Umalingawngaw sa paligid ng classroom na iyon ang malakas na tawanan ng mga estudyante, habang napalilibutan nila ang kanilang kaeskuwelang si Paula.
Nahuli kasi nila si Paula habang pasikreto nitong inilalagay ang isang love letter sa ilalim ng desk ng isa sa pinakaguwapong binata sa kanilang campus – si Chester. Napag-alaman nilang si Paula pala ang secret admirer ni Chester na siyang palaging nag-iiwan ng mga love letters, chocolates at kahit bulaklak sa upuan ng binata.
“Ang lakas naman ng loob mong magustuhan si Chester ano, Paula? Hindi ka ba tumitingin sa salamin?”
Muling naghagalpakan ang mga nakapalibot na kaeskuwela sa kawawang si Paula nang sabihin iyon ng isa sa kanila.
Si Paula ay isang dalagang hindi pangkaraniwan ang timbang. Mataba siya at “pangit” kung bansagan ng kaniyang mga kaeskuwela kaya wala siyang lakas ng loob na umaming gusto niya ang binatang si Chester na seatmate pa man din niya.
Napayuko na lamang si Paula dahil sa asal ng mga kapwa estudyante sa kaniya. Ang mas masakit pa roon ay nang makita ni Paula na kaisa si Chester sa kanila. Ni hindi man lang nito nagawang tanggapin ang love letter na iniaabot niya, bagkus ay itinapon na lamang nito iyon sa ere.
Mabuti na lamang at dumating ang transfer student na kaibigan ni Paula na nagngangalang Jino at pinatigil nito ang mga kaeskuwela sa ginagawang pambu-bully sa kaniya.
Lumipas ang mga araw at simula noon ay naging mas mailap na si Paula. Ngayon ay wala na siyang ibang sinasamahan kundi si Jino na tanging taong tumanggap sa kaniya kahit ano pa ang kaniyang hitsura.
Samantala, si Chester naman ay tila napaisip nang maramdaman niyang biglang nagbago ang pakikitungo ni Paula sa kaniya. Noon kasi ay magiliw ito sa kaniya at palaging nakangiti sa tuwing ito ay kausap niya, ngayon ay hindi na. Lumipat na rin ito ng ibang upuan sa tabi ng bagong lipat na estudyanteng si Jino na nagkataon pa man ding kalaban niya sa lahat ng bagay. Naiinis si Chester sa isiping pati si Paula ay nagawa nitong agawin sa kaniya ang atensyon. Hindi na tuloy niya mapaglaruan ang damdamin ng dalaga.
Dahil doon ay ginawa ni Chester ang lahat upang muling paibigin si Paula sa kaniya…
“Paula, may kasabay ka na bang magtanghalian? Mukhang hindi yata papasok si Jino ngayon, oh. Halika, sabay na tayo,” nakangiting alok ni Chester kay Paula nang araw na iyon. Ang totoo ay ngayon lang nakakita ng pagkakataon ang binata dahil iniiwasan talaga siya ni Paula.
Walang nagawa ang dalaga kundi pagbigyan na lamang siya. Kumain sila nang sabay nang tanghaling iyon. Nagkaroon pa sila ng pagkakataong makapagkuwentuhan at hindi nila namalayang nagtatawanan pala silang dalawa.
Nasundan pang muli ang mga ganoong pagkakataon hanggang sa tuluyan na silang maging magkaibigan talaga ni Paula.
“Ang sarap palang kasama ni Paula,” nasabi ni Chester sa sarili. Masaya at buo ang mga araw niya sa tuwing kasama niya ito at dahil doon kaya nagtaka siya sa sarili…
Doon ay napagtanto ni Chester na imbes na si Paula ang mapaibig niya ay kabaligtaran pa ang nangyari. Siya na ngayon ang nagmamahal dito!
Ngunit ganoon na lamang ang panlulumo ni Chester nang isang araw ay may ibalita si Paula sa kaniya…
“Oh, Paula bakit parang ang saya mo ngayon?” nakangiting tanong ni Chester kay Paula nang makita niya itong nakangiting naglalakad papasok sa eskuwela.
“Gusto kong mag-thank you sa ʼyo, Chester,” biglang sabi ni Paula, “kung hindi mo siguro ako ni-reject noon ay hindi ako matatauhan at hindi ako magiging ganito kasaya ngayon!” Namumula pa ang pisngi ni Paula habang sinasabi iyon.
Napakunot naman ang noo ni Chester.
“A-anoʼng ibig mong sabihin?” Tila may hindi magandang pakiramdam si Chester sa takbo ng usapan nilang iyon ng babaeng minamahal.
“Kami na ni Jino, Chester!” Masayang balita pa nito sa kaniya.
Pakiramdam ni Chester ay binuhusan siya nang malamig na tubig dahil sa narinig. Tila nakaramdam siya nang kurot sa kaniyang puso, lalo na nang marinig niya ang tinig ng lalaking tinutukoy nito na tinawag ang pangalan ni Paula.
“Oh, nandyan na pala siya. Sabay kaming papasok sa room, Chester. Una na ako sa ʼyo, ha?” paalam pa nito.
Halos gusto nang tumulo ng kanina pa pinipigilang luha ni Chester nang bitiwan niya ang mga huling katagang lalong nagpadurog sa kaniya.
“Congrats, Paula. Sana, maging masaya kayo.”
Binalot ng matinding pagsisisi ang damdamin ni Chester. Kung sana lang ay hindi niya ito sinaktan noon, siya sana ang binatang kahawak nito ng kamay ngayon habang sabay na naglalakad. Wala nang nagawa si Chester kundi ang iiyak na lamang ang pagsisisi at panghihinayang.