Inday TrendingInday Trending
Mas Pinili ng Dalagitang Ito ang Pag-aartista Kaysa sa Pagtatapos ng Pag-aaral; Hanggang sa Matamo nga Niya ang Tugatog ng Kasikatan

Mas Pinili ng Dalagitang Ito ang Pag-aartista Kaysa sa Pagtatapos ng Pag-aaral; Hanggang sa Matamo nga Niya ang Tugatog ng Kasikatan

“Saan ka na naman pupunta, Pia?”

Naudlot ang patakas na pagbaba ng hagdanan nila si Pia, 17 taong gulang, nang sitahin siya ng kaniyang inang si Aling Lourdes, na kasalukuyang nagluluto sa kusina. Hawak-hawak pa nito ang siyansi na ginagamit sa pagluluto.

Pinasadahan ni Aling Lourdes ng tingin mula ulo hanggang paa ang pananamit ng anak.

“Saang party ka dadalo, bakit nagpaganda ka pa?”

Bantulot na sumagot si Pia.

“Eh… ‘Nay… may raket lang po akong pupuntahan… kailangan daw po kasi ng ekstra sa bagong teleserye…”

“Hayan ka na naman, Ofelia! Diyos ko naman,” at nabanggit na nga ni Aling Lourdes ang buong pangalan ni Pia. “Hindi ba nag-usap na tayo tungkol diyan? Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na pag-aaral mo ang atupagin mo! Ang kulit mo namang kausap! Hindi kami nagkakandakuba ng Tatay mo sa pagtatrabaho para lamang maigapang ang pag-aaral mo sa kolehiyo. Puwede bang saka ka na mag-artista-artista kapag nakatapos ka na ng pag-aaral?”

“Eh ‘Nay… yung pag-aaral ho, puwede naman pong balikan ‘yan. Pero yung mga ganitong oportunidad po, yung mga ganitong pagkakataon na may nagtitiwala sa akin, hindi po puwedeng palagpasin. Paano ho ako magiging mala-Vilma Santos niyan o kaya Marian Rivera? Kapag naging malaking artista po ako, maiaahon ko na po ang pamilya natin sa kahirapan,” katwiran ni Pia.

“Anak, wala akong sinasabing masama o hindi maganda ang pag-aartista. Kaya lang, hindi iyan ang buhay na ginusto namin para sa iyo ng Tatay mo. Gusto namin, makatapos ka ng pag-aaral para nang sa gayon, mawala man kami, kahit saan ka mapunta, kahit saan ka dalhin ng kapalaran, kayang-kaya mong makahanap ng magandang trabaho, mabigyan ng magandang buhay ang sarili mo, at maging ang magiging pamilya mo sa hinaharap. Hindi ka malulugi kapag may diploma ka na, anak. Marami ring oportunidad na puwedeng dumating sa iyo. Iyang pag-aartista—puwede ‘yang mawala sa iyo, puwede kang malaos.”

“Nay, hayaan na ninyo ako… ibigay na ninyo sa akin ito. Hindi ko naman po pababayaan ang pag-aaral ko. Iyon naman po ang prayoridad ko. Huwag po kayong mag-alala, magtatapos po ako ng pag-aaral at magiging isang ganap na engineer.”

Wala nang nagawa si Aling Lourdes.

Kahit naman anak niya si Pia, hindi naman siya ang nanay na kokontrolin na nang tuluyan ang mga desisyon ng anak. Nariyan lamang siya upang magbigay ng gabay, magpaalala, kumastigo, subalit ang pagpapasya pa rin ni Pia para sa kaniyang buhay ay nasa kaniya pa rin.

Pinalad na magtuloy-tuloy si Pia sa showbiz. Sadyang maganda at malaki ang kaniyang bulas. Bagay sa kaniya kahit ang mga role na malaki ang agwat sa tunay niyang edad.

Napansin ang husay niya sa pag-arte bilang ekstra, hanggang sa nabigyan pa siya ng mas mahaba-habang speaking lines, hanggang sa mabigyan ng mga pansuportang papel, hanggang sa lumaki at lumawak ang kaniyang mga tagahanga.

Dumami ang kaniyang mga proyekto, endorsement, at iskedyul ng mga taping.

Dumaan ang midterm at final examination sa kanilang paaralan subalit wala si Pia. Kailangan niyang makipagpulong sa mga bosing ng isang TV network kasama ang kaniyang talent manager. Pinapipirma na siya ng eksklusibong kontrata. May balak ang network. Gagawin siyang malaking-malaki at sikat na artista.

Hanggang sa napabayaan na nga ni Pia ang kaniyang pag-aaral.

Makalipas ang dalawang taon ay isa na nga talaga si Pia sa mga pinakamaningning na bituin hindi lamang sa kaniyang kinabibilangang network kundi sa buong Pilipinas.

Subalit isang eskandalo ang kaniyang kinasangkutan.

Nakuhanan ng video ang ginawa niyang pagtataray at pagmamaldita sa kaniyang mga kasamahan sa isang taping. Naging viral ito at sa isang iglap lamang ay nagalit sa kaniya ang mga tao.

Inirereklamo na rin siya ng direktor na may ‘attitude’ daw.

Nakalimutan ng lahat ang galing niya, ang kasikatan niya, na idolo siya ng lahat.

Kung gaano kabilis ang kaniyang pagsikat ay ganoon din kabilis ang kaniyang pagkalaos.

“Nay… bakit ganoon… hindi ko ba sila napasaya? Bakit kay bilis nila akong talikuran? Nasaan na yung dating mga tagahanga ko na halos sambahin ako? Na nangako sa akin na ipagtatanggol ako at hindi ako iiwan?” umiiyak na sabi ni Pia.

“Anak… ang tao ay mabilis na makalimot. Isang pagkakamali mo lamang, burado na sa alaala ang lahat ng magagandang bagay na nagawa mo sa para sa kanila. Iyan ang realidad ng buhay. Huwag kang mawalan ng pag-asa anak. Narito kaming pamilya mo.”

“Nagsisisi ako ngayon, ‘Nay. Sana pala nakinig na lamang ako sa inyo noon. Sana pala nagpatuloy na lamang ako ng pag-aaral nang sa gayon ay maganda na rin ang buhay ko ngayon.”

Sising-sisi si Pia sa mga desisyong ginawa niya sa buhay subalit hindi na niya mababalikan pa ang nakaraan. Bagkus, maaari naman niyang gawan ng paraan ang kasalukuyan.

Bagama’t nasa showbiz pa rin naman siya, mayroon siyang binalikan: ang pag-aaral. Tama ang kaniyang ina. Mawawalan siya ng mga proyekto, mawawalan siya ng kinang ng kasikatan, subalit may hinding-hindi mawawala sa kaniya—ang edukasyon.

Advertisement