Sa Kaniya Ipinagkatiwala ang Proyekto Kung Saan Makakasama Niya ang Dating Nobyo; Masikmura Niya Kaya na Makatrabaho Ito?
Mag-aanim na taon na si Nadine sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya bilang isa sa mga marketing agent. Siya ang naghahanap ng mga modelong pupwedeng magsuot ng mga binebentang damit ng kumpanya nila, gumagawa ng paraan upang makahanap sila ng mga kasosyo sa negosyo at ilang investors, at ang tanging gumagawa ng disenyo na iiimprinta sa damit na kanilang binebenta.
Ngunit kahit pa ginagawa na niya ang trabahong hindi naman para sa kaniya upang tumaas na ang posisyon niya sa kumpanyang iyon, ni tsismis na siya’y magiging marketing manager ay wala siyang natatanggap.
Sa katunayan, ang pagiging tutok niya sa trabaho upang magkaroon ng mataas na posisyon ay ang siyang naging dahilan ng hiwalayan nila ng pinakamamahal niyang binata na karelasyon niya sa loob ng halos isang dekada. Edad labing lima pa lang noong silang nagdesisyong pumasok sa romantikong relasyon dahilan upang kaniyang akalain niyang ito na ang siyang makakasama niya habang buhay dahil sa tagal na ng relasyon nila.
Ngunit nang magkatrabaho na siya at hindi niya na nagagawang kitain o kumustahin ang binata dahil sa dami ng trabahong kailangan niyang gawin upang kumita ng pera para sa pangtustos sa kaniyang pamilya, roon niya naramdaman ang pagbabago nito at katulad ng kinakatakutan niya, siya nga ay iniwan na nito.
Wala man itong ibang babae at ang tanging dahilan ay ang pagkaabala niya sa trabaho, hindi niya pa rin ito matanggap dahilan para lalo niyang isubsob sa trabaho ang sarili upang makalimot.
Bukod sa kagustuhan niyang umangat sa posisyon, ito ang dahilan para ganoon niya na lang gawin ang trabaho ng iba dahil kapag siya’y walang ginagawa, naiinis niya ang binatang iyon na ngayon ay pilit nang umiiwas sa kaniya.
Ngayong limang taon na ang nakalipas, buong akala niya’y ayos na siya at tanggap na niya ang sakit ng nakaraan. Kaya lang, nang marinig niya ang pangalan nito sa kanilang kumpanya, kahit siya’y nasa gitna ng isang importanteng pagpupulong kasama ang kaniyang mga boss, siya’y biglang napahinga nang malalim.
“Bakit, Ms. Nadine? Nahihirapan ka na ba sa mga pinapagawa namin sa’yo?” tanong ng kanilang presidente nang napansin ang reaksyon niya.
“Ay, naku, hindi po, sir!” agad niyang sagot dito.
“O, baka kakilala mo si Mr. Kho na ngayon ay biglang sumikat sa social media dahil sa angking kagwapuhan?” paghihinala nito.
“Kilalang-kilala niya ‘yon, boss! Dati niya ‘yong kasintahan, eh!” sabat ng katrabaho niyang kana dahilan para agad niya itong kurutin nang patago.
“Kaya naman pala gan’yan na lang kalalim ang hinga mo, eh! O, sige, huwag kang mag-alala, ikaw ang papamunuin ko sa proyekto natin kasama siya,” sabi nito saka agad na nilagay ang pangalan niya sa proyektong iyon.
“Huwag ka naman pong gan’yan, boss, hindi ako makakapagtrabaho…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil ito’y ngumisi sa kaniya.
“Kapag tinanggap mo ang proyektong ito, gagawin na kitang marketing manager,” hamon nito kaya wala siyang ibang nagawa kung hindi tanggapin ito.
Oramismo, agad niyang tinawagan ang dating kasintahan at pinaliwanag dito ang gagawin nilang commercial na pamumunuan niya.
“Paano kung tumanggi ako? Ayokong makasama ang isang katulad mo,” masungit itong sabi.
“Sir, pakihiwalay po ang personal na buhay sa ating trabaho. Aasahan ko po kayo bukas!” sagot niya saka na ito binabaan ng tawag.
Inis na inis man siya sa sitwasyon kinabibilangan ngayon, wala siyang ibang magawa kung hindi ang pakisamahan ang dating nobyo na tila sobrang hangin na ngayon dahil sa kasikatan.
Siya ang pinapabili nito ng kape, pinagpupunas ng sariling pawis at iba pang ginagawa ng mga alalay. Lingid man ito sa kagustuhan niya, sinusunod niya pa rin ito alang-alang sa trabaho niya.
Nagtagal ang paggawa nila ng commercial na iyon nang halos isang buwan, at sa huling araw ng kanilang pagkuha ng mga bidyo, bigla na lang sumakit ang ulo niya at ito’y nagtuloy-tuloy na hanggang sa magkalagnat na siya nang matindi dahilan para siya’y mapahiga na lang sa isang tabi.
Ngunit kinabukasan, halos mapatalon siya sa sofa na hinihigaan niya dahil nakita niyang nasa tabi niya ang dating nobyo. Nakatungo ito sa sofa habang hawak-hawak ang isang bimpo.
“Inalagaan ka niya buong magdamag, Nadine. Kahit ako ayaw niyang palapitin kagabi dahil baka raw magising ka!” bulong ng katrabaho niya habang kinikilig-kilig pa kaya agad niyang maramdaman ang pagmumula ng kaniyang mukha.
Magsasalita pa lang sana siya nang magising naman ang binata. Buong akala niya’y bigla na lang itong aalis ngunit agad nitong tiningnan ang kaniyang temperatura at nang malamang mababa na ito, siya’y agad nitong niyakap.
“Pinakaba mo ako,” bulong nito, “Huwag mo kasing isusubsob ang sarili mo sa trabaho, ha! Paano na kung wala ako?” sermon pa nito.
“Matagal ka nang wala sa akin, Kho, pero naging maayos naman ako,” sabi niya saka agad na tumayo sa sofa.
“Babalik ako! Huwag mo lang hahayaang magkagan’yan ka!” sigaw nito na ikinagulat niya.
“Anong ibig mong sabihin?” pagtataka niya.
“Gusto kong ipagpatuloy ang relasyon natin. Pinahihirapan kita sa trabaho mo dahil gusto kong maramdaman ulit ang pag-aalaga mo sa akin! Gusto kong mapalapit ka ulit sa akin! Ang pakikipaghiwalay sa’yo ang pinakat*ngang desisyong ginawa ko!” mangiyakngiyak nitong sabi kaya wala siyang nagawa kung hindi yakapin ito at humingi rin ng tawad dahil sa pagkukulang niya rito.
Umingay sa social media ang pag-uusap nilang iyon na nakuhanan at na-upload pala ng kaibigan niya dahilan para lalong sumikat at hangaan ang binata pati na ang suot nitong damit na mula sa kanilang kumpanya.
Sa dami ng mga kabataan at tagahanga ng binata na bumili ng suot nitong damit noong araw na iyon, agad na tumaas ang kita ng kanilang kumpanya na nagbigay sa kaniya ng mataas na posisyon na talagang noon niya pa pinapangarap!
“Diyos ko! Hindi ko lubos akalaing sabay akong mananalo sa pag-ibig at trabaho!” iyak niya habang siya’y pinapalakpakan ng kaniyang mga katrabaho at hawak-hawak ang kamay ng naturang binata.