Palaging Bukambibig ng Ina sa Dalagita na Milyonaryo ang Kaniyang Ama; Totoo Pala ang Sinabi Nito
“Inay, puwede po ba tigilan niyo na ang pagsasabing milyonaryo ang tatay ko?!” inis na sabi ni Jackie sa inang si Nessa.
“Bakit ba ayaw mong maniwala, anak? Totoo naman ang sinasabi ko na talagang ubod ng yaman ang ama mo!”
Hindi kasi naniniwala ang dalagita sa sinasabi ng nanay niya. Kahit noong bata pa siya ay palaging ‘yon ang bukambibig nito, na isang milyonaryo ang tatay niya, pero kapag tinatanong naman niya kung nasaan ito o kung bakit hindi nila ito kapiling ay tumatahimik lang ang ina at wala nang ibang masabi.
Mag-isa siyang pinalaki at itinaguyod ni Nessa. Mahal na mahal siya ng ina dahil sa mga sakripisyo nito ngunit minsan ay tinatanong din niya ang sarili kung sino o nasaan ang tatay niya. Gusto niyang malaman kung buhay pa ito o sumakabilang-buhay na.
Minsang nagkaroon sila ng diskusyon sa eskwelahan tungkol sa mga tatay at biglang tinawag ng kaniyang guro ang pangalan niya.
“Jackie, maaari mo bang ilarawan sa amin ang tungkol sa iyong ama?”
Napalunok siya nang tawagin siya ng guro niyang si Ms. Manalo. Agad siyang tumayo sa harap ng klase.
“A, eh, k-kahit kailan ay hindi ko pa po nakikita ang aking ama, pero ang sabi ng nanay ko ay isa raw milyonaryo ang tatay ko,” hayag niya.
Biglang nagtawanan ang mga kaklase ni Jackie sa sinabi niya.
“Ano kamo? Milyonaryo ang tatay mo? Eh, bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa siya nakikita? Kung mayaman ang tatay mo, bakit dito ka nag-aaral sa public school?” natatawang sabi ng isa niyang kaklase.
“Oo nga, Jackie, paano mo nasabi na milyonaryo ang tatay mo, hindi mo pa naman siya nakikita?” nagtataka namang tanong ng kaniyang guro.
Napakagat-labi na lamang si Jackie. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang tungkol sa ama dahil kahit siya ay hindi niya alam ang totoong pagkatao nito. Hindi rin naman siya naniniwala na milyonaryo ito, nasabi lang niya iyon dahil wala siyang ibang maisip na sasabihin.
“Yon po kasi ang sabi ng nanay ko, na milyonaryo raw ang tatay ko, pero hindi ko po alam kung totoo o hindi,” tugon niya.
“Wala ka naman palang pruweba, eh. Paano kami maniniwala sa iyo kung totoo nga ang sinasabi mo?” pang-aasar pa ng isa niyang kaklase.
At muling nagtawanan ang buong klase. Kahit napahiya ay hindi na lamang nagpahalata si Jackie. Nang umuwi siya sa bahay ay saka pumatak ang mga luha sa kaniyang mga mata.
“Ano ba talaga ang totoo?” bulong niya sa sarili.
Gusto niyang komprontahin ang ina ngunit alam niyang hindi naman ito magsasalita. Kinagabihan habang nag-aayos ng kaniyang mga gamit sa kwarto ay may nakita siyang lumang kalendaryo. Napansin niya na mayroong pangalang nakasulat sa gilid nito.
“William Esguerra? Sino kaya ito at bakit may numero ring nakasulat dito?” nagtataka niyang bulong sa isip.
Na-curious siya sa nakita kaya sinubukan niyang tawagan ang numerong nakasulat sa kalendaryo ngunit out of coverage area ang naririnig niyang sagot. Sinubukan rin niyang hanapin sa internet ang pangalang William Esguerra at nabigla siya sa natuklasan niya tungkol sa lalaki.
“Isang napakayamang businessman pala ang William Esguerra na ito! Presidente at may-ari ng isa sa pinakamalaking kumpanya ng alak sa bansa.”
Agad niyang kinausap ang ina tungkol sa lalaki. Tinanong niya kung ano ang kinalaman ng taong iyon sa kanila. Hindi na nagawang magsinungaling ni Nessa at ipinagtapat na sa anak ang totoo.
“Siya ang iyong ama, Jackie. Si William Esguerra ang totoo mong tatay. Isa siyang milyonaryo at tanging tagapagmana sa kanilang angkan. Ayaw sa akin ng lolo at lola mo kaya hindi kami nagkatuluyan. Kusa akong nakipaghiwalay sa tatay mo dahil ayokong masira ang kanilang pamilya nang dahil sa akin. Hindi niya alam na ipinagbubuntis kita noong lumayo ako kaya hindi niya alam na may anak kami,” pagtatapat ng ina.
“Ibig pong sabihin, totoo pala na milyonaryo ang tatay ko!”
Hindi pa rin makapaniwala si Jackie na totoo ang palaging sinasabi ng nanay niya tungkol sa ama.
“Ngayong alam mo na ang lahat, kailangan nang malaman ng iyong ama na ikaw ang kaniyang anak,” wika ni Nessa.
Kinaumagahan ay pinuntahan nila ang kumpanyang pag-aari ng ama. Namangha siya nang makitang napakalaki niyon at mukhang isang magandang kumpanya ang pagmamay-ari at pinamamahalaan nito. Ang unang humarap sa kanila ay ang sekretarya ng lalaki. Nang sabihin ni Nessa ang pangalan ay agad itong pumasok sa isang pribadong kwarto. Mayamaya ay lumabas ito at inanyayahan na silang pumasok sa loob. Nadatnan nila roon ang isang lalaki na may magandang tindig at maamong mukha. Gulat na gulat ito nang makita sila.
“N-Nessa?! A-anong ginagawa mo rito?”
“Ako nga, William. Matagal tayong hindi nagkita mula nang lumayo ako sa iyo.”
Nilapitan ng lalaki si Nessa at niyakap.
“Bakit ngayon ka lang nagpakita sa akin, Nessa? Bakit mo ako iniwan? Alam mong mahal na mahal kita. Handa kong talikuran ang aking pamilya pati na rin ang lahat ng yaman na mayroon ako, makasama lang kita. Ang akala ko’y nakapag-asawa ka na kaya hindi na kita ginulo pa,” maluha-luhang sabi ng lalaki.
“Patawarin mo ako, William. Lumayo ako dahil ayokong magkasira kayo ng iyong mga magulang. Kinamumuhian ako ng mama at papa mo, matanda na sila at hindi kakayanin ng konsensiya ko kapag may masamang nangyari sa kanila,” napa-iyak na rin si Nessa.
“Wala kang kasalanan, Nessa. Ngayong nagbalik ka na ay maaari na ba nating ituloy ang naudlot nating pag-iibigan? Alam kong mahal mo pa rin ako. Matagal nang pumanaw sina mama at papa kaya wala nang hahadlang pa sa atin. Hanggang ngayon ay binata pa rin ako, wala pa rin akong asawa.”
“Talaga, William? Ako rin, hindi na rin ako umibig pa sa ibang lalaki dahil ikaw pa rin ang mahal ko.”
Nang biglang napalingon si William kay Jackie.
“S-sino siya, Nessa?”
“Siya si Jackie, William. Siya ang ating anak. Hindi ko sinabi sa iyo na nagdadalantao ako noon.”
Mahigpit na niyakap ng lalaki ang dalagita na halatang sabik na sabik na makilala ito.
“Anak? Ikaw ang anak ko?”
Tumango lamang si Jackie.
“Ako ang papa mo, hija. Ako si William ang iyong ama!” masayang-masayang sambit ng lalaki na ‘di inasahang mayroon silang anak ng babae.
Hindi na napigilan ni Jackie ang sariling emosyon at niyakap na rin nang mahigpit ang ama.
Nagsamang muli sina Nessa at William at nagdesisyong magpakasal. Ipinakilala ng lalaki ang kaniyang mag-ina sa publiko. Manghang-mangha naman ang mga kaklase at guro ni Jackie na totoo pala ang sinabi ng dalagita na anak siya ng isang milyonaryo at dahil doon ay isa na rin siyang milyonarya at nag-iisang tagapagmana ng yaman at mga ari-arian ng kaniyang ama.