Tuwing Kaarawan ay Naghihintay ang Babae sa Pagdating ng Ama; Madudurog ang Kaniyang Puso sa Malalamang Katotohanan
“Kanina ka pa riyan sa labas, anak. Bakit ayaw mong pumasok sa loob at makisalamuha sa mga bisita mo?” tanong ni Elsa sa kaniyang limang taong gulang na anak na si Angel.
“Wala po akong gana makipaglaro, nanay. Dito lang po ako sa labas muna,” tugon ng bata.
“Bakit parang ang lungkot mo, anak? Hindi mo ba nagustuhan ang party na inihanda ng nanay para sa iyo?” tanong muli ng ina.
“Gusto ko naman po, nanay. Kaso po ay hinihintay ko po si tatay,” malungkot na sambit ni Angel.
“Halika na sa loob, anak. Kailangan mo nang hipan ang kandila mo sa cake. Tapos ay magbubukas ka na ng regalo,” saad na lamang ni Elsa sa anak.
Masaya ang lahat ng bata na dumalo sa kaarawan ni Angel ngunit bakas sa mukha ng bata ang lungkot dahil nakakaramdam ito ng tila may kulang. Batid naman ni Elsa na lumalaki na ang anak at darating ang panahon na hindi na niya kaya pang ilihim dito ang katotohanan.
Lumipas ang mga taon at sa tuwing magdiriwang ng kaarawan si Angel ay nasa labas lamang ito ng piging at naghihintay sa pagdating ng ama.
“‘Nay, labing limang taon na po ako ngayon. Baka naman po pwede ko nang malaman kung nasaan talaga ang tatay ko,” tanong ng anak sa kaniyang Nanay Elsa.
Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin masabi ng ginang ang tunay na kinaroroonan nito.
“Ang sabi ko sa’yo, anak, hindi ko na alam kung nasaan ang tatay mo. Nambabae siya kaya iniwan ko siya. Simula noon ay hindi ko na alam kung nasaan na siya,” pahayag ni Elsa.
“Hindi ba ako mahal ng tatay ko, ‘nay? Kasi kung sapat ako para sa kaniya, sana’y hinanap na niya ako o hindi naman kaya ay pinilit niya kayo na makilala ako,” malungkot na sambit ni Angel.
“Hindi pa ba sapat ang pagmamahal na ibinibigay ko sa iyo, anak? Kaya nga hanggang maaari ay ayaw ko nang pag-usapan natin ang bagay na ito sapagkat ayaw kong nakikita kang nalulungkot. Pasensiya ka na kung hindi ko mapunuan ang puwang diyan sa puso mo. Pero tandaan mo na kahit kailan ay hind kita iiwan at mahal na mahal kita, anak,” saad muli ng ina nito.
Dahil sa sinabi ng ina ay tumigil na si Angel sa pagtatanong sa kaniyang ama. Ngunit hindi malaman ng dalaga kung bakit tila nakakramdam siya na hindi lahat ay sinasabi ng kaniyang ina.
Isang gabi ay hindi makatulog si Angel kaya naisipan niyang pumunta sa silid ng kaniyang Nanay Elsa. Pagpasok niya sa silid nito ay nakita niya ang ina na nakaupo sa sahig malapit sa kaniyang kama at nakatitig sa tangan niyang kapirasong papel. Nang makita ng ginang na naroon ang anak ay agad niya itong itinago.
“G-gabing-gabi na, anak. Bakit hindi ka pa natutulog?” sambit ni Elsa.
“Hindi po ako makatulog, ‘nay. Kaya po ako nagpunta dito sa silid niyo para sana tumabi sa inyo,” tugon ni Angel.
“Dalaga ka na pero ang hilig mo pa ring maglambing sa akin! Halika na nga rito at tabi na tayong matulog. Hindi maganda sa katulad mo ang nagpupuyat,” saad muli ng ina.
Malalim na ang gabi at malalim na rin ang tulog ni Elsa habang si Angel ay mulat pa rin at hindi makatulog dahil lalong nagulumihanan ang kaniyang isip sa kung ano ba talaga ang tangan ng ina na agad nitong tinago at parang ayaw ipakita sa kaniya.
Bubuksan sana niya ang tukador ng ina ngunit nakakandado pala ito. Lalo tuloy tumindi ang kaniyang pag-aasam na malaman ang tinatagong lihim ng kaniyang nanay.
Isang araw, pilit na hinagilap ni Angel ang susi ng tukador. Tinaon niyang nasa palengke ang ina at namimili. Nang mahagilap niya ang susi ay dali-dali niyang binuksan ang nasabing tukador at laking gulat niya nang makita ang isang punit na dyaryo.
Hindi alam ni Angel na nariyan na ang kaniyang ina.
“A-anong ginagawa mo dito sa silid ko, anak?” tanong ni Elsa sa dalaga.
“‘Nay, nasaan po ulit ang tatay ko?” lumuluhang sambit ni Angel habang tangan niya ang kapirasong papel.
“‘Nay, sabihin niyo na po sa akin ang totoo! Anong ibig sabihin nitong nilalaman ng diyaryo?” halos mapaluhod na si Angel sa magpapakaawa sa ina na sabihin sa kaniya ang katotohanan.
“Ayoko kasing masaktan ka, anak…” wika ni Elsa.
“Kaya hindi niyo sinabi sa akin na isang krim*nal ang tatay ko?! Na gin@hasa lamang kayo at bunga ako ng isang malagim na pangyayari?” patuloy sa pagtangis ang dalaga.
“Ayokong masaktan ka! Ayong isipin mo na dahil masama ang iyong ama ay ayaw ko na rin sa iyo! Inilihim ko ang lahat dahil ayaw kong maisip mo na bunga ka lang ng pagkakamali!” sambit ni Elsa.
“Tinalikuran ako ng pamilya ko at hinusgahan ako ng maraming tao. Nagsampa ako ng kaso at lumaban at nahatulan ng kamat@yan ang iyong ama. Lahat ng iyon ay hindi ko ininda dahil lamang ayaw kong ipatanggal ka sa sinapupunan ko. Hindi mo kasalanan ang kasalanan ng tatay mo. Ang sabi nila ay disgrasyada ako at ipalaglag ko na ang bata para makapagsimula ako ng mas maayos na buhay, pero hindi ko kayang pat@yin ang sarili kong anak! H’wag mo sanang isipin, anak, na isa kang pagkakamali dahil kahit na ginawan ako ng masama ng lalaking iyon ay binago ng Diyos ang lahat ng pananaw ko sa buhay nang dumating ka,” pahayag ng lumuluhang ina.
Napayakap na lamang si Angel sa kaniyang ina. Ngayon ay mas nauunawaan na niya kung bakit inilihim nito ang lahat ng katotohanan sa kaniya.
Mahirap mang tanggapin na ang mismong taong tingin niyang magbibigay kapunuan sa puwang sa kaniyang puso ay mismong tao pala na sumira ng dangal at nanalbahe sa kaniyang butihing nanay.
Mapait man ang sinapit ni Elsa sa kamay ng sariling ama ni Angel ay hindi ito naging hadlang upang lubos niyang mahalin ang kaniyang anak.