Sampung Taon ng Lihim na Minamahal ng Dalaga ang Kaibigan, Hindi Niya Malaman ang Gagawin ng Mahuli Siya ng Lalaki
“Hoy baks! Libre ka ba ngayong weekends? May ipapakilala ako sa’yo,” nakangiti at excited pang sabi ng ka-opisina ni Ericka na si Aira. Napatingin naman ang dalaga.
“Hindi eh. May gagawin ako. Bakit? Anong meron?” sagot ng dalaga kay Aira.
“Importante ba? Cancel mo. Importante ‘to!” natawa naman si Ericka sa kaibigan.
“Bakit nga? Ano ba kasing meron sa weekends?” natatawang tanong ulit ni Ericka sa kaibigan.
“Naalala mo yung na-kwento ko sayong pinsan ko? Si Mark? Yung super bait, super gwapo at super bango kong pinsan na si Mark? Umuwi na siya ng Pilipinas at gusto ka niyang makilala! Kyaaaah!” halos tumili na sa kilig pang sagot ni Aira.
“Shh, ‘wag kang maingay at baka mapagalitan pa tayo. Ha? Ano? Paano naman ako nakilala ‘nyang pinsan mo?” nagtatakang tanong ulit ng dalaga sa kaibigan si Aira.
“Eh kasi nga nakwento kita tsaka pinakita ko ‘tong picture mo,” tatawa-tawa pang sagot ng loka-loka niyang kaibigan.
“Hoy baliw kang babae ka! Baka mamaya iniisip niyan deds na deds ako sa kaniya!” hindi makapaniwalang sagot ni Ericka.
“So, cacancel mo na plans mo? Libre ka na?” taas baba pa ng kilay na saad ni Aira sa kaibigan.
“Gaga! Hindi pwede eh. May plano na kami ni Vincent. Maybe next time?” Hinging paumanhin ni Ericka sa kaibigan. Sumimangot naman agad si Aira sa narinig.
“Hmp! Vincent na naman! Talaga bang bestfriend mo lang ‘yan? Palagi ka na lang Vincent eh. Kaya hindi ka nagkaka-lovelife eh. Nagpapa-alipin ka dyan sa lalaking ‘yan,” pabirong inirapan pa siya ng kaibigan.
Naiintindihan niya naman ang kaibigan. Gusto lang nito na makahanap na siya ng boyfriend. Paano ba naman? Hindi pa siya nagkakaroon ng boyfriend ni minsan sa buhay niya! Tanging ang bestfriend niyang si Vincent pa lang ang naging lalaki sa buhay niya at wala nang iba.
High school pa lang sila ay matalik na magkaibigan na sila ni Vincent. Noong una ay kaibigan lang talaga ang tingin niya sa lalaki pero sa kalaunan ay napagtanto niya na may nararamdaman na pala siya sa matalik na kaibigan. Iniibig niya na pala ito. Ito ang rason kung bakit hindi siya nagkakanobyo.
May mga nanligaw rin naman sa kaniya pero wala siyang sinagot ni isa. Alam niyang si Vincent lang talaga ang lalaking mamahalin niya.
“Hello bes, nasaan ka na?” masiglang bati sa kaniya ni Vincent pagkasagot niya palang ng tawag nito.
“Ah, papunta na po ako d’yan sir. Wait lang ha at medyo matraffic pa po,” sarkastikong sagot niya sa matalik na kaibigan na ikinatawa naman nito. Sakay pa ang dalaga ng kaniyang sasakyan at papunta sa bahay ng matalik na kaibigan.
“Sorry na, bes. Excited lang naman akong makita ka,” malambing na sagot ni Vincent sa kanya na ikina-kilig naman ng dalaga.
Alam niyang hanggang kaibigan lang ang turing sa kanya ni Vincent pero hindi niya pa rin mapigilan ang sarili na kiligin sa tuwing may sasabihin o gagawin ito para sa kaniya. Sampung taon na ang nakalilipas pero heto at nagpapakata*nga pa rin siya at umaasa na baka mahal din siya ng binata.
Pagkarating niya sa bahay ni Vincent ay nakita niya sa labas ang binata at hinihintay siya. Napakagwapo nitong tingnan habang cool na cool na nakasandal sa pader.
“Sa wakas at dumating ka na rin. Kanina pa kita hinihintay eh,” malambing na sabi ng binata at marahan siyang natawa. Napaka-sweet talaga ni Vincent sa kanya.
“May sorpresa ako sa’yo. Magtiwala ka lang sa’kin, okay?” sasagot pa lang sana si Ericka ng lagyan ng takip ni Vincent ang kaniyang mga mata at dahan-dahan siyang inakay papasok ng bahay nito.
“Ano bang meron at may pa surprise ka pang nalalaman ha?” natatawa niyang tanong sa matalik na kaibigan. Hindi sumagot ang binata bagkus ay tinanggal nito ang piring sa kaniyang mga mata.
Hindi makapaniwala si Ericka sa kaniyang nakita. Isang candle light dinner sa garden at nakalapag sa mga berdeng damo sa ilalim ng puno ang mga salitang, “I <3 U. Will you be mine?” Hindi makapaniwala si Ericka sa kaniyang nakikita! Pakiramdam niya ay nananaginip lang siya.
“Ericka Jane, my best friend in the whole world, sampung taon kong itinago ito sa’yo. Sampung taon akong nagtiis na manatiling kaibigan mo lang hanggang sa tamang panahon na maaari ko nang sabihin sa’yo ang mga katagang ito. Mahal na mahal kita Ericka. Will you be my girlfriend?” puno ng sinseridad at pagmamahal na tanong ni Vincent sa dalaga.
Hindi na napigilan pa ni Ericka ang kaniyang mga luha. Marahan siyang tumango at niyakap ang lalaking pinakamamahal.
“Ako rin. Mahal na mahal din kita, Vince. Ang tagal kong hinintay ang sandaling ito. Kung panaginip lang ito, ayoko nang magising pa,” humihikbing sagot ng dalaga sa binata. Pinunasan naman ni Vincent ang mga luha ni Ericka.
“Maniwala ka, hindi ito pananginip. Totoong-totoo ito. Patawarin mo ako kung pinaghintay kita Ericka. Simula ngayon, iyo lang ako at akin ka lang. Mahal na mahal kita,” pangako ni Vincent sa babaeng pinakamamahal. Tumango lang ulit si Ericka bilang sagot. Alam ng Diyos kung gaano kamahal ni Ericka ang lalaking ito kaya naman labis siyang nagpapasalamat na ibinigay ito sa kanya.
Naging masaya ang relasyon nila Ericka at Vincent. Lagi silang nagbibigayan at iniintindi ang isa’t isa. Hindi sila nakakalimot na iparamdam sa isa’t isa ang pagmamahal na nararamdaman nila.
Makalipas ang ilang taon ay nagpakasal na rin ang dalawa at namuhay nang masaya kasama ang dalawa nilang supling.