Gusto Niyang Masunod ang Lahat ng Kaniyang Kapritso; Mahal Pala Ang Magiging Kapalit Nito
“Angel, siguro ang yaman yaman niyo, ano?” komento ng isa sa kaniyang mga kaibigan isang araw habang palabas sila ng eskwelahan.
Bahagyang natawa si Angel sa sinabi ng kaibigang si Hazel. Alam niya kasi na inggit na inggit ito sa kaniya. Sino ba naman kasi ang hindi hahanga sa kaniya? Maganda, matalino, at mayaman siya.
“Hindi naman ako ang mayaman, mga magulang ko.” Binigyan niya ito ng isang pekeng ngiti.
Naputol ang kanilang pag-uusap nang may sumigaw sa kaniyang pangalan.
“Angel!” Bigla siyang napalingon sa may-ari ng boses. Ganun na lamang ang pagbundol ng kaba ng kaniyang dibdib nang makita niya ang ama na nakangiting kumakaway sa kaniya.
“Sino ‘yun?” Kuryosong tanong ni Janice, isa rin sa kaniyang mga kaibigan.
“Ah, wala, si Mang Ricky yun, driver namin. Mauna na ako ha, nandiyan na yung sundo ko. Umuwi na rin kayo,” maagap niyang taboy sa mga kaibigan bago nagdadabog na lumapit sa ama.
“Anak, kumusta ang araw—” Hindi natapos ni Ricky ang sasabihin nang pabalang na pumasok sa kaniyang taxi ang anak.
Napabuntong hininga na lamang ang matanda sa inakto ng anak.
“’Tay, ano ba naman? Ilang beses ko ba kailangan sabihin na ‘wag na ‘wag mo akong pupuntahan sa school?” Asik ni Angel sa ama.
“E anak, gusto ko lang naman—”
“Kahit na anong rason pa ‘tay! Nakakahiya! Muntik na nilang malaman na isang driver lang ang tatay ko!” Walang prenong sumbat ni Angel sa ama.
Bumalatay ang sakit sa mukha ni Mang Ricky sa sinabi nang anak, bagay na hindi napansin ng dalagita dahil diretso ang mata nito sa daan habang nakabusangot at yakap yakap ang bag nito.
Malungkot na nagpatuloy sa pagmamaneho ang matanda. Hindi niya na nasabi sa anak na gusto lamang niyang kumain sa labas dahil kaarawan niya. Mukhang hindi naalala ang kaniyang anak ang espesiyal sana niyang araw.
Nagdadabog na pumasok ng bahay si Angel habang nagpupuyos ang kalooban.
“Muntik na ako mabuking nila Hazel! Nakakainis talaga si tatay!” Naghihimutok na sigaw ni Angel.
“’Nak! Kain tayo!” Narinig niyang sigaw ng ama.
“Ayoko, nawalan na ako ng gana!” Pabalang niyang sagot sa ama.
Naiinis siya sa ama. Ayaw niyang mapahiya sa mga kaibigan kung sakaling mabuko ng mga ito na hindi talaga sila mayaman.
Isa pang kinaiinis niya ay maraming siyang hinihingi sa ama na hindi nito maibigay. Kagaya ng bagong bag na hinihingi niya. Malapit na siyang mapag-iwanan ng mga kaklase niya.
‘Yun ang huling nasa isip ni Angel bago siya natulog nang gabing iyon.
Nang umagang ‘yun, excited ang buong klase dahil in-anunsiyo ng kanilang guro na magkakaroon sila ng field trip. Habang excited ang lahat, si Angel naman ay nag-iisip kung anong idadahilan niya sa hindi pagsama.
“Angel, sasama ka ‘di ba?” Agarang usisa ni Janice sa tahimik na si Angel.
Alanganin ang ngiti na ibinigay niya sa kaibigan. “Hindi ako sigurado kung papayagan ako ng daddy ko e,” maarteng sagot niya sa kaibigan.
“Kailangan mong sumama. Huling taon na natin ‘to sa high school,” pilit ni Hazel.
Bahala na, pipilitin ko na lang si tatay. Sa isip-isip ni Angel bago nagsalita. “Sige na nga, sasama na ako!” Ngumiti siya sa mga kaibigan.
Nang gabing iyon, kumakain sila ng ama ng hapunan nang sabihin niya dito ang tungkol sa field trip.
“‘Tay, may field trip kami sa susunod na linggo. Babagsak daw sa isang subject kapag hindi sumama,” pagsisinungaling niya sa ama.
“Naku, anak, pwede ba ‘yun? Hindi lang sumama bagsak agad?” Problemadong sagot ni Mang Ricky sa anak.
“Oo, ‘tay, teacher ko na nagsabi,” pangungumbinsi ni Angel sa ama. Alam niyang hindi siya matitiis ng ama.
“Hindi ba pwedeng ‘wag ka na muna sumama, ‘nak? Wala kasi tayong pera,” pakiusap ni Ricky sa anak.
Sumimangot ang dalagita. “‘Tay, ganyan naman ang lagi mong sinasabi sa akin. Huling taon ko na sa high school, ni minsan ay hindi ako nakasama sa mga activities dahil lagi kang walang pera!” Mataas ang boses na sagot niya sa ama.
Bumuntong hininga ang ama bago sumagot. Naawa sa anak. “Sige ‘nak. Sumama ka, gagawan ko ng paraan. Magkano ba ang kailangan mo?”
Napapapalakpak naman si Angel sa tuwa.
“Sige, ‘tay! Limang libo daw, ‘tay.”
Bumagsak naman ang balikat ni Ricky sa narinig. Napakalaking halaga ng limang libo ngunit hindi niya na mabawi ang pangako sa anak lalo na’t halatang-halata ang saya sa maganda nitong mukha.
Gagawan ko na lang ng paraan. Ayaw ko din naman bumagsak si Angel, sa isip-isip ni Mang Ricky.
Nang araw din ‘yun, nagtungo si Ricky sa isang construction site upang umekstra sa gabi matapos niya mamasada ng taxi sa umaga.
Pagod na pagod si Ricky nang gabing iyon, ngunit masayang-masaya siya dahil malapit niya nang makumpleto ang limang libo na kailangan ni Angel para sa field trip nito. Sigurado siya na matutuwa ang anak pag ibinigay niya rito ang pera.
Nakatulog si Ricky nang nakangiti nang gabing ‘yun.
Kinabukasan, masama man ang pakiramdam ay hindi niya inalintana ni Ricky. Maaga pa rin siyang nagising upang mamasada.
“Ricky, okay ka lang ba? Magpahinga ka kaya muna, mukhang hindi mo kayang mgatrabaho, baka kung mapaano ka pa niyan.” Nag-aalalang payo ni Lando, isa sa mga karpintero, bago sila magsimula nang gabing ‘yun.
“Ayos lang ako, pare. Kailangan ko magtrabaho, para sa field trip ni Angel.” Tugon niya sa katrabaho.
“Sigurado ka ba? Mataas ang aakyatin natin, pare.” Hindi pa din kumbinsido na sagot nito.
“Kaya ko ‘to, Lando. Tara na,” bago siya nagpatiuna sa pag-akyat sa mataas na ika-sampung palapag ng gusaling ginagawa nila.
Kasalukuyang nagpapalitada si Ricky nang makaramdam ng matinding hilo. Akmang kakapit siya nang aksidenteng dumulas ang kaniyang paa at tuluyang mahulog mula sa kinatatayuan.
Narinig niya pa ang mga sindak na sigaw ng kaniyang mga katrabaho bago siya tuluyang lumagapak sa lupa at binalot ang matinding kadiliman ang kaniyang kamalayan.
Sa nanlalabong paningin at nananakit na katawan ay isang tao lamang ang nasa isip niya: “Angel…”
Samantala, si Angel naman ay hindi mapakali sa bahay. Madaling araw na at naalimpungatan siya nang mapansing wala pa rin ang tatay niya. Hindi naman umuuwi nang ganito kagabi ang tatay niya.
Nakaupo siya sa sala nang gulantangin ng malalakas na katok. Dali-dali siyang sumilip sa bintana at kumabog ang kaniyang dibdib nang makitang may mga pulis sa labas ng kanilang bahay.
“Ikaw ba si Angel Diaz, ang anak ni Ricky Diaz?” Tanong ng pulis na napagbuksan niya ng pinto.
“O-opo. Bakit po? May nangyari po ba sa tatay ko?” Kinakabahang sagot ng dalagita.
Matagal na hindi nagsalita ang pulis. “‘Wag kang mabibigla, hija, pero wala na ang tatay mo. Aksidente siyang nahulog mula sa ikasampung palapag ng gusali na ginagawa nila.”
Tila naman may bombang sumabog sa pandinig ni Angel. Ayaw paniwalaan ang mga narinig.
“I-imposible po‘yang sinasabi niyo. Taxi driver po ang tatay ko.” Umiiyak na sigaw ni Angel sa kausap.
“Ang mabuti pa ay sumama ka sa ospital. Nandun ang mga kasamahan ng tatay mo, hija.”
Buong biyahe papuntang ospital ay hagulhol lamang ng naulilang dalagita ang maririnig.
Sa ospital ay sinalubong sila ng isang lalaki na sa tingin niya ay katrabaho ng kaniyang ama.
“Ikaw ba si Angel, hija?” Tanong ng lalaki, na nagpakilalang si Lando.
Tango lamang ang naisagot niya.
May ibinigay ito sa kaniyang isang sobre. Nang usisain niya ay nakita niyang pera ang laman nito. Nagtatanong ang matang nilingon niya si Lando.
“‘Yan ang pera na naipon ng tatay mo para sa field trip mo. Napakasipag ng tatay mo, Angel. Sa umaga ay namamasada siya. Sa gabi ay nagka-karpintero siya. Mahal na mahal ka ng tatay mo.”
Napaluhod si Angel sa narinig habang kipkip ang puting sobre. Naalala niya ang mga pamimilit sa ama na makasama siya sa field trip sa school. Ito pa pala ang magiging mitsa ng buhay nito.
Lumapit siya sa katawan ng ama na nababalot ng puting tela. Nang masdan niya ang mukha nito ay tila malungkot ito.
Hilam ang mata sa luha na niyakap niya ang walang buhay na ama. Sising-sisi sa nangyari ngunit hindi niya na maibabalik pa ang buhay ng kaniyang ama.
“Patawarin mo ako, ‘tay. Mahal na mahal kita, kahit hindi ko iyon nasabi man lang sa iyo.”
Tila may malamig na hanging humaplos kay Angel. Nang lingunin niya muli ang mukha ng ama ay tila wala na ang lungkot na nakabalatay sa mukha nito.
“‘Magpahinga ka na ‘tay, kaya ko na ang sarili ko, at naging mabuti kang ama sa akin. Maraming maraming salamat, tatay.” Bulong ni Angel sa ama.
Alam niyang napatawad na siya ng kaniyang mabait na ama.