Palagi Siyang Kinakalimutang Isama ng Kaniyang mga Kaibigan; Kaibigan nga ba ang Turing ng mga ito sa Kaniya?
Nakaugalian na ng dalagang si Mitsi ang sumunod nang sumunod at dumalo sa mga gala o pagdiriwang na binubuo ng mga tinuturing niyang kaibigan kahit na hindi siya iniimbitahan.
Kahit na malaking selebrasyon o simpleng pagsasama-sama, siya’y agad-agad na sumusunod kung nasaan ang mga ito lalo na kung malalaman niyang siya lang ang wala upang makumpleto ang kanilang barkada.
Sa katunayan, dumating sa puntong kahit kaarawan niya ang ipagdiriwang, siya ang nakalimutang imbitahan ng mga ito na para sa kaniya, isang nakakatawang tagpo lang dahil naniniwala siyang makakalimutin lang ang kaniyang mga kaibigan.
“Pasensya ka na, Mitsi, ha? Masyado na kasi akong naging abala sa pagluluto ng mga pagkain, hindi pala kita nasabihan!” sabi ni Jane na isa sa mga kaibigan niya habang kumakain ito ng cake na hindi niya pa nahihipan.
“Ako rin, eh, dahil sa gutom na nararamdaman ko kanina, akala ko simpleng kainan lang ang mangyayari kaya kanain ko na agad ‘yong cake!” segunda pa ng isa saka malaking kinagat ang cake na nasa platito nito.
“Naku, ayos lang! Huwag na kayong mag-alala, makita ko lang kayong masaya at kumpleto sa kaarawan ko, masaya na rin ako! Basta, pangako niyo, hindi niyo na ako kakalimutan, ha?” sagot niya sa mga ito, nakita man niyang nagtawanan ang ilan, nakitawa na lang siya kahit wala namang nakakatawa.
“Oo naman, Mitsi! Ikaw pa ba?” tugon pa ni Jane saka na siya iniwan sa isang sulok.
Ganoon palagi ang nagiging usapan nila ng kaniyang mga kaibigan. Hihingi ng pasensya ang mga ito sa kaniya tuwing siya’y magpupunta sa lugar kung nasaan ang mga ito at kapag sinabi niyang ayos lang iyon sa kaniya, iiwan na siya ng mga ito sa isang sulok at sa buong selebrasyon, hindi na siya kikibuin ng mga ito na para bang siya’y wala roon.
Kahit na siya’y pagsabihan ng ilan sa mga kaklase nilang nakakapansin sa mapait na nararanasan niya sa mga kaibigan, pinagtatanggol niya pa ang mga ito. Palagi niyang singhal sa mga kaklase, “Totoong kaibigan ang turingan namin kaya ang mga simpleng bagay katulad ng mga napapansin niyo, hindi na namin dapat pagtuunan pa ng pansin!”
Ngunit, isang araw, habang siya’y mag-isa sa kantin, nakita niyang sama-samang dumaan doon ang kaniyang buong barkada. Tila kakain ang mga ito sa bagong bukas na restawran sa tapat ng kanilang unibersidad dahilan para agad niyang iwan ang pagkaing hindi pa nababawasan at sumama sa mga ito.
Wala man lang naging reaksyon ang mga ito nang kumaway at sumama siya sa paglalakad patungo sa naturang restawran. Sa katunayan, sa isang mahabang lamesa na pangsampung katao, siya ang walang naupuan.
“Naku, Mitsi, labing isa kasi tayo, eh. Ayos lang bang mag-isa ka riyan?” tanong ni Jane.
“Oo, ayos lang ako,” sagot niya saka naupo sa katabing lamesa.
Masayang nagkukwentuhan ang mga ito habang hinihintay ang inorder nilang pagkain. Habang siya, kahit pilitin niyang makisama sa usapan ng mga ito, kung hindi siya binabara ni Jane, hindi naman siya kinikibo ng mga ito. Hanggang sa maya maya, kumakain na ang mga ito at siya’y naghihintay pa ng pagkain, nagulantang siya nang hilain ng kaniyang ina ang kamay niya at siya’y dalhin palabas.
“Mama! Ano po bang problema? Kakain po kami ng mga kaibigan ko!” inis niyang sabi rito.
“Hindi mo alam kung anong problema, Mitsi? Pinalaki ba kita para maging t*nga? Hindi mo pa ba ramdam? Ayaw ka nila sa grupo nila!” sermon nito sa kaniya.
“Hindi naman sa ganoon, mama, sadyang…” hindi na siya nakapagsalita nang lakihan siya nito ng mga mata.
“Sadyang ayaw mo lang buksan ang mga mata mo na hindi ka nila tanggap sa barkada nila! Mitsi, magising ka na sa kahibangan mo! Walang barkada ang makakalimutan ikaw ang may kaarawan sa isang selebrasyon, walang mga kaibigan na hindi ka papansin habang sila’y nagkakatuwaan, at lalo’t higit, walang totoong kaibigan na palagi kang hinahayaan manahimik sa isang tabi nang mag-isa!” pangaral nito na ikinaiyak niya na lang, “Mitsi, humanap ka ng mga taong nagliliwanag ‘yong mga mata kapag kasama ka, ‘yong mga taong masayang makita ka, at ‘yong mga taong alam kung paano ka pahalagahan dahil iyon ang tunay na depinisyon ng kaibigan,” payo pa nito saka siya mahigpit na niyakap.
Masakit man para sa kaniya na iwasan ang mga tinuturing niyang kaibigang iyon, napagtanto niyang hindi nga siya kinikilala ng mga ito bilang kaibigan dahil nang hindi na siya nagparamdam sa mga ito, hindi na talaga siya nilapitan o kahit naalala ng mga ito.
Dito na siya nagdesisyong sundin ang payo ng kaniyang ina. Sumama na siya sa mga kaklase niyang kinaiinisan niya dati na akala niya, hinuhusgahan lang ang kaniyang mga kaibigan.
At doon, naramdaman niya ang klase ng pagkakaibigan na sinasabi ng nanay niya. Simple at kakaunti man sila, ramdam niyang kabilang siya sa grupong iyon dahil ni minsan, kahit pagbili lang ng tubig sa kantin, hindi siya nakakalimutan ng mga ito lalo na tuwing may okasyon dahilan para siya’y makaramdam nang labis na saya sa piling ng mga ito.
“Ganito pala ang totoong pagkakaibigan. Sa wakas, natagpuan ko na ang mga taong tunay na nagmamahal sa akin,” sabi niya sa sarili habang masaya niyang tinitingnan ang bagong mga kaibigan na nagtatawanan sa harapan niya.