Dahil Walang Makain ang Mag-Ina ay Kinayod ng Babae ang Laman ng Niyog Para Malamnan ang Kanilang Sikmura; Isang Lalaking Dayo ang Tutulong sa Kanila
Nag-iisip si Romelia kung ano ang kakainin nilang mag-ina kapag naubos na ang pagkaing ibinigay ng kanilang barangay.
Kasalukuyang may kumakalat na pandemiya sa kanilang lugar at mahigpit na ipinagbabawal ng mga awtoridad na lumabas ng bahay ang mga mamamayan. Dahil hindi siya makaalis sa kaniyang bahay ay hindi siya makapaghanapbuhay para kumita ng pera. Umaasa lang silang mag-ina sa ayudang ibinibigay ng barangay.
“Hanggang kailan kaya tatagal ang pandemiyang ito? Sana naman ay payagan na nilang makaalis ng bahay ang mga tao para makapagtrabaho na rin ako. Wala na akong pambili ng pagkain para sa amin ng anak ko,” nag-aalalang sabi ni Romelia sa isip.
Nang makita niya ang isang lata ng sardinas at isang kilo ng bigas na lamang ang natitira sa kanila ay napapailing na lang siya.
Lumipas ang isang araw ngunit napansin niyang wala nang nagbibigay ng tulong galing sa kanilang barangay.
“Hala, wala nang nagbibigay ng ayudang pagkain. Hindi naman ako makaalis para makadelihensiya. Paano ito, wala na palang pagkain dito dahil kinain na namin kagabi?”
Nagtanong siya sa kalapit niyang kapitbahay na si Tessie na ang bahay ay katapat lang ng bahay niya. Sakto naman na lumabas ito at nakita siya.
“Mareng Tessie, alam mo ba kung kailan magpapamigay ng bagong ayudang pagkain ang barangay?” tanong niya.
“Naku, mare, asa pa tayo! Halos isang linggo nang hindi nagbibigay ang barangay kahit bigas na pang-saing. Paubos na rin ang mga naitabi kong de lata at noodles,” sagot ng babae.
“Ang sabi kasi nila ay magpapamigay pa sila ng ayuda ngayong linggo. Ipinangako pa nga ni Kapitan na mas marami raw ang ipamimigay nila dahil nagbigay ng karagdagang tulong si Mayor,” dagdag pa niya.
“Di ko rin alam, mare. Napako na rin yata ang mga panagako nila, eh. Kawawa tuloy tayong mga hindi makapagtrabaho, hindi tayo makaalis sa bahay dahil sa ipinatutpad na lockdown. Pahirap talaga ang pandemiyang nararanasan natin ngayon!”
“Sinabi mo pa. Wala na nga kaming makain ng anak ko!”
“Pasensiya ka na, mare. Sapat lang sa aming mag-anak ang nakatabing pagkain dito, eh. Kung sobra sana ay bibigyan kita.”
“Okay lang. Gagawa na lamang ako ng paraan.”
Bago siya pumasok sa loob ng bahay ay napansin niya ang mga nahulog na bunga sa puno ng niyog. Napangiti si Romelia dahil hulog ng langit ang bumagsak galing sa puno ng niyog na nasa kaniyang bakuran. Agad niyang dinampot ang mga nalaglag na niyog at kinayod ang mga laman niyon.
“Ayan, may pagkain na kami ng anak ko!” bulong niya sa sarili habang inilagay sa mangkok ang kinayod na laman ng niyog.
Maya-maya ay may kumatok sa pinto niya.
“Tao po, tao po!”
Nang buksan niya ang pinto ay bumungad sa kaniya ang isang lalaki na hindi naman katandaan ang edad. Halatang dayo ito dahil kakaiba ang suot nitong damit.
“Ano ho ang kailangan niyo?” tanong niya sa dayong lalaki na nakasuot nang mahaba at kulay pulang damit at may hawak pa itong tungkod.
“Magandang araw, hija. Maaari bang makahingi ng kaunting pagkain? Ilang araw na rin kasi akong hindi kumakain. Nanghihina na ako sa gutom,” wika ng misteryosong lalaki.
“Saan ho ba kayo galing? Pasok kayo! Pagpasensiyahan niyo na at maliit lang itong bahay namin,” yaya niya sa lalaki.
Dahil wala siyang ibang maialok sa bisita ay ang kinayod na laman ng niyog na lamang ang inialok niya rito.
“Pasensiya na ho, pero ito lang ang mayroon kami ng aking anak. Pagsaluhan po natin!”
“Salamat, hija. Ayos na ito sa akin. Nagmula pa ako sa malayong bayan kaya lang ay naubos na ang dala kong pagkain kaya naisipan kong manghingi ng makakain sa unang bahay na makikita ko, at iyon ang bahay mo. Kayo lang ba ng anak mo ang nakatira rito? Nasaan ang asawa mo?” tanong ng lalaki.
“Matagal nang pumanaw ang aking mister. Mag-isa ko na lamang itinataguyod ang aming anak. Mas mahirap kasi ngayon ang buhay namin dahil hindi ako makapagtrabaho. Patuloy pa ring umiiral ang lockdown dito sa aming lugar dulot nang kumakalat na pandemiya. Hindi makaalis ng bahay ang mga tao para makapaghanapbuhay,” kwento niya sa bisita.
“Huwag kang mag-alala, hija. Magiging maayos din ang lahat,” tanging tugon ng lalaki.
Pagkatapos nilang pagsaluhang kainin ang kinayod na laman ng niyog ay nagpaalam na ang lalaki.
“Aalis na ako, hija. Salamat uli sa pagbibigay mo sa akin ng makakain.”
“Wala hong anuman. Sige, mag-iingat ho kayo kung saan man kayo patutungo. Huwag niyong kalimutang magsuot ng face mask para sa inyong ilong at bibig,” paalala niya.
Nang sumunod na araw, nagulat si Romelia dahil sa pagbukas niya ng pinto ng kaniyang bahay ay tumambad ang napakalaking kahon na punumpuno ng iba’t ibang klase ng pagkain: may bigas, tinapay, de lata, gatas at iba pa!
“S-saan galing ang napakaraming pagkain na ito?!”
Dali-dali niyang ipinagtanong sa mga kapitbahay kung kanino nanggaling ang napakalaking kahon ng mga pagkain na nakuha niya sa harap ng bahay ngunit pati ang mga ito ay nagulat nang makita ang mga pagkain sa kahon. Wala ring nakakalam kung kanino o saan nanggaling ang mga iyon.
Agad naman niyang ipinamahagi sa mga kapitbahay ang mga nakuhang biyaya. Imbes na solohin ay tinulungan niya ang mga ito na magkaroon din ng makakain. Hindi man nila alam kung sino o saan nagmula ang biyayang natanggap nila ay lubos pa rin silang nagpapasalamat dahil sa kabila ng hirap na kanilang pinagdaraanan sa panahon ng pandemiya ay may mabuting loob pa ring handang tumulong sa kanila.
Wala silang kamalay-malay na nakamasid lamang sa malayo ang lalaking dayo na tinulungan ni Romelia. Nakangiti ito at masayang-masaya dahil hindi na magugutom ang mag-ina at ang mga kapitbahay nito.