Nanlaki ang mga Mata ng Lalaki Nang Makita ang Laman ng Kaniyang Bank Account na Pinagpapadalhan ng Kaniyang Suweldo; Magkano Kaya ang Suweldo Niya?
Pakiramdam ni Arnulfo ay hindi katanggap-tanggap ang hirap na nararanasan niya sa advertising company na kaniyang pinagtatrabahuhan, at pakiramdam niya ay kailangan na siyang humiling ng umento, subalit natatakot siyang baka hindi siya pagbigyan.
“Arnulfo, anak, dumating na ang bills ng kuryente at tubig…” nahihiyang sabi ng kaniyang inang si Aling Selina.
“Okay lang, ‘Ma. Pakibigay na lang sa akin para mabayaran ko na kaagad. Baka mamaya eh hindi na naman bayaran ni Jeffrey dahil makalimutan na naman niya sa kaka-basektball,” sabi ni Arnulfo. Si Jeffrey ang kaniyang nakababatang kapatid na nag-aaral pa lamang sa Senior High School.
“M-May isa pa tayong problema, anak… kuwan kasi… yung matrikula ni Jeffrey… hindi na raw uubra ang pagbibigay ng promissory note. Eh… baka hindi raw pagbigyan na makakuha ng pagsusulit kaya…”
“Sige ‘Ma, ako na’ang bahala. Gagawan ko ng paraan. Baka mag-aplay na lang ako ng salary loan sa Accounting Department. Pasensya na ‘Ma, sunod-sunod kasi ang mga bayarin natin, lalo na itong bahay natin… saka… yung mga utang natin sa pagkaka-ospital ni Papa, binabayaran ko na rin kasi.”
“Anak… pasensya ka na ha… ayaw mo naman kasi akong pabalikin sa trabaho. May puwesto pa naman ako sa pabrika. Puwedeng-puwede pa raw akong bumalik sa pakyawan, kakayanin ko pa naman ang paggawa ng mga dekorasyon…”
“’Ma, hindi ba napag-usapan na po natin ‘to? Hindi na po kayo bumabata. Hindi na maganda para sa edad ninyo na nakabantad sa mga kemikal, kahit na sabihin pang may suot naman kayong face mask. Nawala na si Papa… ayoko namang sumunod kaagad kayo…”
Niyakap ni Aling Selina ang panganay na anak.
“Napakasuwerte namin ng Papa mo na pinagkalooban kami ng Diyos ng isang masipag at responsableng anak. Maraming-maraming salamat, anak, sa pagsalo sa pamilya namin. Hayaan mo, kakausapin ko nang masinsinan si Jeffrey. Sasabihin ko sa kaniya na tigilan na ang pagbubulakbol at magseryoso na sa pag-aaral, para gumanda ang mga grado niya at makakuha ng scholarship sa kolehiyo. Malaking kabawasan din ‘yon sa mga gastusin mo ‘nak kapag nagkataon,” ani Aling Selina.
Mabuti na lamang at suweldo na kinabukasan. Nagkuwenta na ng mga gastusin si Arnulfo. Naka-budget na ang kaniyang pera. May 1,500 piso pa siyang maitatabi para sa kaniyang sarili.
Minsan, iniisip na niyang mangibang-bansa upang mas lumaki pa ang kita. Subalit ayaw naman niyang iwanan ang nanay niya lalo’t hindi pa gaanong responsable ang kapatid na si Jeffrey.
Nagulat si Arnulfo nang makita ang nakalagay na perang pumasok sa kaniyang salary bank account. 150,000 piso!
Ang inaasahan niyang suweldo ay 15,000 piso lamang, kalahati ng kaniyang buwanang suweldo.
Tiyak na nagkamali ang bangko, o kaya ay ang kompanya nila.
Inilabas ni Arnulfo ang 15,000 piso at itinabi ang mga natira. Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Arnulfo.
Sasabihin ba niya sa kompanya ang nangyari? O hahayaan na lamang niya at baka ito ay ‘honest mistake’ lamang?
Sobra-sobra sa doble ang nangyari.
Pero paano kung wala namang sisita sa kaniya? Malaking halaga na ang 135,000 piso.
Mababayaran na niya ang bills ng kuryente at tubig.
Mababayaran na niya ang mga utang.
Mababayaran na niya ang ilang hulog sa monthly amortization ng kanilang bahay.
Baka kaloob na ito ng Diyos sa kaniya dahil sa pagiging mabuting anak.
Makalipas ang isang linggo at wala pa ring nagtatanong sa kaniya mula sa Accounting Department tungkol sa posibleng pagkakamali sa halaga ng perang pumasok sa kaniyang bank account.
Baka naman sa bangko nagkaroon ng problema?
Kaya naman, hindi na rin nakatiis si Arnulfo. Mas nanaig sa kaniya ang kabutihan. Mas nanaig sa kaniya ang paggawa nang tama.
“Maraming salamat, Arnulfo! Kaya pala nagtataka kami kung bakit kulang ang pera ng kompanya. Salamat sa pagiging tapat! Oo, may pagkakamali sa nangyari,” pasasalamat sa kaniya ng lider ng Accounting Department.
Agad niyang ibinalik ang perang sumobra sa kaniyang suweldo.
Naalala niya kasi ang bilin sa kaniya ng sumakabilang-buhay na ama.
“Tatandaan mo anak, sa buhay na ito, may karma. Kapag gumawa ka ng masama at hindi maganda sa kapwa mo, babalik din ito sa iyo sa takdang panahon. Ganoon din sa paggawa ng mabuti. Kapag nagtanim ka ng mabuting punla, aanihin mo rin ito sa takdang panahon.”
Bagay na nangyari nga.
Nataas sa katungkulan si Arnulfo at dahil doon ay lumaki at nadagdagan ang suweldo niya. Bukod doon, nagkaroon na rin siya ng komisyon dahil nga sa kaniyang posisyon. Hindi na siya nahirapan sa pagba-budget at nagkaroon pa ng pera para sa sarili niya.
Nagpapasalamat siya sa Diyos at sa kaluluwa ng tatay niya na tiyak na nakangiti habang ginagabayan siya mula sa langit.