Inday TrendingInday Trending
Balak Niyang Sabuyan ng Harina ang Mukha ng Dating Nobya Kapag Sila’y Nagkita; Mangyari Naman Kaya Ito?

Balak Niyang Sabuyan ng Harina ang Mukha ng Dating Nobya Kapag Sila’y Nagkita; Mangyari Naman Kaya Ito?

Halos tatlong taon na ang nagdaan simula nang iwan si Reyven ng pinakamamahal niyang dalaga. Kahit pa ganoon na katagal ang lumipas na panahon, sariwa pa rin sa isip niya ang mga sinabi nito sa kaniya noong araw na tinapos nito ang kanilang relasyon.

“Ayoko na, Reyven. Oras na siguro para palayin na natin ang isa’t-isa dahil patuloy lang tayong nagsasakitan,” sabi nito sa kaniya habang sila’y kumakain sa maliit na inuupahan niyang apartment noon.

“Ano ba namang biro ‘yan, mahal?” patawa-tawa niya pang sabi sa pag-aakalang nagbibiro ito.

“Seryoso ako. Napapagod na akong magpaliwanag sa’yo kung paano mo ako dapat mahalin at alagaan. Kung hindi ko sasabihin sa’yo ang isang bagay, hindi mo kusang gagawin. Ayokong magkaroon ng asawang ganoon, ayoko na sa’yo,” wika nito na agad niyang ikinapanlambot.

“Lani, teka lang, huwag ka namang gan’yan! Ikaw lang ang taong nagbibigay lakas sa akin! Huwag na huwag mo na ulit sasabihing ayaw mo na sa akin!” pagmamakaawa niya rito.

“Hindi na talaga dahil ngayon na ang una’t huling sasabihin ko sa’yo na ayoko na sa’yo! Hinding-hindi mo na ako makikita!” sigaw nito dahilan para tumaas na rin ang emosyon niya.

“Ayan ba ang gusto? Sige! Iwan mo na ako! Hindi ka kawalan!” bulyaw niya rito saka niya ito sapilitang pinalabas ng kaniyang bahay.

Hinang-hina man siya noong araw na ‘yon at nais man niyang lumuhod sa harapan nito upang huwag siyang iwan, hindi na niya ginawa dahil mas binigyan niya ng dangal ang kaniyang pagkalalaki kaysa sa limang taong pagsasama nilang dalawa.

Buong akala niya’y hihilumin ng panahon ang puso niyang durog-durog noon. Ngunit kahit ilang taon na ang lumipas, ramdam niya pa rin ang kirot.

Sa katunayan, ilang buwan ang lumipas matapos ang kanilang hiwalayan, araw-araw niyang ineensayo sa harap ng nanay niya ang gusto niyang sabihin at gawin dito kapag muli silang pinagtagpo ng tadhana.

“Diyos ko, Reyven! Napakaisip bata mo! Sasabuyan mo siya ng harina sa mukha at sasabihin ang pangit na niya? Kahit siguro batang paslit, pagtatawanan ka!” tawang-tawa sabi ng kaniyang ina.

“Maiinis ‘yon panigurado sa akin, mama, kapag ginawa ko ‘yon! Ayaw na ayaw kaya no’ng magugulo ang buhok niya! Ni ayaw nga noong malagyan ng tubig ang pisngi niya dahil matatanggal ang make-up niya!” kwento niya rito habang inaalala ang mukha ng dalaga.

“Naku, kilalang-kilala mo pa rin si Lani, ha? Huwag mong sabihing hindi ka pa rin nakakamove-on, anak?” panunukso ng kaniyang ina.

“Mama, mag-focus ka sa ineensayo natin!” pag-iiba niya ng usapan saka muling pinatayo ang ina upang muli silang mag-ensayo.

Kaya lang, bago pa sila muling magsimula, bigla namang may kumatok sa kanilang pintuan kaya siya’y nagmadaling buksan ito at halos manginig ang tuhod niya nang makita niyang ito ang dati niyang nobya.

Hindi siya lubos na makapaniwalang nasa harapan niya itong muli kaya ilang segundo niya pa itong tiningnan habang paulit-ulit na kinukusot ang kaniyang mga mata.

“Ako nga ‘to, Reyven! Para ka na namang t*nga, eh!” sigaw nito sa kaniya.

Nang marinig niya ang mataray nitong boses, dali-dali niyang kinuha ang harina sa kanilang kusina saka ito sinaboy sa mukha ng dalaga.

“Ang pangit-pangit mo!” sigaw niya rito saka pinagsarhan ng pintuan katulad ng pinlano niya.

Ngunit imbes na makaramdam ng saya dahil sa wakas ay tila nakaganti na siya sa dalagang nagbigay nang matinding pait sa puso niya, siya’y biglang nakaramdam nang pangongonsenya.

“Alam kong hindi ka masaya sa ginawa mo. Sige na, anak, humingi ka na ng tawad,” bulong ng kaniyang ina na nakakita sa kaniyang ginawa.

Pero dahil nga mas pinahahalagahan niya ang kaniyang pagkalalaki, sinilip niya lang ito mula sa kanilang bintana. Nakita niya kung paano nito tinanggal ang harina sa mukha habang umiiyak.

Lalabas na sana siya dahil hindi na niya kayang panghawakan ang konsensyang nararamdaman ngunit bigla naman itong umalis. Nag-iwan lang ito ng isang basket ng mga prutas sa kanilang pintuan na may nakaipit na isang sulat.

“Reyven, ikakasal na ako! Sana mapatawad mo na ako. Pasensya ka na noong gabing iyon, nagpatong-patong na ang problema ko, eh, patawarin mo ako kung pinili kitang iwan kaysa ipaglaban,” sabi nito dahilan upang lalong madurog ang puso niya.

“Oras na nga siguro, anak, para pakawalan mo ang galit sa puso mo. Ikaw rin naman ang nahihirapan, anak,” payo pa ng kaniyang ina saka siya niyakap dahilan para siya’y lalong maiyak.

Mahirap man para sa kaniya na tanggapin ang tadhana, ginawa ng kaniyang ina ang lahat para siya’y matulungang makalimot at makausad sa buhay. Sila’y nagpakalayo-layong dalawa at nanirahan sa tabing dagat sa Siargao. Doon, muli niyang naranasan ang tunay na saya sa tulong ng mga lokal doon na tinuruan siyang sumayaw kasabay ng alon ng buhay.

Advertisement