Inakala ng Matandang Lalaki na Nakabingwit Siya ng Batang-Batang Nobya; Na-Tanso Pala Siya Nito

“Gustung-gusto na kitang makita, honey! Kailan ka ba pupunta rito sa Maynila?” tanong ni Domeng sa ka-chat niyang nobya.

“Don’t worry, magkikita rin tayo, honey. Malapit na malapit na,” sagot naman ng dalaga.

Si Domeng ay isang negosyante sa Maynila. Nagmamay-ari siya ng isang kilalang supermarket. Nagmula siya sa mahirap na pamilya ngunit nagtiyaga at nagsipag sa buhay kaya umansenso siya ng todo. Wala na siyang pinoproblema pagdating sa pera, ang kulang na lang ay babaeng makakasama niya sa habambuhay, kaya nang makilala niya si Malka sa social media ay biglang nagkakulay ang malungkot niyang mundo.

Si Malka ay disi-otso anyos na dalagang Muslim mula sa isang liblib na lalawigan sa Mindanao. Napakalayo kasi ng lokasyon ng nobya kaya sa chat lang sila nakakapag-usap.

“Alam mo, Malka, mahal na mahal kita. Nasa tamang edad ka na, kaya maaari na ba kitang yayaing magpakasal sa akin? Isang taon na ang relasyon natin kaya naman gusto ko nang magpakasal na tayo. Kailan ka ba pupunta rito sa Maynila para magkita na tayo at para mapag-usapan na rin natin ang gagawin kong pamamanhikan sa inyo?” tanong niya sa nobya habang ka-chat ito.

“Mahal na mahal din kita, Domeng at gusto na rin kitang makita, pero wala pang pera sina lolo at lola para makapunta kami riyan sa Maynila,” sagot ng babae.

“Kung gayon ay ako na lamang ang pupunta riyan. Dapat naman ay ako talaga ang unang makipagkita dahil ako ang lalaki.”

“Kung ikaw pa ang pupunta rito ay siguradong malaki pa ang gagastusin mo.”

Advertisement

“Mabuti pa ay magpapadala na lang ako ng pera diyan para may magamit kayong pamasahe ng lolo at lola mo papunta rito sa Maynila.”

“Nakakahiya naman, Domeng. Hindi ko ‘yan matatanggap.”

“Tanggapin mo na, honey, para magkita na tayo at mapag-usapan na natin ang pamamanhikan at ang nalalapit nating kasal.”

Agad namang pumayag ang kasintahan sa gusto niyang mangyari.

Kahit sisenta anyos na ang lalaki ay nagustuhan pa rin siya ng batang-batang nobya. Nagsimula ang lahat sa pagkakaibigan nila sa chat hanggang sa ‘di nagtagal ay napamahal na sila sa isa’t isa at pumayag naman ito na magkaroon sila ng pagkakaintindihan at doon nga nagsimula ang kanilang long distance relationship.

Talaga namang naging masaya ang naging usapan at pagcha-chat nila sa isa’t isa. Kung nagbi-video call naman sila ay palaging nakasuot ng belo at mahabang damit ang nobya na parte ng kultura ng mga Muslim na nagpapahalaga sa puri nito bilang babae kaya hindi pinipilit ni Domeng na magpakita ito ng mukha. Nakahanda rin ang lalaki na magpa-convert sa pagiging Muslim kung kinakailangan, basta makasama lamang ang babaeng iniibig. Dahil napakasuwerte niya sa pagkakaroon ng batang-batang nobya ay panay rin ang pagyayabang niya sa mga kaibigan tungkol sa babaeng malapit na niyang mapangasawa.

“Kaya kayo, maghanap na rin kayo ng babaeng mapapangasawa ninyo. Gayahin ninyo ako, nahanap ko na ang babaeng ihaharap ko sa dambana,” pagyayabang niya sa mga kaibigan at ipinakita ang litrato ng kaniyang future wife.

“Mukhang nakabingwit ka ng batang-batang mapapangasawa, pare. Mukhang napakagandang babae niyan. Sayang nga lang at may takip ang mukha,” sabi ng isa sa mga kumpare niya.

Advertisement

Sa isip ni Domeng ay lamang na lamang siya sa mga ito dahil siya lang ang may ubod ng batang nobya.

Nang makausap niya uli si Malka sa chat ay tinanong niya ito kung kailan ang dating nito sa Maynila ngunit sinabi ng babae na nagkasakit ang lola nito kaya nagamit nito ang ipinadala niyang pera na gagamitin sanang pamasahe sa kanilang pagkikita.

“Patawad, honey. Malaki kasi ang nagastos namin sa ospital kaya naubos ang lahat ng perang ipinadala mo sa akin, pero huwag kang mag-alala at maayos na ang kalagayan ni lola ngayon,” sambit ng babae.

“Mabuti naman at ligtas na ang lola mo. Hayaan mo at magpapadala uli ako sa iyo ng pera para sa pamasahe niyo papunta rito. Magpapadala rin ako ng karagdagang halaga para sa lola mo,” tugon niya rito.

Agad na nagpadala ng pera si Domeng sa kasintahan na nagkakahalaga ng limampung libong piso. Ang hindi alam ng babae ay sosorpresahin din siya ng lalaki dahil naghahanda na ito para sa nalalapit nilang kasal kahit pa hindi pa ito nakakapamanhikan. Hanggang sa dumating ang nakatakdang araw ng pagkikita nilang dalawa ngunit lumipas ang buong araw ay hindi dumating ang babae at ang lolo at lola nito. Dali-dali niya itong tinawagan sa cell phone ngunit hindi nito sinagot ang mga tawag niya. Nang subukan niya itong kausapin sa chat ay hindi rin ito sumagot. Maya-maya ay may natanggap siyang mensahe sa chat na nagmula sa hindi niya kilalang tao. Nang basahin niya ang chat ay muntik na siyang atakehin sa puso.

“Kayo po ba si Mr. Domeng Salonga? Ako po si Antoinette, pamangkin po ni Malka. Ipagpaumanhin niyo, pero maling impormasyon po ang ibinigay niya sa inyo. Hindi totoong disi-otso anyos ang kaniyang edad. Siya po ay sisenta y singko anyos na at isang biyuda. Hindi rin totoong nagkasakit ang lola niya dahil matagal na pong sumakabilang buhay ang kaniyang lola. Hinihingan niya lang po kayo ng pera para sa kaniyang mga bisyo gaya ng pagsusugal at pag-iinom. Kalakip po ng mensahe kong ito ang litrato ng totoong itsura ng aking tiyahin. Sinabi ko po ito para bigyan kayo ng babala, hindi ko na po kasi maaatim pa na makapanloko ang aking tiyahin,” bunyag ng nagpakilalang pamangkin ng nobya.

Biglang gumuho ang pangarap ni Domeng na makapangasawa ng batang-batang babae dahil ang nagpakilalang nobya ay isa palang matandang babae na ang gawain ay manghuthot ng pera sa mga matatandang lalaki na nakaka-chat nito. Nagpanggap lang ito na disi-otso anyos na babae para makakuha sa kaniya ng pera. Ang akala niya ay masosorpresa niya ito kapag nagkita sila, ngayon ay siya pa ang nasorpresa sa natuklasan niya.

Dahil sa nangyari ay iniwasan na niya ang pakikipagkilala at pakikipag-chat sa social media. Nadala na siya sa babaeng pinaglaruan lang ang damdamin niya at nagawa pa siyang perahan.