Inday TrendingInday Trending
Iniurong Niya nang Iniurong ang Pagpapakasal sa Nobyo; Matuloy pa Kaya ang Pinakahihintay Nilang Kasal?

Iniurong Niya nang Iniurong ang Pagpapakasal sa Nobyo; Matuloy pa Kaya ang Pinakahihintay Nilang Kasal?

“Mahal, sa ibang araw na lang natin ‘yan pag-usapan. Kasi busy tayo pareho. Hindi naman dapat minamadali ang pagpapakasal…” pigil ang inis na katwiran ni Jessa sa kaniyang nobyo na si Louie.

Anim na buwan pa lang kasi simula noong nag-propose ito, pero gusto na nito agad na magpakasal sila. Hindi naman siya maka-oo sa nobyo dahil may promosyon siya na paparating.

“Eh mahal, gusto ko na nga na magpakasal tayo. Kaya nga ako nag-propose sa’yo, kasi gusto ko na maging mag-asawa na tayo. Tapos ayaw mo naman mag-asikaso!” anito, na parang batang nagtatampo.

Agad na natunaw ang inis niya sa nobyo lalo na nang makita niya ang busangot nitong mukha. Tila ito batang inagawan ng kendi.

Itinuon niya ang buong atensyon sa nobyo.

“Sorry na, sorry na. Pwede bang bigyan mo ako ng dalawang buwan? Kapag maayos na ako sa bago kong posisyon sa kompanya, kahit ora-orada, papakasal na tayo,” naglalambing na pakiusap niya.

“Pwede naman na magpakasal na tayo, kahit sa huwes lang muna. Tapos saka tayo magpakasal sa simbahan kapag handa ka na…” hindi papatalong ungot nito.

“Pero marami pa rin tayong aasikasuhin, mahal. Saka dodoble pa tayo ng gastos. Sige na, pumayag ka na sa gusto ko, please?” muli ay katwiran niya.

Hindi ito sumagot, ngunit kita niya sa mukha nito na tinitimbang nito ang sinabi niya.

Matapos ang mahabang katahimikan ay tumango ito.

“Gusto ko lang naman makasama ka pa nang mas matagal…” komento nito.

Nagtaka siya nang makita ang ibayong lungkot sa mga mata ni Louie. Ngunit napahagikhik siya nang maisip na nagda-drama lang ito, bagay na madalas nitong gawin.

Pabiro niyang hinampas sa balikat.

“Ano ka ba naman! Drama mo naman! Habang buhay tayong magsasama. Sige ka, baka magsawa agad ako sa mukha mo,” biro pa niya, dahilan upang mauwi ang usapan nila sa matunog na halakhakan.

Tila hinipan lang ng hangin ang mga araw. Isang buwan bago ang kasal nila ay abalang-abala na sila sa paghahanda ng kasal nila.

Mabuti na lamang at dahil sa promosyon ay bahagyang gumaan ang trabaho niya, kaya may oras siya para mag-asikaso.

Dalawang araw bago ang kasal. Kasalukuyan siyang nagsusukat ng gown nang may pumasok sa kaniyang silid.

Nanlaki ang mata niya nang makita ang nobyo. Bakas ang paghanga sa gwapo nitong mukha.

“Ang ganda mo, mahal…” tila nababatubalaning komento nito.

Agad niyang itinaboy ito palabas ng silid.

“Mahal naman, bakit ka pumasok? Hindi ba’t sabi sa kasabihan, hindi mo dapat makita ang bride na nakasuot ng gown?” tanong niya.

Natawa lang ito.

“Ano ka ba, hindi totoo ‘yan! Napakamapahiin mo naman,” kantiyaw nito.

Pabirong inirapan niya lang ang nobyo.

Sa totoo lang, kabadong-kabado man si Jessa ay masayang-masaya siya. Bukod kasi sa nobyo niya na si Louie, matalik na kaibigan niya pa ito.

Kaya naman siguradong-sigurado siya na ito na nga talaga ang inilaan ng Diyos para sa kaniya.

“Excited na ako sa kasal natin. I love you,” maya-maya ay untag ni Louie.

Namula ang pisngi niya. Hindi naman kasi sila madalas magsabihan ng ganoon. Pero nitong mga nakaraang araw, panay ang pagsasabi nito na mahal daw siya nito.

Kilig na kilig naman siya, at lalo lang siyang nasabik sa pag-iisang dibdib nila. Ngunit gaya ng dati ay hindi niya kailangang sabihin iyon pabalik.

Ipaparamdam niya na lang iyon sa nobyo habambuhay.

Sa wakas, dumating na ang araw na pinakahihintay ng magkasintahan. Magandang-maganda si Jessa sa suot niya na enggrandeng traje de boda.

Hinihintay niya na lamang na tawagin siya kapag handa na ang lahat.

Ngunit nainip na lang siya ay wala pang nagsasabi sa kaniya na lumabas na. Nang sipatin niya ang orasan ay napagtanto niya na limang minuto na lang at alas diyes na, ang oras ng kanilang kasal.

Takang lumabas siya ng silid. Naabutan niya ang kaniyang mga magulang at mga biyenan, pawang balisa.

“Ano hong nangyayari?” usisa niya.

“Wala pa kasi sina Louie. Siguro na-traffic, kasi balita ko may naaksidente raw sa daraanan nila. Tinatawagan ko, hindi naman nasagot,” sagot ni Lourdes, ina ni Louie.

Sa hindi malamang kadahilanan ay kumabog ang dibdib ni Jessa.

“Tita, tingnan ko po ang phone ko, baka po nag-text siya,” aniya.

Nang buksan niya ang kaniyang cellphone ay may isang mensahe nga roon mula kay Louie.

“Sa wakas, dumating na ang araw na pinakahihintay ko! Mahal na mahal kita!” anang mensahe.

Hindi niya maiwasang mapangiti. Akmang tatawagan niya ang numero ng nobyo ng isang hindi pamilyar na numero ang tumawag sa kaniya.

Nagtatakang sinagot niya iyon.

“Hello, Ma’am? Kilala n’yo po ba si Louie Gomez?” agad na tanong nito.

“Oo, sino ho ito?” usisa niya.

“Ma’am ospital ho ito. Naaksidente ho si Louie, pumunta na ho kayo rito ngayon na dahil malubha ang pasyente!” pagbabalita nito.

Pakiramdam ni Jessa ay nahulog ang puso niya. Suot ang kaniyang traje de boda ay humahagulhol silang sumugod sa ospital.

Ngunit nang dumating sila sa ospital ay huli na. Para siyang mababaliw nang makita niyang tinakpan ng doktor ng puting kumot ang duguang mukha ng kasintahan.

“Louie!” tili niya. Humihiling siya na isang masamang panaginip lang ang lahat.

Ngunit hindi. Lumapit sa kaniya ang doktor at may sinabi itong mas lalo pang dumurog sa puso niya.

“Hija, ginawa ko ang lahat. Piniit din ng nobyo mo na mabuhay, pero hindi kinaya ng katawan niya. Pinapasabi niya na lang na mahal na mahal ka niya at ‘wag kang masyadong umiyak…” anang doktor. Bakas sa mukha nito ang labis na panghihinayang.

Nanginginig niyang nilapitan ang katawan ng nobyo bago niya ito mahigpit na niyakap.

“Hindi mo man lang ako sinipot sa kasal natin…” garalgal na wika niya, umaasa na sasagot ito.

Ngunit nanatili itong tahimik. Mas lalo pa siyang napaluha nang maalala ang matagal nitong pagpupumilit na magpakasal na sila. Hindi siya pumayag dahil akala niya ay marami pa silang pagkakataon na magsama. Akala niya pa nga ay habambuhay silang magsasama.

Walang patid ang pagbuhos ng luha ni Jessa. Ang isang linggo sana nilang honeymoon ay naging isang linggong burol ni Louie.

Napakasakit ng pangyayaring iyon para kay Jessa, at hindi niya alam kung kailan mawawala ang sugat na gawa ng pagkawala ng kaniyang minamahal.

Ngunit isang bagay ang natutunan niya—hindi tiyak ang buhay, at wala tayong ideya kung ano ang magiging kapalaran natin sa mundo. Kaya ‘wag tayong mag-aksya ng oras, bawat minuto na kasama natin ang ating mga mahal sa buhay ay dapat bigyang halaga.

Advertisement