Labis na Ipinagtataka ng Dalaga Kung Bakit Hindi Siya Ipinakikilala ng Nobyo sa Pamilya Nito, Hindi Siya Makapaniwala nang Matuklasan ang Dahilan
“Melissa, mahal ko, una palang kitang nakita ay alam ko nang ikaw lang ang babaeng mamahalin ko at ang babaeng gusto kong makasama habang buhay,” puno ng pagmamahal na pahayag ni Bernard sa kaniyang nobya habang nakatingin sa mga mata ng dalaga. Kinakabahan siya pero mas nag-uumapaw ang pagmamahal niya para sa dalaga. Hinawakan niya ang isang kamay ng dalaga at dahan-dahan lumuhod, kasabay ng pagsusuot niya ng singsing sa daliri ng dalaga ay ang pagbibigkas niya ng mga katangang, “Mahal ko, will you marry me?”
Agad namang naglaglagan ang mga luha ng dalaga sa narinig. Kay tagal niya ring hinintay ang pagkakataong ito. Labis na ligaya ang kaniyang nararamdaman, natatakot siyang baka panaginip lamang ang lahat.
“Oy, bakit mo ako kinurot?” naguguluhang tanong ni Bernard sa nobya.
“Sinisigurado ko lang na hindi ito panaginip. Masakit ba?” natawa naman ang binata sa sagot ng nobya.
“Aray,” asik ng dalaga ng kinurot din siya ng nobyo sa pisngi.
“Dapat sarili mo ang kinukurot mo para malaman mo kung nananaginip ka,” natatawang sagot ng binata kay Melissa.
“So, hindi ako nanaginip? Ikakasal talaga tayo?” makikita ang saya sa mga mata ng dalaga habang nakatingin sa lalaking minamahal.
“Kung papayag ka…” nakatinging sagot ng binata.
“Oo! Payag ako! Papakasalan kita!” masayang sagot ng dalaga bago yakapin ng mahigpit ang nobyo at siniil ito nang isang matamis na halik.
Limang buwan na simula ng alukin ng kasal ng kaniyang nobyo si Melissa, isang buwan na lamang at ikakasal na sila. Pero hindi gaya ng iba ay hindi sila masyadong abala sa paghahanda ng kasal.
Sa probinsya kasi nila Bernard gaganapin ang kasal kaya ayun sa nobyo ay wala na raw siyang dapat asikasuhin dahil ang pamilya na nila ang bahala sa lahat.
Sa loob ng tatlong taon na magkarelasyon sila Melissa at Bernard ay hindi nagawang ipakilala ni Bernard ang dalaga sa kaniyang pamilya, kaya naman medyo nag-aalangan at hindi komportable si Melissa dahil dito. Wala siyang ideya kung anong klaseng pamilya ang papasukin niya.
Simpleng tao lamang si Bernard gaya niya. Mabait, masipag at maalaga ang binata kaya naman minahal niya rin ito agad matapos magpahayag ng lalaki ng pagmamahal nito sa kaniya. Kung mayroon mang hindi maintindihan si Melissa sa nobyo ay ang sa loob ng tatlong taon na relasyon nila ay man lang ito nagkukwento tungkol sa pamilya nito.
Natanong na niya ito nang minsan sa lalaki pero ngumiti lang ang nobyo at ang tanging sinabi lang nito ay nasa probinsya ang pamilya at hindi maganda ang relasyon ng lalaki sa kaniyang mga magulang kaya hindi ito umuuwi at hindi din nagpaparamdam sa pamilya.
Nirespeto na lamang ni Melissa ang kagustuhan ng nobyo kaya hindi na siya nagtanong pang muli. Sa katunayan ay nagulat pa nga ng malaman na sa probinsya ng pamilya ni Bernard sila ikakasal.
“Handa ka na ba?” tanong ni Bernard sa nobya. Tumango at ngumiti lang ang dalaga. Kinakabahan siya dahil sa wakas ay makikilala niya na ang pamilya ng mapapangasawa.
Kakababa lang nila ng airport at susunduin sila ng pamilya ni Bernard dahil medyo may kalayuan pa ang mismong lugar kung saan naninirahan ang pamilya ni Bernard. Hinawakan ni Bernard ang kamay ng dalaga upang iparamdam dito na nasa tabi lang siya at hindi siya iiwan nito. Sinuklian naman ito ng isang ngiti ng dalaga.
Halos dalawang oras din ang naging biyahe nila mula sa airport hanggang sa tahanan ng pamilya ni Bernard. Halos lumuwa ang mata ni Melissa dahil sa ganda at laki ng mansion na nasa harapan niya.
“Welcome, iha! Welcome sa aming hacienda! Sa wakas at nagkakilala na din tayo sa wakas,” malugod na bati sa kaniya ng isang sopistikadang babae. Mukhang ito ang ina ni Bernard.
“Mabuti naman at naisipan ka na ding ipakilala sa amin ng aming unico hijo,” mapait na dugtong ng isang matandang lalaking mukhang Don ng mansion at ama ni Bernard.
Nanlalaki ang mga mata dahil sa hindi makapaniwala si Melissa dahil sa kaniyang nalaman ay lumingon siya kay Bernard na may mga matang nagtatanong.
“Mahal, sasagutin ko mamaya ang mga tanong mo,” tila ba humihingi ng paumanhin ang boses ng binata. Naguguluhan at nabigla man ay ngumiti na lamang din si Melissa sa nobyo at tumango.
Kinagabihan ay sinabi ni Bernard ang rason sa likod ng kaniyang paglilihim sa dalaga. Ginawa lamang iyon ng binata dahil iyon ang usapan nila ng kaniyang mga magulang. Kapalit ng kalayaang pumili ng kaniyang magiging asawa ay ang paglilihim ni Bernard ng kaniyang pagkatao.
Hangad ng mga magulang ni Bernard na lumigaya ang kanilang anak ngunit labis nilang pinangangambahan na gamitin lamang ang kanilang anak para sa pera. Likas na mayaman ang kanilang angkan kaya naman hindi na bago ang pineperahan lang pala sila ng mga tao. Ayaw ng mga magulang ni Bernard na matulad ang anak sa iba nilang mga kamag-anak kaya iyon ang paraang kanilang naisip upang masiguradong mahal talaga ng mapapangasawa ng anak nila si Bernard.
Nakaramdam man ng sama ng loob ang dalaga sa nobyo ay pinili niya na lamang na intindihin ito. Mas pinanaig na lamang ni Melissa ang kaniyang pagmamahal sa lalaking iniibig.
Makalipas ang dalawang araw ay ginanap ang pinakamagarbong kasal sa probinsya nila Bernard. Lahat ay inimbita at nagsaya sa pag-iisang dibdib nila Melissa at Bernard.
“Pangakong ikaw lamang ang mamahalin ko habang ako ay nabubuhay mahal ko,” puno ng pagmamahal na pahayag ni Bernard sa asawa habang nakatingin sa mga mata ito.
“Pangakong sa’yo lang din ako, mahal ko,” sagot ni Melissa bago siya siniil ng halik ng kaniyang pinakamamahal na asawa.