Naparangalan Bilang Pinakamahusay na Rescuer ang Mister; Subalit Hindi Niya Nailigtas ang Sarili Niyang Pamilya Mula sa Kapahamakan
“Ladies and gentlemen, our most outstanding rescuer of the year, Mr. Roswold Enriquez!”
Masigabong palakpakan ang sumalubong kay Roswold dahil sa natanggap na pagkilala mula sa kanilang kompanya. Nagtatrabaho siya sa isang pribadong kompanya na nagsasagawa ng rescue operations at nagbibigay ng mga seminar at talks hinggil sa kung paano malulunasan ang iba’t ibang mga sakuna, precautionary measures, aksidente, at iba pa.
“Maraming-maraming salamat po sa pagkilalang ito,” panimulang talumpati ni Roswold. “Sa labimpitong taon ko po rito sa kompanya, ngayon lang ako nakatikim ng parangal. Puro kasi sermon ang natitikman ko sa ating Big Boss. Salamat po sir sa mga pagalit mo sa akin noong araw,” biro ni Roswold at kinawayan pa ang kanilang Big Boss, na tumayo naman at nakangiting kumaway-kaway sa lahat, na para bang Miss Universe. Nagkatawanan at nagpalakpakan naman ang lahat.
“Malaki po ang pagtanaw ng utang na loob ko kay Big Boss, dahil kung hindi dahil sa kaniya, siguro hindi ko po maiintindihan ang importansiya ng pagliligtas sa kapwa, at wala sana rito ako ngayon sa inyong harapan. Maraming maraming salamat po. Salamat din po sa pagkilalang ito. Alay ko po ito sa inyong lahat, lalo na po sa mga kapwa ko rescuers na nasa hukay ang kanilang isang paa kapag kinakailangang magligtas ng mga taong nasa matinding pangangailangan,” saad ni Roswold.
Habang sila ay nagsasalo-salo, pinaalalahanan ni Big Boss si Roswold na magkita sila sa kaniyang tanggapan.
“Ano po iyon, sir?” tanong ni Roswold.
“I’m very impressed sa performance mo, Roswold, lalo na ang ginawa mong pagliligtas na halos hindi ko nagawa noong prime ko. Nakita ko ang dedikasyon mo sa iyong trabaho. Kaya naman I have an offer sa iyo. Balak ko pang magtayo ng isang business na related din naman dito. Magbibigay ng training sa mga barangay officials and local government unit employees para sa pag-rescue just in case of an emergency. I want you to lead that company.” saad ni kaniyang boss.
“Naku sir… sigurado po ba kayo sa sinasabi ninyo? May mga mas qualified pa po diyan sir. Baka po may mga maraanan po tayong tenured kaysa sa akin,” nag-aalangang sabi ni Roswold.
“No. I believe in you. Alam kong kakayanin mo, Roswold. Sana tanggapin mo ang offer ko. Siguradong malaking oportunidad ito para sa iyo.”
“Sige po, sir. Isasangguni ko po muna ang misis ko,” tugon ni Roswold.
Sabik na umuwi si Roswold sa kanilang bahay. Tiyak na matutuwa ang kaniyang misis kapag nalaman ang mataas na promosyon na natanggap niya. Hindi lang basta posisyon kundi mataas na posisyon.
Subalit nagtaka siya kung bakit maraming tao sa labas ng kanilang bahay. Kinabahan siya. Sa labas, may ambulansiya.
“Anong nangyari rito? Anong nangyari?”
“Naku Roswold mabuti naman at dumating ka na! Ang mag-ina mo ay nagkasugat-sugat. Sumabog ang tangke ng LPG ninyo! Nadala na sa ospital ang mga anak mo, ang misis mo na lamang ang natira sa loob. Nagluluto siya kaya siya ang labis na napuruhan,” saad ng isa sa mga kapitbahay.
Ganoon na lamang ang panlulumo ni Roswold nang makita ang kaniyang misis. Sunog na sunog ang mukha nito. Agad nilang dinala sa pinakamalapit na ospital subalit huli na ang lahat. Hindi rin nakaligtas ang kaniyang dalawang anak.
Sa tatlong kabaong sa burol, nakatulala lamang si Roswold. Hindi na niya napansin ang pakikiramay ng kaniyang mga kasamahang rescuers. Hindi niya matanggap na siya, isang rescuer na kinilala at pinarangalan pa, ay hindi man lamang nailigtas sa kapahamakan ang kaniyang mag-iina.
May ilang linggo ring nagluksa si Roswold matapos mailibing ang kaniyang mag-iina. Nawalan siya ng ganang magtrabaho. Nawalan siya ng ganang magligtas ng buhay ng iba. Nawalan siya ng ganang mabuhay.
Hanggang sa isang gabi, dinalaw siya ng kaniyang misis at mga anak sa panaginip. Tuwang-tuwa umano ang mga ito sa promosyong kaniyang natanggap. Nagising si Roswold na may mga luha sa kaniyang mga mata.
Isang araw, bumalik na si Roswold sa trabaho. Nagtungo siya sa tanggapan ng Big Boss.
“Masaya akong tinatanggap mo na ang posisyong para sa iyo,” saad nito.
Tinanggap ni Roswold ang pinakamataas na posisyon para sa bagong kompanyang itatayo ng kaniyang Big Boss. Pinag-igi niya ang pagsasanay sa mga tao upang maturuan ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na rumesponde sa mga emergency, lalo na kapag may nasasabugan ng LPG, o kaya naman ay sunog.
Kaya sa kaniyang pagliligtas sa mga pamilya, lalo pa niyang pinag-iigihan dahil iniisip niyang pamilya niya mismo ang inililigtas niya, bagay na hindi niya nagawa. Alam niyang masaya ang kaniyang pamilya para sa kaniya.