Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Lalaki ang Batang Kinupkop ng Kaniyang Misis; Ikagugulat Niya ang Mabubunyag na Lihim sa Pagkatao ng Bata

Hindi Matanggap ng Lalaki ang Batang Kinupkop ng Kaniyang Misis; Ikagugulat Niya ang Mabubunyag na Lihim sa Pagkatao ng Bata

Baog na nga, may kapansanan pa si Elvira. Kahit kailan ay hindi na siya maaaring magkaroon ng anak at hindi na rin siya makakapaglakad dahil nabundol siya ng sasakyan ilang taon na rin ang nakakalipas. Nakaupo na lamang siya sa wheelchair, ngunit kahit ganoon ang nangyari sa kaniya’y positibo pa rin ang tingin niya sa buhay.

Para mapasaya niya ang asawang si Nikko ay napagpasiyahan niyang ampunin ang isang batang babae – si Scarlet, pitong taong gulang.

Nang dumating ang kaniyang mister galing sa opisina at nadatnan nito ang bata sa bahay nila ay hindi magandang ekspresyon ang lumitaw sa mukha ng lalaki.

“Good evening, honey! Narito na siya, yung sinasabi ko sa iyong bata na inampon ko, siya si Scarlet. He’s your daddy Nikko, hija, kiss ka na sa kaniya,” sambit ni Elvira.

“Hi, daddy! Nice to meet you po,” magalang na wika ng bata na aktong lalapit kay Nikko.

Imbes na matuwa ay napasigaw ang lalaki.

“No! Huwag kang lalapit sa akin, please,” malakas na sabi ni Nikko.

Dumiretso agad ito sa kuwarto nilang mag-asawa na halata ang tinitimping inis.

“N-Nikko…” tanging nasabi ni Elvira na walang nagawa sa inasal ng mister.

Natulala ang batang si Scarlet. Hindi nito inasahan na ganoon ang isasalubong sa kaniya ng bago niyang daddy.

“Galit po ba si daddy sa akin?” malungkot na tanong ng bata.

“No, hija. Hindi galit ang daddy mo, masama lang ang pakiramdam niya dahil marami siyang ginawa sa opisina. Magiging okey rin siya,” sagot ni Elvira.

Minabuti ni Elvira na ihatid na sa kuwarto nito si Scarlet para patulugin pagkatapos ay saka niya hinarap ang asawa para komprontahin sa inasal nito.

“Ano ka ba naman, Nikko? Mali ‘yung inasal mo sa kaniya. Tingnan mo, nalungkot tuloy ‘yung bata,” wika niya.

Mas lalo lang nag-init ang ulo ng lalaki.

“Wala akong pakialam! Sasabihin ko ang gusto kong sabihin sa bahay na ito at walang makakapigil sa akin, kahit pa ikaw!” singhal ni Nikko.

“Ulilang lubos na ‘yung bata, Nikko. Saka unang kita ko palang sa kaniya’y…”

Hindi na natapos ni Elvira ang sasabihin dahil hiniritan na naman siya ng mister.

“Kasi ano? Unang kita mo palang sa kaniya ay gumaan na agad ang dugo mo? What if…may kamag-anak palang magnanakaw o mamam*t*y tao ang batang ‘yan? Eh ‘di inilagay mo pa ang buhay natin sa panganib nang dahil sa pag-ampon mo diyan! Saka ‘di lang ‘yon, eh, hindi ko siya kayang tanggapin dahil hindi ko naman siya dugo, ‘di siya atin, Elvira,” giit ni Nikko sa kaniya.

Walang kamalay-malay ang mag-asawa na nakalabas na pala ng bahay nila si Scarlet. Dala nito ang mga gamit at mga damit, aalis na sa poder nila ang bata dahil narinig nito ang pag-uusap nila.

“Mabuti pang umalis na ako sa kanila, tama naman si Daddy Nikko, ‘di nila ako kaanu-ano, ‘di nila ako kadugo,” sabi ni Scarlet sa sarili habang mag-isang naglalakad palayo.

Habang binabagtas ang kahabaan ng kalye ay hindi maiwasang muling malungkot at mapaluha nang may makitang bata na may kasamang mga magulang.

“Mabuti pa ‘yung bata, may daddy at mommy at masaya sila. Samantalang ako, mag-isa at ulila na.”

Dahil wala na rin namang ibang mapupuntahan ay nagdesisyon si Scarlet na sa tabi ng kalsada na lang matulog. Nakaramdam na rin kasi siya ng antok sa oras na iyon.

“Puwede bang makitabi sa inyo?” maayos niyang sabi sa mga batang kalye na natutulog din doon.

Pinagbigyan naman siya ng mga ito. Binigyan pa siya ng karton ng isang batang babae para may maayos siyang mahigaan.

“Salamat ha?” aniya.

Kinaumagahan ay nalaman ni Elvira na umalis si Scarlet sa bahay nila kaya nagmamadali niyang tinawag ang drayber nila para hanapin ang bata.

“Diyos ko, saan na kaya nagpunta ang batang iyon?” nag-aalala niyang sabi sa isip.

Ilang oras din silang naglibot sa bawat sulok ng kanilang lugar, maging ang mga dating pinupuntahan ng bata ay ginalugad nila ngunit hindi nila nakita roon si Scarlet.

“Wala po siya dito, Ma’am Elvira. Kahit nga po sa bandang iyon, eh nangtanung-tanong na ako pero wala raw silang nakitang bata,” wika ng kaniyang drayber.

“Kailangang makita natin si Scarlet. Ituloy natin ang paghahanap,” aniya.

Alas singko ng hapom nang makabalik sina Elvira sa bahay, bigo pa rin silang mahanap si Scarlet. Naabutan siya ng asawang si Nikko na kakauwi lang galing sa trabaho. Ito agad ang sinisi niya.

“Ikaw, ikaw ang may kagagawan kung bakit nawawala si Scarlet! Kasalanan mo ito, Nikko! Kapag hindi ko nakita si Scarlet, habang buhay kitang kamumuhian!” hagulgol ni Elvira.

Nang umiyak na siya ay hindi na nagawa pang magalit ni Nikko. Nakaramdam na ito ng awa sa kaniya.

“Tahan na, honey. Ba’t ba ganoon na lang ang concern mo sa batang iyon?” tanong ng mister habang yakap-yakap siya’t pinapakalma.

Bumuntung-hininga muna si Elvira bago nagsalita.

“G-gusto mong malaman kung bakit? Kung kanino at saan ang totoong pinanggalingan ng batang iyon, ha, Nikko? Puwes, sasabihin ko na sa iyo ang totoo. Ang batang iyon na hindi mo matanggap ay sarili mong anak. Anak mo siya, Nikko,” bunyag niya.

Nanlaki ang mga mata ni Nikko sa narinig.

“A-ano? Paanong…”

“Si Scarlet ay dugo’t laman ninyo ni Cristina. Inamin niya sa akin ang lahat, ang lahat ng nangyari sa inyo noon,” saad pa ni Elvira.

Si Cristina na minsang naging private nurse noon ni Elvira. Nagkaroon ng lihim na relasyon ang babae at ang kaniyang asawa nang malaman na hindi na siya kailanman makakalakad at magkakaanak. Pumanaw ang babae sa panganganak at iniwan nito ang batang si Scarlet sa pangangalaga ng isa sa mga kasambahay nila. Nang matuklasan niya ang totoo ay nagdesisiyon siyang na kupkupin ang bata at ituring na tunay na anak. Sa isip ni Elvira ay walang kasalanan ang bata sa pagkakasala sa kaniya nina Nikko at Cristina.

“Hindi kita sinisisi, Nikko…nauunawaan kong lahat ng iyon. Mula nang maaksidente’t makulong ako sa wheelchair na ito’y itinakda ko na sa aking sarili na anuman ang maging kahinaan mo’y uunawain ko. Kahit libong beses ka mang magtaksil…ipauunawa ko pa rin sa iyo ang pagmamahal ko,” hayag ni Elvira.

Hindi na rin nakapagpigil si Nikko at naiyak na rin sa ipinagtapat sa kaniya ng asawa.

“I’m sorry, Elvira…I’m really, really sorry,” sambit ni Nikko na sising-sisi sa lahat ng kaniyang ginawa.

Nasa ganoon silang tagpo nang may magsalita sa likuran nila.

“M-mommy Elvira…”

Nang lingunin nila ang pamilyar na boses ay nakita nila si Scarlet. Bumalik ang bata.

“Scarlet!”

“Isasauli ko lang po sa inyo itong kuwintas na ibinigay niyo sa akin, mommy. Mukhang mamahalin po iyan, hindi po iyan nababagay sa akin. Hindi niyo po ako kaanu-ano, hindi niyo po ako kadugo kaya ibinabalik ko na po iyan,” sabi ng bata.

Hindi na napigilan ni Nikko ang kaniyang damdamin, agad niyang niyakap nang mahigpit ang anak.

“No, Scarlet…iyong-iyo ‘yan. Hinding-hindi na ako papayag na umalis ka sa bahay na ito, anak ko. Patawarin mo si daddy,” sinserong wika ni Nikko.

“Talaga po, daddy? Masaya po ako dahil may mommy na ako, may daddy pa,” tuwang-tuwang sabi ni Scarlet na niyakap din ang ama.

Masayang-masaya si Elvira dahil buo na ulit ang kaniyang pamilya. Hindi man sa kaniya nanggaling si Scarlet, tinanggap naman niya ito at minahal bilang tunay na anak. Napakadakila talaga ng kaniyang puso na handang magpatawad at magmahal nang walang katulad. Napakasuwerte ni Nikko na siya ang napangasawa nito.

Advertisement