Inday TrendingInday Trending
Palaging Ibinabalik ang Batang Ito sa Bahay-Ampunan, Hindi Sila Makapaniwala sa Matutuklasang Kakila-kilabot Tungkol sa Bata

Palaging Ibinabalik ang Batang Ito sa Bahay-Ampunan, Hindi Sila Makapaniwala sa Matutuklasang Kakila-kilabot Tungkol sa Bata

“Pasensiya na ho talaga kayo, sister, pero hindi na po talaga namin itutuloy ang pag-aampon kay Jacquelin. May mga kababalaghan po talagang nangyayari simula nang dumating siya sa bahay namin,” wika ni Misis Opia.

“Sa totoo lang po pang ilang pamilya na kayong sumubok na ampunin siya ngunit parehas lang din na ibinabalik sa amin. Sana naman ho ay hindi niyo sinabi sa bata ang ganitong dahilan kung bakit niyo siya ibinalik sa amin,”saad ni Sister Hermie sa babae.

“Pasensiya na kayo, sister, pero nasabihan kong may sa demonyo siya. Pasensiya na ho talaga kayo pero iba po talaga. Baka gusto niyo pong ipa-albularyo ‘yang bata nang makita niyo kung ano ang dala niyang malas o demonyo o ano pa mang gusto niyong tawagin pero aalis na ho ako. Pasensiya na po ulit,” sagot sa kaniya ng babae sa mabilis na tumayo.

Naiwan namang nasa bintana ang batang si Jacquelin habang nakatingin ito sa labas.

“Sister, may sa demonyo ba talaga ako?” tanong ng bata sa kaniya sabay patak ng mga luha nito.

“Alam mo, kung ako ang tatanungin mo? Sasabihin kong wala lang silang pera para buhayin ka bilang anak nila kaya ka nila ibinalik dito!” biro ni Sister Hermie at niyakap ang pitong taong gulang na bata.

Isa si Jacquelin sa pinakamatagal na sa bahay-ampunang pinapatakbo nilang mga madre at hindi maitatanggi na napakagandang bata nito, ngunit nagsimula ang kababalaghan sa buhay niya nang ampunin ito noong apat na gulang pa lamang siya. Ang sabi ng unang pamilya ay may itim na imahe raw na laging nakasunod at nagbabantay sa bata kaya naman kaagad nilang ibinalik ito. Noong una ay hindi naniwala si Sister Hermie sa pamilyang iyon dahil sa kaniya lumaki ang bata at wala siyang naranasan na kahit isang pangingilabot dito.

“Hindi ba kasalanan sa Diyos kung papaniwalaan natin ang mga ganitong bagay? Parang sinabi na rin nating pinalaki natin siya na may kulang sa pananalig sa ating Poong Maykapal?” baling ni Sister Hermie kay Sister Dora.

“Sister Hermie, naiintindihan kita at lahat tayo ay nanalig sa Diyos na siyang nangingibabaw sa buhay nating lahat. Pero hindi natin maitatangi na may posibilidad na may nakasunod sa kaniyang elemento na hindi natin nakikita. Ano ba ang magiging masama kung ipapatingin natin sa mga eksperto katulad ng albularyo o mga nakakakita talaga ng multo? Ang pinsan ko, may ganiyang regalo, subukan lang natin,” suhestiyon ni Sister Dora sa kaniya.

“Parang hindi tayo naglilingkod sa Diyos,” tangging muli ng madre at tinapos na ang usapan nila. Kahit na labag sa kalooban ni Sister Hermie ang suhestiyon na iyon ni Sister Dora ay wala siyang nagawa nang dumating ang pinsan nitong sinasabi niya.

Kaagad niyang tiningnan at kinausap si Jacquelin at nang matapos ay nagtungo na ito sa dalawang madre upang sabihin ang kaniyang nakita.

“Walang itim na elemento o demonyong kasama ang batang ‘yun,” sabi ni Irene, magaling na espiritista.

“Sabi ko naman sa’yo, hindi totoo ang mga sinasabi ng mga pamilyang iyon tungkol kay Jacquelin,” mabilis na sagot ni Sister Hermie rito.

“Pero may kasama siya,” putol ni Irene sa madre.

“Ang nanay niya,” ani muli nito.

“Nanay? Ibig ba sabihin nito wala na ang nanay niya?” tanong ni Sister Dora sa kaniya.

“Bunga si Jacquelin ng isang madilim na nakaraan. Gin@h*sa ang nanay niya kaya siya nagdalantao at hindi ito matanggap ng babae kaya naman iniwan niya ang sangol sa ampunan na ito saka niya tinapos ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagsunog sa kaniyang tinitirahan,” bunyag ni Irene at mabilis na nangilabot ang dalawang at kaagad na hinawakan ang kanilang mga rosaryo.

“Kaya itim ang nakikita ng mga pamilyang umaapon sa kaniya dahil ito ang huling itsura niya na nakikipaglaban sa kaniyang buhay. Nagpapakita lamang ang nanay ng bata sa tuwing nararamdaman niyang mapapahamak ito. Binabantayan niya si Jacquelin,” dagdag ni Irene sa dalawa.

“Ibig sabihin ‘yung tatlong pamilya na umapon sa kaniya ay may bahid ng kasamaan?” gulat na tanong ni Sister Hermie sa babae.

“Yang bagay na ‘yan ay hindi ko na masasagot pa pero ang sabi niya ay aalis lamang siya kapag nakita niyang nasa maayos ng mga kamay ang kaniyang anak. Labis kasi niyang pinagsisisihan na hindi niya nagampanan ang pagiging nanay kaya sa ganoong paraan na lamang niya protektahan ito. Basta, isa lang ang masasabi ko, hindi siya nananakit na espiritu basta hindi sasaktan ang kaniyang anak,” pagtatapos ng babae.

Hindi makapaniwala ang dalawang madre sa kanilang narinig at aminadong nagtatayuan pa rin ang balahibo sa kanilang katawan sa pangingilabot.

Simula noon ay isinama nila sa kanilang panalangin ang kaluluwa ng yumaong nanay ng bata. Hindi nagtagal ay may umampon muli rito at sa pagkakataon iyon ay hindi na ibinalik si Jacquelin sa kanila.

“Sa tingin ko, nasa mabuting kamay na ang bata. Nawa’y magtuloy-tuloy na ang bagong kabanata ng buhay niya,” ngiti ni Sister Hermie habang nakatingin sa dating higaan ng bata.

Advertisement