Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Dalaga sa Kaniyang Ina Dahil Tila Nalimot na Nito ang Sumakabilang Buhay Niyang Ama; Isang Umaga ay Napaluha Siya sa Natuklasan

Nagalit ang Dalaga sa Kaniyang Ina Dahil Tila Nalimot na Nito ang Sumakabilang Buhay Niyang Ama; Isang Umaga ay Napaluha Siya sa Natuklasan

Galit na ibinagsak ni Rea ang pinto ng silid niya. Nasa bahay na naman kasi nila ang bagong boyfriend ng Mama niya.

“Tito Marcus” na raw ang itawag niya rito, pero tila hindi niya kaya. Masyado pa kasing sariwa ang sugat na nilikha ng pagpanaw ng kaniyang Papa.

Kaya naman hindi niya matanggap na limang taon pa lang ang lumipas ay nakahanap na ng bagong mamahalin ang kaniyang ina.

Hindi niya tuloy maiwasang maitanong kung minahal ba talaga nito ang Papa niya.

“Anak, lalabas kami ng Tito Marcus mo, kakain kami. May gusto ka pa bang ipabili?” narinig niyang tanong ng kaniyang ina.

“Wala!” padarag na sagot niya sa ina.

Bumuntong-hininga ito.

“Mag-text ka na lang kung may kailangan ka, anak.”

Nang marinig ni Rea ang pag-alis ng sasakyan ay saka lamang tumulo ang luha na kanina niya pa pinipigilan.

Kinuha niya ang larawan nilang mag-anak noong nabubuhay pa ang ama niya. Pawang magaganda ang ngiti sa kanilang mga labi.

“Miss na miss na kita, Papa…” umiiyak na bulong niya.

Isang bagay lang naman ang kinatatakutan niya simula noong mawala ang kaniyang ama. Natatakot siya na tuluyan na nila itong makalimutan.

Napakabuting ama nito, kaya sigurado siya na wala nang hihigit dito sa puso niya. Ngunit iba ang kaniyang ina. Limang taon pa lang wala ang kaniyang Papa ay may iba na ito.

Nang makauwi ang dalawa ay alas diyes pasado na. Sa kamalas-malasan naman ay dumating ang dalawa habang umiinom siya ng tubig sa kusina. Gusto niya pa naman sanang umiwas na lang.

Lalampasan at iignorahin niya na lang sana ang dalawa ngunit natigagal siya nang makita ang kumikinang na singsing sa palasingsingan ng kaniyang ina.

Magkahawak kamay pa ang dalawa habang ngiting-ngiti sa isa’t isa.

“Ano ‘yan?” agad na usisa niya sa singsing na suot nito. May hinuha na siya, ngunit gusto niya na manggaling mismo rito.

Hindi ito nakaimik.

“Ah, hija, nag-propose na kasi ako sa Mama mo,” anang lalaki.

Hindi siya nagsalita ngunit pinukol niya nang malamig na tingin ang dalawa.

“Pumayag ka, ‘Ma? Ano ‘to, lokohan lang ba ang pagsasama n’yo noon ni Papa, kaya mabilis mo siyang napalitan?” galit na usig niya sa ina.

“Rea, limang taon na rin naman na wala ang ama mo. Sana naman ay matanggap mo na rin kami ng Mama mo,” sabat ni Marcus.

Galit siya bumaling sa lalaki.

“‘Wag ho kayong sumali rito, hindi naman kayo parte ng pamilyang ‘to,” malamig na bwelta niya sa lalaki.

Namula ang mukha nito sa pagkakapahiya.

“Rea! Hindi kita pinalaking bastos, ha! Mag-sorry ka sa Tito Marcus mo!” pa-bulyaw na wika ng kaniyang ina.

Isang matalim na irap lang ang isinagot niya rito bago siya nagdadabog na tumungo sa kaniyang silid, hindi alintana ang pagtawag sa kaniya ng ina.

Muli na namang napaiyak si Rea sa labis na sama ng loob. Ikakasal na ang kaniyang ina. Hindi magtatagal ay makakalimutan na nito ang Papa niya.

Baka nga maging siya ay malimutan na nito kapag nagkaroon na ito ng sariling pamilya.

Kinaumagahan, maaga pa lang ay umalis na ang kaniyang ina ang boyfriend nito. Ang sabi sa note na naiwan sa mesa ay may mga aasikasuhin daw ang mga ito sa kasal.

Napangiti siya nang mapait habang kumakain mag-isa.

Maya-maya ay napapitlag siya. Tila kasi may nabasag na kung ano mula sa silid ng kaniyang ina.

Kinakabahang tinungo niya ang silid. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang walang katao-tao roon. Sa halip, sa sahig ay may isang picture frame na basag.

Nang itihaya niya niya ang larawan ay nakita niya na larawan pala iyon ng kaniyang Mama at Papa nang ikinasal ang dalawa.

Napaisip siya, Nagpaparamdam ba ang kaniyang ama?

Sinimulan niyang imisin ang basag-basag na frame. Nang sumungaw siya sa ilalim ng kama upang alisin ang mga bubog ay isang lumang bag ang nakita niya.

Kuryosong inusisa niya ang laman noon. Tumambad sa kaniya ang mga liham.

Ilan sa mga iyon ay luma na, ngunit mayroon doon na bago pa, na tila kalalagay lang sa bag.

Alam niya na hindi niya dapat basahin iyon, ngunit hindi niya maiwasan na pakialaman ang mga iyon, lalo na’t nakita niyang nakasulat doon ang pangalang “Agosto,” ang pangalan ng kaniyang ama.

Nang makita niya ang isa sa mga sulat ay agad-agad na tumulo ang luha sa mga mata niya. Sa palagay niya ay iyon ang pinakabagong sulat—mula sa kaniyang ina, para sa kaniyang yumaong ama.

Nakasaad doon ang pagbabalita ng kaniyang ina na magpapakasal man ito kay Marcus, hinding-hindi nito malilimot ang Papa niya.

Sa mga sulat ay nakasaad din ang pangungulila ito sa kaniyang ama. Base sa mga petsa, mukhang simula noong mamat*y ang kaniyang ama ay mayroon itong liham para sa kaniyang ama.

Sa iilang liham pa nga ay may kalakip na mga litrato, gaya na lamang noong nagtapos siya sa kolehiyo. Mayroon din sa iba’t ibang okasyon gaya ng kaarawan, Pasko, Bagong Taon, Araw ng mga Puso, at kung ano-ano pa.

Patuloy na sumusulat ang kaniyang ina sa kaniyang yumaong ama na para bang may makukuha itong sagot mula sa kabilang buhay.

“Hindi ka naman pala nalimutan ni Mama, Papa…” umiiyak na bulong niya habang maingat na ibinabalik ang mga sulat sa mga dapat nilang kalagyan.

Saka naman bumukas ang pinto at pumasok ang kaniyang ina.

“Anak, bakit ka umiiyak?” tarantang usisa nito habang pinapahid nito ang luhang umaagos mula sa mga mata niya.

“Sorry, Mama. Sorry kung hindi ko sinuportahan ang magpapasaya sa’yo. Sorry kung binastos ko si Tito Marcus. Akala ko kasi makakalimutan mo na si Papa. Pero ngayon alam ko na. Naiintindihan ko na ang tunay mong nararamdaman…” aniya sa ina.

Bahagyang naluha ang kaniyang ina, ngunit may ngiti sa mga labi nito.

“Anak, ano bang pinagsasasabi mo? Paano ka makakalimutan ang Papa mo, gayong nariyan ka? Hanggang nariyan ka, hinding-hindi ko malilimutan ang Papa mo. Ikaw ang pinakamagandang alaala ni Agosto, Rea…” paliwanag nito.

Niyakap ni Rea nang mahigpit ang ina. Nagsisisi siya na pinagdudahan niya ang pagmamahal nito sa kaniyang ama.

Dahil sa natuklasan niya ay sinimula niyang buksan ang kaniyang puso para tanggapin ang bagong minamahal ng kaniyang niya. Napagtanto niya na isa itong mabuting tao, at mahal na mahal nito ang Mama niya.

Sa huli ay natuloy ang enggrandeng kasal ng kaniyang ina at ni Marcus. Habang nakatitig sa Rea sa bagong mag-asawa ay ilang kataga ang inusal niya.

“Masaya na ulit si Mama, Papa. Pero hinding-hindi ka namin makakalimutan…” bulong niya.

Advertisement