Kinatatakutan ng mga Empleyado ang Masungit na Boss; Isang Pangyayari ang Magpapakita sa Tunay Nitong Katauhan
“Pupunta daw ngayon si Boss Raul. Alam niyo na ang gagawin. Umayos kayo at siguraduhin niyong walang magiging problema mamaya. Alam n’yo naman ‘yun si Boss, medyo nakakatakot,” paalala ni Emil sa ibang empleyado.
Isa-isang nagtanguan ang mga kasamahan niya. Bakas sa mukha ng mga ito ang pagkabalisa. Agad na nagsibalikan sa pwesto ang mga ito.
Nagtatrabaho siya sa isang malaking grocery store bilang manager. Dahil bago pa lang sa posisyon at gusto niyang magtagal sa trabaho, determinado siyang magpakitang gilas sa amo.
Siguraduhin niyang walang magiging problema at wala itong makikitang mali. Kilala pa naman ang boss nila sa pagiging istrikto at pagiging mahigpit.
Sa tagal nga ng pagkakakilala niya rito, ni minsan hindi niya ito nakitang ngumiti man lang. Palagi ring malamig ang pakikitungo sa lahat.
Hindi niya tuloy maiwasang matakot na magkamali, dahil baka agad siyang matanggal. Natural ay ilag sila rito.
“Hindi pwedeng mangyari ‘yun, kailangan kong kumita ng pera,” sa loob-loob niya.
Tahimik siyang nagbantay ng tindahan. Habang lumilipas ang oras pabawas nang pabawas ang mga kustomer na pumapasok.
Bawat bukas ng pinto ay nakalingo siya. Bahagya na siyang naiinip sa paghihintay sa pagdating ng amo nila.
Isang matandang babae ang pumasok. Kita niyang hirap ito sa paglalakad kaya nilapitan niya ito.
“Ma’am, ano ang bibilhin niyo? Pwede ko po kayong tulungan,” prisinta niya, nang hindi na ito mahirapan pa.
Tila nagulat ito sa presensya niya. Agad itong umiling.
“’Wag na. Kaya ko nang mag-isa,” malamig na sagot nito, bago naglakad paalis.
Wala na siyang nagawa kundi ang bumalik sa pwesto niya para asikasuhin ang iba pang kustomer. Halos kalahating oras ang lumipas nang muli niyang makita ang matanda.
Sa pagkakataong iyon, palabas na ito ng tindahan. Kataka-takang wala itong binili kahit na may katagalan ito sa loob.
Hindi nakaligtas sa paningin niya ang bitbit nitong bag. Kanina ay halos wala iyong laman, ngunit ngayon ay tila napakabigat noon at hirap na hirap na magbuhat ang matanda.
Dahan-dahan niya itong nilapitan.
“Tapos na po ba kayo? Baka po kailangan niyo ng tulong ko. Mukhang mabigat ho ang bag na dala n’yo,” muli ay pagboboluntaryo niya.
Gaya kanina ay matigas itong umiling. Nag-iwas ito ng tingin at mas hinigpitan ang yakap sa kipkip nitong bag.
“Hindi na. Kaya ko na,” mariing tanggi nito.
Ngunit hindi niya rin maalis sa sarili ang paghihinala. Bilang manager, tungkulin niyang protektahan ang tindahan sa iilang nagtatangka na magpuslit ng mga tinda nila.
“Sige po. Pero pwede ko ho bang makita ang bag niyo? May kailangan lang po akong tingnan,” dagdag niya, akmang kukunin ang bag.
Nanlaki ang mata nito at buong lakas na iniiwas ang bag. Mas lalong lumakas ang hinala niya dahil sa naging reaksyon nito.
“Ma’am, wala po akong masamang balak. Kailangan ko lang po makasiguro,” mahinahong paliwanag niya.
Ngunit nagmamadali nang umalis ang matanda.
Sa pagmamadali ng matanda ay hindi nito napansin na may nakaharang sa daraanan nito. Nabitawan nito ang hawak na bag kaya’t sumabog ang laman noon. Gumulong palabas ang mga de lata.
Dismayado niyang nilingon ang matanda. Pinagnakawan sila nito! Mga de lata, gatas, at tinapay ang kinuha nito.
Kitang-kita niya na namutla ito sa takot.
“Ito na nga ba ang sinasabi ko. Mabuti’t nahuli ko kayo,” naiiling na pahayag niya.
“Pakiusap, ‘wag mo akong ipakulong! Kailangang-kailangan ko lang talaga!” pagmamakaawa nito nang kunin niya ang telepono para tumawag ng pulis.
“Naku, hindi pwede ‘yang gusto niyo. Nahuli ko kayo, kaya kailangan kong i-report ‘to. Kung nagkataon, ako pa ang mapapahamak dahil sa ginawa niyo,” inis niyang kastigo sa matanda, hindi alintana ang pangingilid ng luha ng matanda.
Napatingin siya sa orasan. Alam niyang anumang oras darating na ang boss na hinihintay niya. Kapag naabutan nito ang sitwasyon baka siya pa ang mapahamak. Kaya kailangan niya nang maisaayos ang lahat.
“Sir, ‘wag niyo naman akong ipakulong. Maglilinis na lang ako sa tindahan niyo. Hindi ako pwedeng makulong dahil wala akong pang-piyansa,” umiiyak nitong pakiusap.
Napabuntong-hininga na lang si Emil. Naaawa man siya sa matanda ay dapat niyang gawin ang tama upang hindi ito pamarisan.
Hindi niya na pinansin ang pakiusap ng matanda. Tatawag na sana siya nang may isang boses na nagsalita.
Nang lingunin niya ang nagsalita ay nanlaki ang mga mata niya.
“Boss? Nariyan na po pala kayo!” gulat niyang bulalas, hindi malaman kung paano maitatago ang komosyon sa loob ng tindahan.
Lumapit ito sa kanila.
“Ano’ng nangyayari rito?” tanong nito.
“Boss, nahuli ko po kasi ‘yung matanda na nagpupuslit ng mga produkto natin. Pero ‘wag na po kayong mag-alala. Tatawag na po ako ng pulis para sila na lang ang umayos ng problema,” mabilisan niyang paliwanag sa amo.
“Hindi na kailangan, Emil. Ako na’ng bahala,” anito bago siya bahagyang nilingon.
Kabadong-kabadong si Emil lalo na nang nilapitan ng boss niya ang matandang babae na umiiyak pa rin at nakayuko. Akala niya ay magagalit ito pero nagkamali siya.
“Kumusta po? Ayos lang po ba kayo?” tanong nito sa malumanay na tono.
Doon nag-angat ng tingin ang matanda.
“Sir, pasensya na po kayo sa ginawa ko. Sadyang kailangang-kailangan lang po namin ng pagkain,” pahayag nito.
“Ganoon ho ba? Para kanino po ba ang mga ito?” tanong nito habang isa-isang dinadampot ang mga nagkalat na de lata.
“Sa mga apo ko po. Halos tatlong araw na po kasi silang hindi kumakain nang maayos. Awang-awa na po ako pero wala naman akong magawa dahil wala akong pera, kaya ito na lang ang naisipan kong gawin kahit na alam kong mali,” dagdag nito.
Sa gulat niya ay ngumiti ang kaniyang boss ay tinapik ang balikat ng matanda.
“’Wag na po kayong umiyak. Hindi kami tatawag ng pulis. Iuwi n’yo na ho ang mga iyan. Naiintindihan ko po kayo pero ‘wag niyo na po itong uulitin dahil baka kung anong mangyari sa susunod. Pwede kayo makulong, kawawa ang mga apo ninyo,” simpleng sermon ng kaniyang boss, na mas lalong nagpalakas sa iyak ng matanda.
Sa likod ni Emil ay dinig niya ng bulung-bulungan ng mga kasamahan.
“Wow, ang bait pala ni Sir. Mukha lang masungit pero makatao,” papuri ni Ysa, ang kahera.
Hindi matapos-tapos ang pasasalamat ng matanda. Nang makaalis ang matanda, inasahan na ni Emil na mapapagalitan siya, ngunit nagulat siya nang tapikin nito ang balikat niya, gaya ng ginawa nito sa matanda.May bahagyang ngiti sa labi nito.
“Emil, tama ang ginawa mo. Tama na tumawag ka ng pulis dahil mali ang ginawa ng matanda. Naawa lang ako sa matanda kaya pinagbigyan ko na. Ilang araw na siyang nagmamasid sa labas, kaya alam ko na nagsasabi siya ng totoo na wala siyang ibang pagpipilian,” anito.
“May ibang magsasabi ng ganoon kapag nahuli, pero hindi totoo. Kaya maging mapagmatiyag ka rin,” pagtuturo nito.
“Ginagampanan mo nang maayos ang tungkulin mo, kaya wala naman pala akong dapat ikabahala,” tila natutuwang komento pa nito.
Hangang-hanga si Emil sa kaniyang boss. Ngayon alam niya na kung bakit isa itong matagumpay na negosyante—sa likod kasi ng malamig nitong personalidad ay nagtatago ang mapagmalasakit at makatuwiran nitong puso.