Matagal Nang Hinahanap ng Babae kung Sino ang Nagligtas sa Kaniya Nang Manganib ang Buhay Niya; Laking Gulat Niya Nang Malaman kung Sino Ito
“Tulong, Tulungan niyo ako!”
Takot na takot na hiyaw ni Stella habang nagliliyab ang sinakyang kotse. Unti-unti rin niyang naramdaman na kinakapos ang kaniyang hininga hanggang sa mawalan na siya ng malay.
Nang biglang magising siya sa hinihigaang kama. Pawis na pawis at naghahabol ng hininga.
“Ang akala ko’y naulit na naman…” bulong ni Stella sa sarili.
Tatlong taon na ang nakakaraan nang mangyari ang isang malagim na aksidente na muntik na niyang ikas*wi. Nagmamaneho siya noon pauwi sa kaniyang bahay nang mawalan ng preno ang truck na nakasalubong niya sa daan. Umiwas siya na makabangga ang truck ngunit masyadong mabilis ang pangyayari at ang kotse niya ang bumangga sa isang poste at nagliyab. Mabuti na lamang at may taong napadaan sa pinangyarihan ng aksidente at iniligtas nito ang buhay niya sa tiyak na kapahamakan. Kung hindi ito dumating ay siguradong nas*wi na rin siya kasama ng dalawang lalaki na sakay ng truck na tumaob sa kalsada. Labis ang pasasalamat niya sa kaniyang tagapagligtas kaya gusto niyang malaman kung sino ang tumulong sa kaniya nang gabing iyon.
“Nasaan na kaya ang taong sumagip sa akin? Tatlong taon na ang nakalilipas ngunit hindi ko pa rin siya nahahanap,” wika pa niya sa isip.
Ayaw na sana niyang balikan pa ang nangyari dahil maaalala lang niya kung paano sinira ng aksidenteng iyon ang kaniyang mukha. Nasunog ang kalahati ng mukha niya kaya sumailalim siya sa isang operasyon kung saan iniba ang itsura niya. Wala na ang bakas ng kahapon na magpapaalala sa kaniya ng isang matinding bangungot. Pinilit niyang itago ang nakaraan kahit sa nobyo niyang si Ernest ay inilihim niya ang lahat. Patago niyang ipinapahanap ang taong tumulong sa kaniya para personal itong pasalamatan. Ang tanging nakakaalam sa ginagawa niya ay ang bestfriend niyang si Iya.
“Kailan mo ba sasabihin kay Ernest ang totoo? Karapatan niyang malaman iyon dahil siya ang boyfriend mo,” sabi ng kaibigan.
“Natatakot ako, Iya. Baka kapag ipinagtapat ko sa kaniya ang totoo at malaman niyang hindi ang mukhang ito ang tunay kong mukha ay magalit siya at iwan ako. Ayokong mangyari ‘yon dahil mahal na mahal ko na siya.”
Aminado si Stella na hindi siya maganda noon. Ang itsura niya ngayon na isa sa hinangaan sa kaniya ng nobyo ay gawa lamang ng operasyon.
“Pero hindi mo ito maitatago sa kaniya habambuhay. Lalabas at lalabas ang katotohanan,” hirit pa ni Iya.
“Bahala na. Saka ko na iisipin ‘yan kapag nangyari na,” tugon niya.
Ang hindi alam ni Stella, nagtataka na ang nobyo niyang si Ernest sa mga ikinikilos niya. Dahil sa pagiging abala niya sa paghahanap sa taong nagligtas sa kaniya ay nakalimutan na niya ang anniversary nila.
“Ano ba ang dahilan, Stella at pati ang anniversary natin ay nakalimutan mo?” tanong ng lalaki.
“A, eh, sorry, Ernest, may inaasikaso lang akong importante.”
“Mas importante pa sa anniversary natin? Palagi kitang iniintindi, pero ang espesyal na araw na ito para sa atin ay hindi mo man lang naalala? Kahit hindi mo sabihin sa akin, alam kong may gumugulo sa isip mo. Ano ‘yon, Stella? Handa akong makinig.”
“W-wala, Ernest. Naging sobrang busy lang ako sa trabaho at nawala sa isip ko ang anniversary natin. Sorry, mahal ko. Hayaan mo at babawi ako. Saan mo gustong iselebra ang anniversary natin? Huwag ka nang magalit, please,” pagsusumamo ni Stella sa nobyo.
Napabuntung-hininga na lamang si Ernest. Alam ng lalaki na hindi pa rin nagsasabi ng totoo ang kasintahan kaya hinayaan na niya ito.
“Okay, mahal. Hindi naman ako galit, eh. Nag-aalala lang ako sa iyo.”
Dahil hindi maalis sa isip ni Ernest ang nobya ay palihim nitong inalam kung ano ang pinagkakaabalahan nito. Nagulat ang lalaki nang malamang nagpupunta si Stella sa isang ospital at nakikipagkita rin ito sa imbestigador. Agad niyang kinompronta ang babae.
“Stella, maaari ka bang makausap?” mahinahon nitong tanong.
“A-ano, ‘yon, Ernest?”
“Bakit ka nagpupunta sa ospital na ito? At ano ang kinalaman mo sa babaeng ito? Bakit ka rin umuupa ng imbestigador?” sunud-sunod na tanong ni Ernest saka ipinakita sa kaniya ang litrato ng ospital at lumang litrato ng isang babae.
“Saan mo nakuha ang mga litratong ‘yan?!”
“Inalam ko ang ginagawa mong pagpapa-iimbestiga sa ospital at nalaman kong gusto mong malaman kung sino ang taong tumulong sa babaeng nasa litrato, tatlong taon na ang nakakaraan. Binayaran ko ang imbestigador na inutusan mo para ibigay sa akin ang mga impormasyong ibinigay mo sa kaniya ngunit ang litrato lang ng ospital at ang litratong ito ang ibinigay niya sa akin. Sabihin mo sa akin, Stella, bakit mo kilala ang babaeng nasa litrato at bakit mo hinahanap ang taong tumulong sa kaniya?” hayag ni Ernest.
Hindi na napigilan ni Stella ang maiyak. Kailangan na niyang sabihin kay Ernest ang katotohanan sa kaniyang pagkatao.
“A-ako at ang babae sa litrato ay iisa. Tatlong taon na ang lumipas nang maakisdente ang sinasakyan kong kotse at dahil sa aksidenteng ‘yon ay nasunog ang kalahati ng aking mukha. Ayoko nang makita pa ang sinapit ng aking dating mukha kaya sumailalim ako sa isang surgery para magpalit ng mukha na mas maayos at mas maganda. Hinahanap ko kung sino ang nagligtas sa akin dahil gusto kong personal na magpasalamat sa ginawa niyang pagliligtas sa buhay ko. Sorry, Ernest kung hindi ko sinabi sa iyo ang tungkol sa aking nakaraan dahil natakot akong iiwanan mo ako kapag nalaman mong retokada ang girlfriend mo,” bunyag niya.
Napapailing ang lalaki sa mga ipinagtapat niya.
“I-ikaw, ikaw ang babaeng ‘yon?!”
Huminto sa pag-iyak si Stella sa sinabi ng lalaki.
“Ako nga, Ernest. Ako ang babaeng nasa litrato at sa ospital na ‘yan ako dinala ng taong nagligtas sa akin ngunit hindi naman nakuha ng doktor at mga nurse ang pangalan niya dahil nagmamadali raw itong umalis.”
Bumuntong-hininga muna ang nobyo bago nagsalita.
“H-hindi ako makapaniwala na ikaw ang babaeng iniligtas ko tatlong taon na ang nakakaraan. Nakita ko noon ang isang babae na nag-aagaw-buhay sa nasusunog na sasakyan at sunog na sunog rin ang kalahati ng mukha. Isinugod ko siya sa ospital na ‘yon para malapatan ng lunas. Nagmamadali akong umalis dahil sa oras na iyon ay nabalitaan kong nag-aagaw-buhay rin ang aking papa sa bahay. Inatake naman siya sa puso. Hindi ko inakala na ang kaawa-awang babaeng ‘yon ay ikaw, mahal ko.”
Muling umagos ang masaganang luha sa mga mata ni Stella.
“Ikaw, Ernest ang taong sumagip sa buhay ko? Kaytagal kong hinanap ang taong dahilan kung bakit narito pa ako sa mundo. Wala akong kaalam-alam na nakakasama ko na pala ang taong ‘yon at ikaw pala ang aking matagal nang hinahanap na aking tagapagligtas. Maraming salamat, mahal ko,” sambit ni Stella saka hinagkan at mahigpit na niyakap ang kasintahan.
“Walang anuman, mahal ko. Napakabuti ng Diyos dahil pinagtagpo niya tayong muli. Wala akong pakialam kung anuman ang itsura mo noon at itsura mo ngayon, ang mahalaga sa akin ay kung gaano kita kamahal, Stella. Minahal kita hindi dahil sa panlabas mong katangian, minahal kita dahil sa taglay mong pambihira. Hindi na importante ang nakaraan, ang mas importante ay ang ngayon, bukas at ang ating hinaharap,” tugon ni Ernest na mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap kay Stella.
Hindi akalain ni Stella na ang aksidenteng bumago sa buhay niya ay ang magiging daan para mahanap niya ang tunay na pag-ibig sa katauhan ni Ernest na totoong nagmamahal sa kaniya.