Tiniis ng Babae ang Pananakit ng Kaniyang Asawa sa Mahabang Panahon; May Malalim pala itong Dahilan
“Mama, bakit po ba ayaw nʼyo pang iwan si papa?” umiiyak na sabi ng walong taong gulang na anak niyang si Jared habang pinapahiran nito ng oinment ang sugat na tinamo niya mula na naman sa kaniyang asawa.
“Sinasaktan niya po kayo. Iwanan na po natin siya. Iyon din po ang naririnig kong sinasabi ng mga kapitbahay natin sa tuwing nakikita nilang may mga pasa kayo dahil sa pananakit ni papa.”
Paano ay uminit na naman ang ulo ng asawa niya kanina kaya naman nasaktan na naman siya nito.
“Anak, huwag ka ngang magsasalita nang ganiyan. Papa mo siya. Bad ʼyang nag-iisip ka nang ganiyan laban sa papa mo,” panenermon naman ni Lerna sa anak.
“E, bakit po, mama? Hindi po ba at bad din naman ang ginagawa ni papa sa ʼyo? Kita mo nga po, oh. Hindi pa nga gumagaling ang sugat mo noong isang araw, dinagdagan na naman po niya nang bago!” may hinanakit sa mga matang sagot naman ng kaniyang anak sa kaniya.
Hindi magawang magalit ni Lerna sa kaniyang anak dahil may katuwiran din naman ito. Iyon nga lang ay hindi talaga nito lubos na naiintindihan ang sitwasyon nila ng ama nito at hindi niya alam kung paano iyon ipaliliwanag sa bata. Idagdag pa ang mga tsismis na naririnig nito mula sa kanilang mga kapitbahay tungkol sa pagiging martir niya raw na asawa.
“Anak, makinig ka…” Hinawakan niya ang balikat ng anak. Umayos naman ito ng pagkakaupo. “Hindi masamang tao ang papa mo. May sakit lang siya kaya kailangan natin siyang alagaan. Kailangan siyang unawain ni mama kahit na minsan ay nasasaktan niya ako nang hindi sinasadya.”
Mataman lamang na nakikinig ang anak sa kaniya kaya naman nagpatuloy pa rin si Lerna sa pagsasalita.
“Alam mo bang isa ang papa mo sa pinakamabait na taong nakilala ko? Noong malakas pa siya at walang sakit, tumutulong siya sa mga nangangailangan, anak. Isang bayani nga ang papa mo kung ituring,” dagdag paliwanag pa ni Lerna.
Dating sundalo kasi ang asawang si Bernard. Isang madignidad at matapang ngunit napakabait na asawa kay Lerna nito. Noon ay halos ialay nito ang lahat sa kanilang mag-ina para lang maibigay ang kanilang pangangailangan habang ginagawa nito ang tungkulin at pangarap nitong magsilbi sa bayan.
Nagbago lamang ang lahat nang ito ay madestino sa giyera. Nagkaroon ng laban sa pagitan ng grupo ng kaniyang asawa at mga rebelde. Doon ay maraming buhay ang nasawi. Nakaranas ng matinding trauma si Bernard at nagsimulang magkaroon ng diperensya sa kaniyang pag-iisip.
Sinubukan itong ipagamot ni Lerna ngunit nabaon na sila sa utang ay hindi pa rin gumaganda ang lagay nito, kayaʼt nagpasya na lamang siyang tutukan ang pag-aalaga sa kaniyang asawa hanggang sa bumuti na ang lagay nito at muling ibalik ang saya ng kanilang pamilya.
Ipinangako ni Lerna sa kaniyang sarili na hindi ang pagkakaroon nito ng diperensya sa pag-iisip ang magpapahiwalay sa kaniya. Tawagin man siyang martir ng lahat ay hinding-hindi niya iiwan ang asawa, tulad ng kaniyang sinumpaan noon sa harap ng altar.
Simula nang araw na iyon ay hindi na muling nagtanong si Jared kung bakit ayaw niyang iwan ang ama nito, bagkus ay tinulungan siya nito sa pag-aalaga kay Bernard. Naroon pa ring paminsan-minsan ay nasasaktan siya nito dahil sa pagwawala ngunit habang tumatagal ang panahon ay gumaganda na ang lagay nito. Ipinaramdam nila ang init ng pagmamahal kay Bernard hanggang sa unti-unti ay tuluyan na nitong natalo ang sakit na dumapo rito dulot ng masamang pangyayaring naranasan nito noon.
Isang dakilang ina at asawa si Lerna at iyon ay hinangaan ng marami. Ipinagmamalaki siya ng anak na si Jared na nang maglaon ay ginustong sundan ang yapak ng kaniyang ama.
Napatunayan ng pamilya nina Lerna, Bernard at Jared na hindi kailan man kayang tibagin ng anumang sakuna o pagsubok ang isang pamilyang may matibay na pundasyon ng pagmamahal.
Inspirasyon ang mga kagaya ni Lerna. Samantala, laking pasasalamat naman ng asawa niyang si Bernard dahil sa hindi niya pagsuko sa kanilang pamilya at ngayon ay nagsisimula na nitong bawiin ang mga panahong nasayang dahil sa sakit nito. Hindi na ito bumalik pa sa trabaho, ngunit nagsimula naman ito ng negosyo upang muli silang makabangon. Ngayon ay nagsisimula na sila ng panibagong buhay.