Inday TrendingInday Trending
Nilalait ng mga Kapitbahay ang Binatilyong Ito Dahil Lelembot-Lembot Daw; Makalipas ang Ilang Taon, Nagulat Sila sa Tagumpay Nito

Nilalait ng mga Kapitbahay ang Binatilyong Ito Dahil Lelembot-Lembot Daw; Makalipas ang Ilang Taon, Nagulat Sila sa Tagumpay Nito

“Hoy, pagsabihan mo nga ‘yang anak mong panganay na si Jules. Kay guwapo-guwapong bata eh lelembot-lembot! Siya pa naman ang nag-iisang lalaking anak mo. Paano na ang apelyido ninyo, hindi na maipapasa ‘yan.”

Bumibili sa tindahan si Aling Adela nang pagsabihan siya ng tsismosang kapitbahay na si Aling Mameng na kanina pa nakatambay at nakikipaghuntahan sa isa pa nilang kapitbahay na si Aling Goreng, na may sari-sari store.

“Sobra ka naman makapanlait, Mameng! Mabait naman si Jules at magaling pa sa pagdidisenyo ng mga bestida! Siya nga ang gumawa ng disenyo ng gown na ipapatahi namin sa debut ni Cecille eh! Oo nga pala mga mars, malapit na ang debut ng anak ko ha, pinasarado ko na ang covered court natin, nagpaalam na ako kina Kapitan,” maya-maya ay pagbibida naman ni Aling Goreng.

“Tama si Goreng, Mameng. Sobra ka namang makapanlait sa anak ko. Mabait at talentadong bata ang anak ko. Oo, hindi siya kagaya ng mga anak mo na brusko at halos makipagbasag-ulo na sa ibang mga bata rito sa atin, pero responsable siya,” pagtatanggol ni Aling Adela sa anak na si Jules.

“Ay hindi ko naman siya nilalait, Adela, Ang sinasabi ko lang, nanghihinayang lang ako sa anak mo na ‘yan. Huwag mo namang idamay ang mga anak ko rito…”

“Hep hep, tama na ‘yan mga mars at bawal ang sabunutan dito sa tapat ng tindahan ko!” awat ni Aling Goreng sa dalawa, bago pa sila magsabunutan.

“Sige na, uuwi na ako at marami pa akong gagawin sa bahay, wala akong panahong tumambay-tambay,” pasaring ni Aling Adela kay Aling Mameng bago tuluyang tumalikod at walang lingon-likod na naglakad pauwi. Umirap naman sa kaniya si Aling Mameng.

“Oh, ‘Nay, bakit hindi po maipinta ang mukha mo? Sambakol na sambakol… ayokong papangit ang byuti ng mader ko!” sita ni Jules sa mukha ng kaniyang nanay.

“Hay naku, may buwisit kasing ‘Marites’ doon sa tindahan ni Aling Goreng.”

“Bakit? Sinong pinagkukuwentuhan nila, ‘Nay?”

“Wala. Hayaan mo na nga ‘yun. Oh, ano ‘yang ginagawa mong sketch? Ang gaganda naman!” papuri ni Aling Adela sa mga iginuhit na disenyo ni Jules sa kaniyang sketch pad. Karamihan sa mga ginagawa ng anak ay mga gown at damit-pambabae.

“Eh may kumuha ulit sa akin ‘Nay na nagpapagawa ng disenyo para sa gaganaping Miss Barangayan Pagandahan doon sa kabilang barangay. Sayang din! Pak na pak sa ganda, ‘di ba ‘Nay?”

“Oo anak, napakagaling talaga ng mga kamay mo! Pang-internasyunal ang husay ng mga disenyo mo. Bagay na bagay talaga sa iyo ang maging fashion designer, kagaya ng gusto mong gawin,” papuri ni Aling Adela sa kaniyang anak.

“Opo, Nanay. Gustong-gusto ko po talaga na maging bonggang-bonggang fashion designer na makikilala hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Balang araw, dadamitan ko ang mga sikat na artista at iba pang celebrities. Hahangaan ng lahat ang mga likha kong gowns at damit,” parang nangangarap na sabi ni Jules.

“Anak, kahit na ano pa man ang maging pangarap mo, kahit na ano pa man ang nais mo sa sarili mo, tanggap kita at susuportahan kita,” nakangiting sabi ni Aling Adela.

“Salamat, mader dear! Ikaw talaga ang ‘the best mudrabels in the whole wide world, the universe rather!” pabirong sabi ni Jules sabay yakap sa kaniyang ina.

Kaya naman nang magkolehiyo si Jules, ang kinuha nitong kurso ay Textile and Garment Technology na ang tuon ay Fashion Designing. Buong-buo ang suporta ni Aling Adela sa gustong maabot na pangarap ng kaniyang unico hijo.

Ganoon din naman ang kaniyang mister na si Mang Donato. Tanggap nito ang anak at buo rin ang pagsuporta sa kaniya.

Makalipas ang apat na taon…

Halos maglululundag sa saya sina Jules, Aling Adela, at Mang Donato nang makitang suot-suot ng mga sikat na artista sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, ang mga likhang couture ni Jules.

Nasa harapan mismo ng runway sina Aling Adela at Mang Donato para sa idinaos nga fashion show na nagtatampok sa mga likha ni Jules Manavis para sa ‘The House of Jules’.

Sa kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Jules ang mga magulang sa pagsuporta nila sa kaniya upang maabot ang kaniyang mga pangarap.

Inggit na inggit naman ang mga kapitbahay nila noon na nanlalait kay Jules at pinagsisihan nila ang kanilang ginawa; ang dating nilalait at minamaliit nila na puro kakikayan ang alam, heto’t kilala na at pinagpupugayan sa larangan ng industriya ng fashion!

Isang patunay si Jules na posibleng maabot ang mga pangarap basta’t nakasuporta ang mga magulang at hindi iintindihin ang sasabihin ng mga mapanghusga.

Advertisement