsisinungaling pa ni Max, kahit na ang totoo ay iba ang dahilang sinabi ng ama sa kaniya nang kausapin niya ito kagabi.
Wala raw silang pera. Ang ipadadala raw nitong sahod ngayong buwan ay sapat lang na pambayad ng kanilang mga utang at labis iyong ikinagagalit ni Max ngayon kaya naman nagpasiya siyang huwag pumasok ng eskuwelahan ngayong araw at magbulakbol na lamang kasama ng mga kabarkada, kaya naman nang siya ay umuwi ay matinding sermon ang inabot niya sa kaniyang ina.
“Tumawag sa akin ang teacher mo, Max! Hindi ka raw pumasok pati na rin ang mga kabarkada mo! Saan ka nagpunta? Naglakwatsa ka? Diyos ko naman, anak! May gana ka pang maglakwatsa gayong alam mo namang naghihirap tayo? Hindi pinupulot ng ama mo ang perang ipinangpapaaral sa iyo!” malakas at galit na paglilitaniya ng ina ni Max sa kaniya habang siya naman ay parang walang naririnig at patuloy lamang sa paglalaro ng mobile games sa hawak niyang aparato.
“Ano ba ang ipinagkakaganiyan mo, ha, Max? Iyon bang dahil hindi namin masunod ang gusto mo? Anak, mag-isip ka naman. Maawa ka naman sa amin!”
Sa linyang iyon ng ina tila narindi si Max kaya naman padabog siyang tumayo at hinarap ang kaniyang nanggagalaiting ina.
“Kayo ba, iniisip nʼyo ako? Kunwari pa kayong walang pera! Ano pa ang silbi ng pago-OFW ni papa kung ganoon lang naman kaliit ang sahod niya? Sana di na lang siya umalis kung ganoon din lang naman pala! Walang kuwenta!” mariing sabi niya.
Tila nanghina ang kaniyang ina sa narinig na sinabi ni Max ngunit wala siyang pakialam. Dire-diretso siyang lumabas ng bahay na ni hindi man lamang nakapagpalit ng uniporme.
Doon nagtigil si Max sa kaniyang lola simula nang araw na iyon. Hindi na rin muna siya pumasok sa eskuwela kahit pa anong pilit ng mga ito sa kaniya. Walang kaalam-alam si Max sa matinding pinagdaraanan ng ina, lalong-lalo na ng kaniyang ama nang mga sandaling iyon dahil sarili lamang niya ang tanging mahalaga sa kaniya. Umabot ng isang buwan at kalahati ang pananatili ni Max sa bahay ng kaniyang lola.
Hanggang sa isang araw ay humahangos na dumating ang nakatatanda niyang pinsan upang siya ay sunduin mula sa bahay ng kaniyang lola.
“Max, sumama ka sa amin. Umuwi na ang papa mo. Kailangan ka ng mama mo ngayon,” anang kaniyang Kuya Eman.
Labag man sa loob ay sumunod na lamang siya sa pinsan sa takot na baka siyaʼy upakan nito. Seryosong-seryoso pa naman ang aura nito at tila may pinagdaraanang mabigat.
Ngunit halos pagbagsakan ng langit at lupa si Max nang madatnan ang ayos ng kanilang bahay…
Bumalandra sa binata ang mga puting kandila sa paligid. Ang malalaking bulaklak na humahalimuyak sa halos kabuuan ng kanilang bahay. Ang malaking litrato mg kaniyang ama na nasa gitna ng altar habang sa tabi nito ay ang isang vase… ang vase na naglalaman ng abo ng katawan ng kaniyang yumaong ama nang dahil sa dumapong sakit dito.
Naghihinagpis ang kaniyang ina na halos maglumuhod na sa sahig ng kanilang salas habang si Max ay hindi alam ang kaniyang gagawin. Tila bumalik sa kaniyang balintataw ang ala-ala ng mga ginawa niyang kasalanan sa mga magulang. Doon, siya ay nanghina. Binalot ng labis na pagsisisi ang kaniyang puso at wala na siyang nagawa kundi humagulhol na lamang nang iyak at ibulong sa hangin ang paghingi niya ng tawad sa ama.
Lalo pang nanlumo si Max nang makita ang hiniling niyang skate board sa ama na nakabalot pa at may nakasulat na pangalan niya.
“Patawad po, papa! Patawad, mama! Patawarin nʼyo po ako!” umiiyak na ani Max nang yakapin siya ng kaniyang ina. Pinangako niya sa abo ng ama na magsusumikap sa buhay at habambuhay na gagabayan at aalagaan ang kaniyang ina bilang kapalit ng pagsisikap ng yumaong ama sa ibang bansa.