Inday TrendingInday Trending
Lumaking Maluho ang Dalaga Kahit na Sila’y Mahirap Lamang, Tameme Siya Sa Kaniyang Nalaman

Lumaking Maluho ang Dalaga Kahit na Sila’y Mahirap Lamang, Tameme Siya Sa Kaniyang Nalaman

“Nay, pwede po ba akong makahingi ng pera?” malambing na sabi ni Anna sa ina. Nag-iisang anak lamang si Anna kaya naman walang pag-aalinlangan itong humihingi sa kaniyang mga magulang.

“’Di ba kabibigay ko lang sa’yo nung isang araw, anak? Nasaan na yung pera mo?” kunot noong tanong ni Aling Emelda sa anak.

“Ah yun po ba ‘nay? Nanood po kasi kami ng sine ng mga kaibigan ko at saka kumain na rin po sa labas, kaya naubos po agad yung binigay niyong pera,” sagot naman ng anak na mas lalong ikinakunot ng noo ni Aling Emelda.

“Inubos mo lahat ng iyon?” gulat na sagot ng ina sa anak.

“Anak naman, alam mo naman na hindi tayo mayaman. Mahirap lang tayo, kaya naman please maghinay-hinay ka naman sa pagwawaldas ng pera. Hindi namin yan pinupulot lang sa daan ng tatay mo. Dugo at pawis muna ang iniaalay namin bago makuha iyan at maibigay sa’yo,” sagot ni Aling Emelda na ikina-simangot naman ng dalaga.

“Eh sa nagbonding nga po kaming magkakaibigan. Alangan naman po na hindi ako sumama eh sa niyaya nga nila ako. Nakakahiya naman po, ‘nay. Pero sige po kung ayaw niyo po, hindi na lang po ako sasama sa kanila ulit,” pangongonsensiya pa habang nakasimangot na sabi ni Anna sa ina at nagdadabog na pumasok sa kaniyang kwarto.

Kinabukasan, bago pumasok sa kaniyang eskwelahan si Anna ay binigyan ulit siya ni Aling Emelda ng pera pangbaon niya.

Hindi pa rin talaga matiis ng ina ang kaniyang anak na si Anna.

“Oh ito anak, sana naman huwag mong ubusin agad ‘yan ha? Baka wala na akong maibigay sa’yo ulit. Nasa katapusan pa ang sunod naming sahod ng tatay mo,” paalala ni Aling Emelda sa anak pagkatapos ibigay ang pera kay Anna.

“Opo, ‘Nay. Salamat po! The best po talaga kayo!” nakangiting sagot ni Anna sa ina bago niyakap at hinalikan ito sa pisngi.

“Nambola ka pang bata ka. O ‘sya at pumasok ka na sa eskwela at kanina ka pa hinihintay ng tatay mo sa labas ng bahay,” nakangiting sabi ni Aling Emelda sa anak. Agad din namang lumabas si Anna para pumasok na sa eskwela.

Pagkalabas ng anak ay hindi na napigilan ni Aling Emelda ang umubo. Napatingin na lamang siya sa langit at nagsambit ng maikling panalangin nang makita ang dugo na nasa kaniyang palad na ipinangtakip niya sa kaniyang bibig nang siya’y umubo.

“Diyos ko, huwag naman po muna. Kawawa po ang anak ko,” lumuluhang panalangin ni Aling Emelda.

Pagkarating sa eskwela ay agad hinanap ni Anna ang kaniyang mga kaibigan.

“Oh guys, makakasama na ulit ako sa inyo mamaya. Saan tayo gigimik?” nakangiting tanong ng dalaga sa mga kaibigan.

“Ha? Eh ‘di ba sabi mo kahapon busy ka today kaya hindi ka makakasama?” maarteng sagot naman ng isa sa kaniyang mga kaibigan.

“Ah yun ba? Okay na. Libre na ako ulit,” nakangiting sagot naman ni Anna.

“Okay. Sabi mo eh,” sagot ulit ng kaibigan.

Maputi, matalino at maganda si Anna. Marunong din siyang mag-ayos at para talagang anak mayaman kung kumilos. Nang lumipat siya ng eskwelahan dahil sa nakatanggap siya ng scholarship sa mamahaling eskwelahang pangmamayaman sa kanilang lugar ay napagkamalan siyang anak mayaman din kagaya ng mga kaklase niya. Dahil ayaw mapahiya at mawalan ng kaibigan ay pinanindigan na lamang ito ng dalaga.

Doon nagsimula ang walang humpay na paghingi niya ng pera sa kaniyang mga magulang. Mahirap lamang sila Anna. Namamasada ng dyip ang tatay niya at nagtratrabaho naman sa isang maliit na kompanya ang nanay niya.

Pagkatapos ng eskwela, papunta na sila Anna at ang kaniyang mga kaibigan sa mall na malapit sa kanila ay biglang may tumawag sa cellphone ng kaniyang kaibigan.

“Hello dad? Ano po?! Kumusta naman po si mommy? Oh my God! Sige po pupunta na po ako ngayon dyan sa hospital,” natataranta at naluluhang pahayag ng kaniyang kaibigan.

“Girl, anong nangyari kay tita?” tanong ng isa pa nilang kaibigan.

“She’s in the hospital right now. Sorry guys, pero I can’t go. Kailangan kong puntahan si Mommy,” naluluha pa ring sagot ng dalaga.

“Don’t worry about it. Samahan ka na lang din namin. Baka mapano ka pa sa lagay mong ‘yan,” saad naman ng isa pa nilang kaibigan.

Sinamahan nila Anna ang isa nilang kaibigan sa hospital para bisitahin ang mommy nito. Nang nasa hospital na sila ay nahagip ng mata ni Anna ang nanay niya.

“Ah guys, mauna na kayo. May nakita kasi akong kakilala ko. Puntahan ko lang. Sunod na lang ako maya-maya,” paalam ni Anna sa mga kaibigan bago sinundan ang ina.

“Nay!” tawag ni Anna sa ina. Hindi siya narinig ni Aling Emelda at pumasok na ito sa silid ng doctor.

Hindi alam ni Anna kung bakit pero bigla siyang kinabahan. Hihintayin niya na lang sana ang ina sa labas pero tumatawag na ang isa niyang kaibigan. Ayaw niyang umalis ng hindi nalalaman kung bakit nandoon ang nanay niya kaya naman susundan niya sana sa loob ang ina ng biglang bumukas ang pinto.

“Pag-isipan niyo po ng mabuti, Aling Emelda. Delikado na po ang lagay niyo. Kailangan niyo na po talagang magpa-opera sa lalong madaling panahon bago mahuli po ang lahat para sa inyo,” payo pa ng doctor sa ina. Biglang naglaglagan ang mga luha sa mata ni Anna nang marinig ang sabi ng doctor.

Nakatalikod si Aling Emelda kay Anna kaya naman hindi alam ng ginang na nasa likod niya lang ang anak.

“Pag naka-ipon na po ako, doc. Medyo madami rin po kasi ngayon ang pinaglalaanan ng pera eh. Lalo na po at nag-aaral pa po ang anak ko,” sagot ng ginang sa doctor.

Mas nanghina si Anna sa kaniyang narinig. Hindi na nakayanan ng dalaga kaya bigla siyang tumakbo palayo sa ina. Natatakot siyang makita ng ina. Ayaw ng dagdagan pa ang paghihirap na pinagdadaanan ngayon ng ina.

Walang tigil sa pag-iyak si Anna habang tumatakbo pauwi. Ayaw niyang mawala ang kaniyang ina dahil lamang sa kasakiman niya.

Kinabukasan ay bumalik sa ospital si Anna at hinanap ang doctor ng kaniyang ina. Inalam niya kung magkano ang kinakailangang pera sa operasyon nito. Pagkatapos ay humingi siya ng tulong sa mga kaibigan para makalikom ng sapat na pera para sa operasyon ng ina.

Inamin rin ng dalaga sa mga kaibigan ang katotohanang mahirap lamang siya. Taliwas sa kaniyang inaasahan na itatakwil siya ng mga ito, ay nag-alok pa ang mga ito ng tulong sa kaniya.

Matapos lamang ang dalawang linggo na puno ng iba’t ibang racket na ginawa nilang magkakaibigan ay nakalikom na rin sila ng sapat na pera para sa operasyon.

“Nay, ito po,” nakangiting sambit ni Anna sa ina habang ibinibigay ang sobreng naglalaman ng perang pinagpaguran nilang magkakaibigan.

Nagulat naman si Aling Emelda ng buksan sobre at nakita ang malaking halaga na laman nito,”Para saan ang perang ito? At saan mo nakuha ‘to?” hindi makapaniwalang tanong ni Aling Emelda sa anak.

Inamin lahat ni Anna sa ina. Simula ng araw na hindi sinasadyang nakita niya ito sa ospital hanggang sa paglilikom nila ng pera ng mga kaibigan niya para sa operasyon nila. Napuno nang iyakan ang kanilang bahay.

“Pasensiya na po kayo at naging makasarili po ako ‘nay. Hindi ko man lang po napansin na naghihirap na po pala kayo,” umiiyak na sabi ni Anna sa ina.

“Ano ka ba, anak? Hindi mo na dapat inaalala ang mga ganito. Kami ang mga magulang mo, responsibilidad namin ng tatay mo na ibigay sa’yo ang lahat nang kailangan mo,” umiiyak ding sagot ng ina ni Anna habang nakayakap sa kaniya.

Agad din namang nagpa-opera si Aling Emelda. Sa awa ng Diyos, ay naging matagumpay din naman ang operasyon. Matapos lamang ang isang linggo ay maari na ring umuwi ang ginang.

Simula noon ay tuluyan nang nagbago si Anna. Hindi na siya ulit naging makasarili at hindi na rin ulit siya nagpanggap bilang isang tao na hindi naman talaga siya. Araw-araw ay nagpapasalamat siya sa Diyos at sa lahat ng naging kaagapay nila sa suliraning iyon ng kanilang buhay. Nagpapasalamat siya sa pangalawang buhay na ibinigay sa kaniyang ina.

Advertisement