Inday TrendingInday Trending
Lumuhod ang Isang Ina sa Harap ng Dalawang Pulis; Ano Kaya ang Dahilan Nito?

Lumuhod ang Isang Ina sa Harap ng Dalawang Pulis; Ano Kaya ang Dahilan Nito?

“Evelyn, ikaw na ang bahala sa dalawa kong anak ah. Kailangan ko na kasing pumasok. May iniwan naman akong makakain sa loob ng refrigerator at saka, may iniwan rin akong pera kung sakaling may gusto kayong bilhin sa labas,” mahigpit na bilin ni Jessica, na abala sa pag-aayos ng mga gamit na dadalhin sa opisina.

“Sige po, ate. Ako na po ang bahala rito,” sagot naman ng kasambahay niyang si Evelyn.

“Saka Evelyn, alam mo na ang mga kailangan mong gawin kay Simon ah,” tukoy ni Jessica sa kaniyang anak na walong buwang gulang pa lamang.

“Opo, ate. Alam ko na po,” tango naman ng kasambahay.

Kahit alanganin pa siyang iwanan ang walong buwang anak na si Simon, ay wala siyang magawa kung ‘di ang pumasok na sa trabaho, dahil tapos na ang kaniyang maternity leave. No’ng isang linggo pa siya tinawagan ng kaniyang amo at pinapapasok na sa trabaho.

Isang taon rin siyang napahinga lang sa bahay kaya siguradong maninibago siya sa unang araw niya ngayon.

“Hello, Ma’am Jessica. Kumusta na po kayo? Mahaba-habang bakasyon din,” nakangiting bati sa kaniya ng gwardiyang matagal nang kakilala.

“Kaya nga e. Ayos naman,” sagot naman niya at akma na sanang lalagpasan ang gwardiya nang biglang may sumigaw.

“May sunog daw!” Sigaw nang isang empleyado rin ng kumpanya.

“Saan daw?” Natatarantang tanong nang ibang kakapasok lang din gaya niya.

“Sabi sa may Abad Santos daw. Sa Hermosa Street,” kinakabahang wika ng lalaki.

Agad namang kinabahan si Jessica nang marinig ang sinabing lugar ng lalaki. Taga-Hermosa siya at hindi niya alam kung saan nga ba banda sa Hermosa ang tinutukoy ng lalaki.

“Ma’am Jessica, ‘di ba taga Hermosa po kayo?” Tanong ng gwardiya.

“Opo. Wait lang guard, uuwi muna ako sa’min,” natataranta niyang wika habang kinakapa sa loob ng bag ang kaniyang selpon. “Evelyn, sumagot ka!” Mahinang bulong ni Jessica.

Nais niyang kumpirmahin sa katulong kung saan banda ang sunog. Kung malapit lang ba ito sa kanila o malayo. Ngunit nakailang tawag na siya’y hindi man lang sumasagot ang babae, kaya mas lalong umusbong ang kabang nararamdaman. Gusto na niyang makarating kaagad sa lugar nila at wala siyang ibang hinihiling kung ‘di sana ay hindi mapahamak ang mga anak niyang naiwan, saka si Evelyn.

Nang biglang tumunog ang kaniyang selpon ay agad niya itong sinagot.

“Ma’am, nasusunog po rito,” umiiyak na wika ni Evelyn. “M-ma’am naiwan ko po sa loob si Baby Simon,” lalong lumakas ang iyak ng babae.

“Ano?! Bakit? Paano?” Hindi malamang sambit ni Jessica.

“Ma’am pumunta na lang po kayo rito at bilisan niyo po. Sorry po talaga ma’am. Nataranta na po ako at si James lang ng nabitbit ko palabas. Nakalimutan ko pong natutulog pala sa kwarto si Baby Simon, pero sinubukan ko pong bumalik ma’am, kaso hindi na po ako pinayagan ng mga pulis,” tumatangis na paliwanag ni Evelyn.

“Evelyn naman e,” umiiyak na ring wika ni Jessica. “Paano na ang anak ko?”

Hindi niya kayang isipin na magiging abo na lang ang kaniyang bunsong anak.

Ilang oras din ang lumipas nang marating ni Jessica ang lugar nilang halos tinupok na ng nagbabagang apoy. Agad niyang hinanap si Evelyn at ang kaniyang anak na si James.

“Evelyn!” Sigaw niya sa pangalan nito.

Nakita niya ang babaeng nakatalikod sa gawi niya habang hawak-hawak nang isang kamay si James at sa kabilang kamay naman si Baby Simon. Mahimbing pa rin itong natutulog kahit nagkakagulo na ang paligid.

“Evelyn…” Agad niyang tawag sa babae.

Lumingon naman si Evelyn sa gawi niya at muling umiyak. “Ma’am nailigtas po nila si Baby Simon. Salamat sa Diyos,” halos lumuhod si Evelyn sa harap niya.

“Sino? Sino ang nagligtas sa anak ko?”

“Sila po,” turo ni Evelyn sa dalawang pulis.

Agad namang lumapit si Jessica sa ituro ni Evelyn upang pasalamatan ang mga ito.

“Sir, ako po ang nanay no’ng baby na niligtas ninyo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Jessica. “Maraming-maraming salamat po sa inyo,” aniya sabay luhod sa harap ng dalawang pulis na nagulat sa ginawa niya.

“Naku! Huwag niyo pong gagawin iyan, misis. Obligasyon po naming gawin ang bagay na iyon,” sabay na wika ng mga ito habang pilit siyang pinapatayo.

“Utang ko po sa inyo ang buhay ng anak ko. Hindi sapat ang pasasalamat ko sa ginawa niyo–”

“Pero hindi po kami Diyos para luhuran ninyo. Sapat na sa’min ang pasasalamat ninyo misis,” paliwanag ng isang pulis.

“Tama po. Masaya na kaming malamang walang sinuman ang napahamak. Napapalitan ang mga bagay na nawala, ngunit hindi mapapalitan ang buhay. Okay na po iyon,” segunda naman ng isa pa.

“Walang kapantay ang pasasalamat ko sa inyong dalawa, sir.”

“Walang anuman po,” nakangiting sabay na wika ng dalawang pulis.

Isang patunay lamang na kahit simpleng pasasalamat lang ay sapat na upang suklian ang kabutihang ginawa ng ating kapwa. Malaki man o maliit ang ginawa nilang kabutihan sa’tin ay sapat na ang salitang “SALAMAT”.

Advertisement