Inday TrendingInday Trending
Ipinakilala ng Babae ang Anak Nila ng Sikat na Aktor; Hindi Siya Makapaniwala sa Sasabihin Nito sa Kaniya

Ipinakilala ng Babae ang Anak Nila ng Sikat na Aktor; Hindi Siya Makapaniwala sa Sasabihin Nito sa Kaniya

“Talaga ‘Nay? Makikilala ko na si Daddy? Si Simon Ramirez? Iyong bida sa drama na pinapanood natin?”

Tumango si Belinda sa kaniyang anak na si Josh, anim na taong gulang. Sa kauna-unahang pagkakataon ay masisilayan na ni Josh ang kaniyang tatay, na sa kasalukuyan ay itinuturing na “most bankable actor” at pinakasikat na aktor ng kaniyang henerasyon.

Si Belinda ay dating ekstra o bit player. Nakilala niya si Simon noong mga panahong nagsisimula pa lamang ito sa showbiz. Nagkakilala sila at nagkaroon ng unawaan ni Simon, bagama’t wala silang label. Hanggang sa mabuntis ni Simon si Belinda. Nang mga sandaling iyon ay unti-unti nang umiingay ang pangalan ni Simon, at nagsisimula na ring bigyan ng proyekto at importansiya ng network. Siya, si Belinda, ay nanatili pa ring ekstra, at nawala pang lalo sa limelight nang mabuntis. Hanggang sa makapanganak, hindi na nakabalik pa sa pag-eekstra si Belinda.

Kasabay ng pagtatapos ng proyekto nina Simon at Belinda ay ang pagtatapos na rin ng kanilang relasyon, kung relasyon mang matatawag iyon.

“Oo anak. Gusto niyang makilala ka. Naka-chat ko siya sa Facebook. Kaya maghanda ka na. Makikilala mo na ang Daddy mo,” saad ni Belinda.

Ang totoo, kinakabahan siya. Hindi niya alam kung bakit bigla na lamang nais na makipagkita ni Simon sa kaniya at makilala ang anak nito. Inihanda niya ang sarili. Naisip niya, baka balak nitong kunin ang anak sa kaniya. Mas may pera ito, may trabaho. Siya, na pa-ekstra-ekstra lang sa mga proyekto, wala siyang kahit na anong maipagmamalaki, kundi ang magandang pagpapalaki niya kay Josh, ang pag-aalaga niya, kahit na mag-isa lamang siyang nagtataguyod dito.

Nang gabing iyon, hindi nakatulog nang maayos si Belinda. Pinagmamasdan niya ang nahihimbing na anak. Bahala na, nausal ni Belinda sa kaniyang sarili.

Alas sais nang umaga ang usapan. Susunduin daw sila sa tapat ng isang parke, na magsisilbing meeting place nila. Alas singko y media pa lamang, naroon na ang mag-ina. Maya-maya, isang malaking puting personalized van na karaniwang pinapagawa ng mga artista ang pumarada sa kanilang harapan. Bumaba ang personal assistant ni Simon at pinapasok silang mag-ina sa loob ng sasakyan.

“Kumusta? Heto na ba si Josh?” tanong ni Simon. Hindi niya alam kung natutuwa ba itong makita ang anak, hindi mabanaagan ni Belinda, dahil nakasuot ito ng itim na shades. Hindi naman kumibo si Josh. Napatanga ito sa kaniyang ama.

“O-oo. Mag-hello ka sa Dadddy mo, Josh…” nauutal na sabi ni Belinda.

“Hello po Daddy! I’m Josh po. Pinapanood po namin kayo sa drama ninyo gabi-gabi. Ang galing po ninyo! Daddy, can I hug you po?” masuyong tanong ni Josh.

Ngumiti naman si Simon at tumango-tango. Agad na lumapit si Josh at niyakap nang buong higpit si Josh. Nadurog ang puso ni Belinda sa kaniyang nasaksihan.

“Be a good boy always, okay? Huwag mong gagalitin si Mommy mo. Here, sasamahan ka ni Tito James to buy some food,” sabi ni Simon. Humugot ito ng isanlibong piso at iniabot kay James, ang kaniyang personal assistant.

“Samahan mo siyang bumili ng food niya doon sa pizza house na nakikita ko,” utos nito. Tumalima naman ang personal assistant at sinamahan si Josh, sa pagsang-ayon naman ni Belinda. Alam niya, gusto ng pribadong usapan ni Simon. Pinaalis din nito ang kaniyang driver. Silang dalawa na lamang ang nasa loob ng sasakyan.

“I’m happy to see and meet Josh. Pero Belinda… I hope this is the first and last time na magkikita kami. Naiintindihan mo naman, hindi ba?”

Napatitig si Belinda kay Simon. Mapait siyang ngumiti.

“Natatakot kang malaman ng lahat na ang tinitingalang Simon Ramirez ay may anak na? Natatakot kang malaman ng mga tagahanga mo ang katotohanan dahil mawawala ang kasikatan mo at kung ano man ang mga oportunidad na dumarating sa ‘yo? Wow naman. Ako, ayos lang ako na kalimutan mo, pero huwag naman si Josh. Kailangan ka niya,” saad ni Belinda.

“Huwag kang mag-alala. Susustentuhan ko naman. Here’s my credit card,” saad ni Simon. Iniabot nito ang isang black credit card na may mataas na credit limit. “Gamitin mo kapag kailangan mo. Ang pakiusap ko lang, huwag na sana tayong magkita, at huwag na sanang pumunta pa si Josh sa akin. Ayokong may makaalam. Nasa peak na ang career ko ngayon, at maraming plano ang network sa akin. Ayokong masira ang lahat sa isang iglap lang, Belinda. Alam mo ‘yan. Mahirap makapasok at sumikat sa mundong ito, at ngayong narito na ako, ayoko namang mawala ang lahat ng pinaghirapan ko.”

Kinuha ni Belinda ang credit card. Sa halip na ilagay sa bag, inihagis niya ito sa mukha ni Simon.

“Sa iyo na ‘yan. Hindi ko kailangan ‘yan. Kailangan ka ni Josh hindi sa pera mo, kundi dahil tatay ka niya. Hindi ako mukhang pera. Nakaya ko siyang palakihin, at kakayanin ko pa rin. Huwag kang mag-aalala, your wish is my command!”

Bumaba na si Belinda mula sa sasakyan at walang lingon-likod na nagtungo sa pizza parlor kung saan sinamahan ni James ang anak. Nagulat naman si Josh sa inasal ng kaniyang ina.

Pagdating sa bahay, walang imik si Belinda.

“Mommy, nag-away po ba kayo ni Daddy?” naiiyak na tanong ni Josh.

Hindi umimik si Belinda. Hinawakan at hinaplos-haplos niya ang pisngi ng anak.

“Okay ka naman ‘nak na wala si Daddy, hindi ba? Busy kasi siya. Hindi natin siya puwedeng basta-basta dalawin.”

“Opo naman, Mommy. I understand. Gusto ko lang din po siya makita. Okay na po ako ro’n,” nakangiting sabi ni Josh. Niyakap ni Belinda ang anak. Nagpapasalamat siya at biniyayaan siya ng Diyos ng isang anak na matalino.

Iyon ang huling beses na nakita ni Josh ang kaniyang artistang daddy sa personal. Pinapanood na lamang niya ito sa telebisyon.

Makalipas ang sampung taon, bumaba na rin ang popularidad ni Simon dahil sa kaniyang edad. Ganoon naman sa showbiz. May bago at may mas sisikat. Mabilis mawawala sa limelight ang mga artista. Wala nang pakialam si Simon. Nakaipon na siya, nakapagpundar, at nakapagtayo ng negosyo. Hindi na niya alintana kung sikat pa ba siya o laos na. May kailangan siyang gawin. May pagkukulang siyang kailangan niyang mapunan. Wala siyang pakialam kung sirain man siya ng mga intriga.

Bukas na bukas din, makikipagkita siya kay Belinda. Babawi siya kay Josh, at magpapaka-ama na sa kaniyang anak.

Advertisement