Dahil sa Tindi ng Inis ng Aling Ito sa Kaniyang Mamanugangin ay Pagkakaisahan Nila Ito, Ano Kaya ang Mangyayari sa Huli?
Dahil sa malaki ang bahay nila Aling Nora sa kanilang probinsya ay magkakasama sila sa isang bubong ng kaniyang mga anak at ang mga pamilya nito. Ang dalawang anak kasi nito ay may pamilya na at ngayon ay ikakasal na rin ang paborito nitong anak na si Ryan.
“Ma, gusto ko ng hotdog! Pwede bang iyon ang agahan natin bukas?” lambing sa kaniya ni Aila, bunsong anak ng ale.
“Sa asawa mo ikaw maglambing ng ganyan. Siya ang paglutuin mo, hindi ako. Ginagawa niyo lang akong katulong!” iritang baling ng ale sa kaniyang anak.
“Ma, pwedeng bang sinabaw na gulay ang agahan bukas?” biglang katok ni Ryan, panganay na anak ni Aling Nora.
“Ikaw pala ‘yan, anak. Oo sige, ipaghahanda kita bukas,” mabilis na sagot nito.
“Salamat, ‘ma, I love you,” wikang muli ng lalaki saka niya isinara ang pintuan ng kwarto.
“Pag si kuya ang nagre-request napakabilis lang! Pero pag ako… Hmp! Napaka-unfair niyo talaga sa’min!” hinaing naman muli ni Aila sa kaniya.
“Tigilan mo nga ako, Aila, alam niyo naman na sa inyong lahat ay ang kuya mo ang napabayaan ko. Hindi ‘yan nakapagtapos ng pag-aaral at kinailangang magtrabaho para lang makatulong sa akin dahil nawala na ang tatay niyo. Naawa ako sa anak ko kaya kung ako sa’yo, tulungan mo akong mapaghiwalay sila ni Dianne!” baling ng ale.
“Ayaw mo talaga sa jowa ni kuya ‘no? May ilang buwan pa para mapigilan natin ang kasal nila,” sagot ni Aila rito.
“Oo, may ilang buwan pa ako para mawala sa landas natin ang impaktang Dianne na ‘yan sa buhay ng kuya mo. Napakayabang, porke maganda ang trabaho ay pakiramdam ko ina-under niya ang kuya mo! A, basta! Ayaw ko sa babaeng ‘yun! Nanay ako pero hindi ko naramdaman na kinukuha niya ang loob ko. Gusto niya yata magkaroon ng monster-in-law!” gigil pang muli wika ni Aling Nora.
“Kulamin natin, ‘ma!” mahinang suhestiyon ni Aila.
“Diyos mio, sobra kang bata ka! Huwag naman sa ganyan, kakawawain ko lang hanggang sa maramdaman niyang kailangan niya akong ligawan para magustuhan ko siya,” saad nito sabay ngiti sa kaniya anak.
Kinaumagahan ay sinimulan nga nila ang pang-aalipusta kay Dianne na siyang tumutuloy na rin sa bahay. Nagsasama na ang dalawa kahit nga hindi pa naman tapos ang kanilang kasal.
Nariyang hindi nila tinitirhang ng pagkain ang babae at tinatambak nila ang hugasin sa lababo kaya lamang ay wala itong epekto sa babae. Sinubukan na rin nilang hindi ito kausapin lalo na kapag wala naman ang kanilang kuya sa bahay. Ngunit lahat ng iyon ay mukhang hindi nakasindak sa babae.
“Mahal, gusto ko ng kape,” malambing na wika ni Dianne nang makarating si Ryan sa kanilang bahay.
“Sige mahal, ipagtitimpla kita,” malambing na sagot ng lalaki.
“Kita mo na, napakawalang konsiderasyon ng hinayupak na babae na ‘to. Kakarating lang ng anak ko ay uutusan mo na kaagad. Humanda ka sa’kin,” wika ni Aling Nora sa kaniyang sarili saka mabilis na tumayo at nagpresintang siya na ang magtitimpla ng kape para sa babae.
“Ang sweet talaga ng mama ko, maraming salamat ma,” saad naman ni Ryan sa kaniya saka ito nagmano.
Mabilis na nagpunta sa kusina ang ale at pinagtimplahan ng kape ang kaniyang magiging manugang at nang patapos na siya ay napagdesisyunan niyang duraan ang kape ng makaganti sa inis niya kay Dianne.
“Para sa pang-aalipin mo sa anak ko!” bulong pa nito sa baso saka dumahak at dumura sa tinimplang inumin.
“Ma, ano ‘yan?!” galit na wika ni Ryan ng maabutan niya ang kaniyang nanay sa ginagawa nito.
“Anak, nandyan pa kala!” mabilis na sagot ng ale at namutla ito sa gulat.
“Magpapaliwanag ako,” dagdag pa nito.
Ngunit hindi na nagsalita pa si Ryan at kinuha ang baso saka itinapon ng laman nito.
“Anak, naiinis lang naman kasi ako kay Dianne kasi pakiramdam ko inaalipin ka niya. Pakiramdam ko ay ina-under ka niya kaya gumaganti lang naman ako. Isa pa, hindi niya ako sinusuyo bilang biyenan niya. Napakayabang ng babaeng ‘yun! Marami pang mas nababagay sa’yo na iba,” mabilis na paliwanag nito sa kaniyang anak.
“Kung hindi niyo lang rin kayang irespeto ang desisyon ko at ang kagustuhan ko. Huwag niyo na ho akong ituring na anak. Hindi niyo pa nga kilala si Dianne ay pinakikita niyo na ng masamang asal. Kung hindi niyo man siya gusto, hindi pa rin tama na gawan niyo siya ng ganito. Sobra-sobra ito,” baling ni Ryan sa kaniyang ina saka ito umalis.
Ngayon nahimasmasan si Aling Nora sa kaniyang ginawa at mas lalo pa siyang nalungkot nang magalit ang kaniyang anak sa kaniya. Alam niyang mali iyon kaya naman mabilis siyang humingi ng tawad kay Ryan makalipas ang ilang araw.
“Isipin na lang nating walang nangyaring ganon at kapag naulit pa iyon baka hindi ko na mapalampas pa,” sagot ng kaniyang anak.
Tumango naman si Aling Nora at tila nahihiya pa rin dito. Ngayon niya mas nakita na mali siya ng pagtingin kay Dianne dahil napakamaasikaso pala nito kay Ryan at pinagmasdan niya ang dalawa saka niya napagtantong nagmamahalan ang dalawa.
Ngayon ay mas binigyan niya ng tuon ang kaniyang mga apo at hinayaang mabuhay ng magaan ang bagong mag-asawa.
Hindi man siguro siya binibigyan ng espesyal na atensyon ni Dianne ay alam naman niyang hindi ito nagkukulang bilang asawa sa kaniyang mahal na anak at sapat na ito para sa kaniya.