Iisang Lalaki ang Sabay na Nagustuhan ng Magkababata; Ito pa Yata ang Sisira ng Pagkakaibigan Nila

Iisang Lalaki ang Sabay na Nagustuhan ng Magkababata; Ito pa Yata ang Sisira ng Pagkakaibigan Nila

InspiringLoveStories

“Oh, Kyline, bakit parang ang ganda yata ng ngiti mo ngayon, friend?” puna ni Shantal sa tila pangangarap nang gising ng kaniyang matalik na kaibigang si Kyline simula pa kanina nang dumating ito sa kaniyang inuupahang apartment.

“May nakilala kasi akong gwapong lalaki kagabi, Shanty!” kinikilig namang sagot ni Kyline sa kaniya, “nakabungguan ko lang siya sa may coffee shop kaya nagkakuwentuhan kami. Tapos, maya-maya, hiningi na niya ang pangalan ko sa Facebook at number ko,” dagdag pa nito na hindi na maitago ang pamumula ng pisngi sa pag-alala sa mga nangyari dito nang nagdaang gabi.

“Ang landi, ʼte, ha?” biro naman ni Shantal sa kaibigan. Nakangiti. Ang totoo ay masaya siya sa nakikitang tuwa kay Kyline ngayon lalo naʼt ito ang unang beses na ngumiti ito nang ganoon simula nang makipaghiwalay ito sa huling nakarelasyon nito.

Matagal nang magkaibigan ang dalawa. Simula nang silaʼy mga musmos pa lang ay sila na ang magkasama. Paanoʼy matalik ding magkaibigan ang kanilang mga ina kaya naman halos magkapatid na kung ituring nila ang isaʼt isa.

Walang bagay na hindi pinagkasunduan ng dalawa. Daig pa nga nila ang kambal dahil halos sa lahat ng bagay ay pareho sila ng opinyon at kagustuhan.

Ganoon pa man, hindi pa rin naiiwasang magkaroon ng tampuhan sa pagitan nila noon. Mabuti na lamang at talagang matatag ang kanilang samahan kaya naman mabilis din silang magkabati sa tuwing nangyayari iyon.

“Aarte pa ba ako? Ayaw ko namang itangging type ko rin siya. Ang plastic ko naman kapag ganoʼn!” katuwiran pa ni Kyline na sinabayan lang naman ang biro ng kaibigan.

“Naku!” tukso pa ni Shantal, “e, ano naman bang hitsura nʼyan? Gwapo ba talaga?” tanong niya na may kahalong curiosity.

“Oo, Shanty! Super gwapo!” tila muling kinikilig na sagot ulit ni Kyline. Tumingala pa siya sa kisame na animo doon nakikita ang larawan ng binatang ikinukuwento niya sa kaibigan. “Magaganda ang mga mata niya, makapal ang kilay, matangos ang ilong at mapupula ang labi. Mestiso rin siya at matangkad, Shanty. Bukod doon, maganda rin ang tikas ng kaniyang katawan dahil sabi niya, instructor daw siya sa gym,” pagbibigay deskripsyon pa ni Kyline sa nasabing binata.

Napakunot ang noo ni Shantal sa ʼdi malamang dahilan. “Para pala siyang si Joemar ko, Kyline? Iyong boyfriend ko na nakatakda kong ipakilala sa inyo sa susunod na linggo,” patanong niyang pagbabahagi sa kaibigan.

“Joemar?” Kumunot ang noo ni Kyline. “Joemar din ang pangalan ng lalaking tinutukoy ko!”

Kinuha pa ni Kyline ang kaniyang cellphone at ipinabasa kay Shantal ang mga chat ng naturang binata na nagsasaad na gusto siya nitong ligawan umano.

Ikinagulat ni Shantal nang makita ang profile picture ng lalaking tinutukoy ni Kyline. Ito nga si Joemar na kaniyang nobyo!

Tila binuhusan ng malamig na tubig ang magkaibigan. Parehas silang hindi makapaniwala sa kanilang nalaman!

Umuwi si Kyline na bagsak ang balikat ni Shantal. Noon lang siya nakaiyak dahil ayaw niyang ipakita kay Kyline na sobrang nasaktan siya sa nangyari. Hangad niya ang kaligayahan ng kaibigang si Kyline.

Salamantala, hinintay lamang ni Kyline na makaalis kina Shantal at mabilis niyang kinontak si Joemar upang makipagkita sa binata. Ang totoo ay hindi alam ni Kyline ang gagawin niya noong una, dahil talagang gustong-gusto niya ang binatang iyon. Ngunit kanina ay sinabi sa kaniya ni Shantal na handa raw itong magpaubaya. Bago pa lang naman daw sila ni Joemar kaya makikipaghiwalay na lamang si Shantal dito para sa kaniya.

Masaya si Kyline sa naging aksyon ni Shantal. Ang buong akala niya pa naman ay magagalit ito sa kaniya, ngunit napatunayan niyang talagang isa itong tunay na kaibigan.

“Joemar!” masiglang bati ni Kyline sa binata nang mamataan niya itong papasok na sa napag-usapan nilang restaurant. Agad naman siya nitong nilingon at bakas sa mukha nito ang paghanga nang makita siya.

Nagpaganda nang husto si Kyline para sa pagkikita nila ni Joemar kaya naman inaasahan na niya ang reaksyong iyon ng binata.

“Napakaganda mo ngayon, Kyline,” bati ni Joemar sa kaniya.

Ngunit ganoon na lamang ang gulat ng binata nang bigla niya itong buhusan ng isang basong malamig na tubig!

“Para ʼyan sa pananakit mo sa bestfriend kong si Shantal. Ang kapal ng mukha mong pagsabayin kaming dalawa. Feeling mo ba, gwapo ka? Mag-isip ka!” malakas ang tinig na ani Kyline sa binatang palikero. Napahiya ito sa harap ng maraming taong naroon sa sikat na restawran na iyon!

Nang malaman ni Shantal ang ginawang iyon ni Kyline ay agad niyang pinuntahan ang kaibigan. Nagyakapan at nag-iyakan silang dalawa.

Tunay silang magkaibigan at hindi iisang lalaki lang ang makapagbubuwag ng kanilang samahan. Iyon ang pangakong kanilang panghahawakan.

More Stories