Pinagtawanan ng Taxi Drayber ang Babeng Ubod ng Itim ang Balat; Napatulala Siya Nang Malaman ang Trabaho Nito

Pinagtawanan ng Taxi Drayber ang Babeng Ubod ng Itim ang Balat; Napatulala Siya Nang Malaman ang Trabaho Nito

InspiringStoriesSuccess

“Napakatumal naman ng mga pasahero ngayon,” napapaismid na sabi ni Leroy sa sarili habang nag-iikot-ikot at naghahanap ng pasahero.

Nang tingnan niya ang kaniyang wristwatch ay mag-a-alas-diyes na nang umaga, pero wala pa rin siyang nakukuhang pasahero. Nakakaramdam na rin siya ng pananakit ng sikmura dahil humigop lang siya ng isang tasang kape kaninang paggising niya at hindi pa nakakakain ng almusal. Nang biglang may babaeng pumara sa kaniya.

“Taxi, taxi!”

Kumurap-kurap pa ang mga mata ni Leroy habang pinagmamasdan ang anyo ng babaeng pasahero. Ubod kasi ng itim ang babae na parang pinaglihi sa uling kaya hindi niya naiwasang palihim na matawa. Nang tuluyan itong makasakay ay tinanong niya kung saan ang destinasyon nito.

“Saan tayo, miss?” sambit ni Leroy na pinipigilan pa rin ang sarili sa pagtawa.

“Sa Ayala po tayo, manong,” tugon ng babae.

Ipinagpatuloy ni Leroy ang pagmamaneho habang abala naman sa paggamit ng cell phone ang babae na naka-upo sa likod ng taxi.

“Grabe naman sa pagka-itim ang babaeng ito. Siguradong hindi ito makikita sa dilim kapag sa gabi ito sasakay sa taxi,” natatawa niyang bulong sa isip.

Napansin niya na kahit ubod ng itim ng kutis ng babae ay makinis naman iyon. Dahil curious siya sa maitim niyang pasahero ay kinausap niya ito.

“Alam mo, miss, mabuti na lang at nakita mo itong taxi ko. Wala pa kasi akong pasahero mula pa kanina, eh.”

“Ganoon po ba? Eh, ‘di ako pala ang buena mano niyo?” sagot ng babae.

“Oo, miss, kaya salamat at pinara mo ang taxi ko.”

“Walang anuman, manong. Nagmamadali kasi ako kaya naisipan kong sumakay na lang sa taxi. Hindi ko pa nakukuha sa car wash ang sasakyan ko, eh.”

Habang nagsasalita ang babae ay pinipigil pa rin ni Leroy na matawa dahil sa nalalaki pa ang mga bilugang mata ng babaeng negra habang nakikipag-usap sa kaniya.

“May lahi ka ba, miss? Mukha ka kasing taga-Africa,” tanong niya uli sa babae.

“Opo, manong. Nigerian po ang tatay ko at Pinay naman ang nanay ko. Dito po ako sa Pilipinas ipinanganak.”

Hindi na napigilan pa ni Leroy ang bibig at tuluyan nang prinangka ang pasahero.

“’Di mo ba naisip na gumamit ng bleach noong bata ka pa upang kahit paano ay pumuti ka?”

Nagulat ang babae sa tanong niya ngunit ngumiti pa rin ito at sinagot ang kaniyang tanong.

“Marami na po ang nagsabi sa akin niyan, pero sa tingin ko’y hindi ko na iyon kailangang gawin dahil masaya at kuntento na po ako sa kung ano ang mayroon ako. Ganitong kulay ng balat ang ibinigay sa akin ng Panginoon kaya buong puso kong tinatanggap. Kahit noong bata pa po ako’y sari-saring pangungutya na ang narinig ko sa ibang tao, porket panget ako, negra, maitim ngunit kahit lumaki ako sa mapanakit na mundo ay natutunan kong mahalin at tanggapin ang katangian na mayroon ako. Ang sabi po sa akin ng mga magulang ko ay hindi ko dapat ikahiya ang aking natural na kulay kahit alam kong naiiba ako sa ibang tao na mapuputi ang balat. Ang mahalaga po ay ang pagiging mabuting tao at pakikipagkapwa,” mahabang tugon ng babae.

Pinamulahan ng mukha si Leroy sa mga sinabi nito. Tila siya ang napahiya sa ginawa niyang pagtatanong sa pasahero kaya sinang-ayunan na lamang niya ito.

“Oo nga naman, miss. Tama ka naman sa lahat ng sinabi mo,” wika niya na pilit ang pagkakangiti.

‘Di napansin ni Leroy na nasa Ayala na pala sila at bababa na ang pasahero.

“Narito na pala tayo, miss!” sabi niya sa babae saka sinabi kung magkano ang babayaran nito.

Kumuha naman ng pera ang babae sa wallet at iniabot sa kaniya.

“Manong, heto na po ang bayad ko. Dinagdagan ko po ‘yan, tip ko po para sa inyo. Salamat po sa paghahatid sa akin dito.”

‘Di siya makapaniwalang doble pa ng pamasahe ng babae ang ibinayad nito sa kaniya.

“Ang laki namang mag-tip ng negrang ito!”

Pagkababa ng babae ay may dalagitang lumapit dito at tuwang-tuwa na nagpakuha ng litrato gamit ang cell phone. Gulat na gulat naman si Leroy sa inasal ng dalagita na kinikilig pa habang pinipiktyuran ang babaeng negra. Maya-maya ay sinabi ng dalagita na sasakay ito sa kaniyang taxi.

“Manong, pahatid naman po ako sa Cubao,” sambit nito.

Tinanong ni Leroy ang bagong pasahero tungkol sa maitim na babae.

“Miss, kilala mo pala ‘yung pasahero ko kanina, ‘yung babaeng ubod ng itim ang balat?”

“Naku, kilalang-kilala ko siya, manong. Siya po si Aliyah ‘yung Pinay na international model. Sikat na sikat siyang modelo sa Amerika. Narito po siya sa Pilipinas para dalawin ang pamilya niya. Balita ko’y milyonarya na siya ngayon at nagmamay-ari pa ng sikat na clothing brand, pero sa kabila ng katayuan niya sa buhay ay napakamapagkumbaba pa rin niya at mabait sa kaniyang mga tagahanga,” sagot ng dalagita.

Hindi halos nakakilos at nakapagsalita si Leroy sa tinuran ng kaniyang pasahero. Isa palang sikat na modelo at milyonarya pa ang babaeng negra na naging pasahero niya. Nagsisi tuloy siya kung bakit niya ito pinagtawanan kanina. ‘Yun pala ay mas asensado pa ito kaysa sa kanya.

Kaya huwag husgahan kung anuman ang kulay ng balat ng isang tao, sa halip ay alamin ang mga magagandang katangian at narating nito sa buhay.

More Stories