Iniwan ng Mapapangasawa ang Binata dahil Nabulag Ito; Sa Pagkawala ng Paningin ay Mahahanap Niya ang Tunay na Magmamahal sa Kaniya
“Ilang araw na lang at ikakasal na tayo! Hindi na ako makapaghintay na tuluyan na tayong magsama sa iisang bubong, babe!” sambit ni Krisha sa kaniyang nobyo at mapapangasawa na si James.
“Ako man, babe. Parang kailan lang wala akong ginawa kung hindi suyuin ka para mapasagot kita. Ngayon ay matutupad na ang lahat ng pangarap ko, ang makasama ka habambuhay!” sambit naman ng binata.
“Pangako mo ba kahit ano ang mangyari ay mamahalin mo ako?” paglalambing ni James.
“Walang kahit ano o kahit sino ang makakapagpabago ng nararamdaman ko sa’yo, babe! Ikaw lang hanggang wakas,” wika pa ni Krisha.
Halos isang taon ding pinaghandaan nila James at Krisha ang kanilang kasal. Dahil minsan lamang ito mangyayari at nais nilang damahin ang masayang araw na ito ay talagang pinagarbo nila ang magiging piging. Gusto ni James na si Krisha ang pinakamasayang babae sa araw na ito.
Ngunit dalawang araw bago ang kasal ng magkasintahan ay nasangkot si James sa isang matinding aksidente. Nabangga ang sasakyan ng binata ng isang truck nang makatulog daw ang nagmamaneho nito.
Halos gumuho ang mundo ni Krisha nang malaman ang mapait na sinapit ng mapapangasawa.
Agad siyang pumunta sa ospital at doon ay nadatnan niya si James na puno ng sugat at dugo sa ulunang bahagi nito.
Mabuti na lamang ay nadala agad sa ospital ang binata kaya naisalba pa ang buhay nito. Ikinalulungkot ni Krisha na hindi na matutuloy ang kanilang pag-iisang dibdib.
Nang magising si James mula sa mahabang pagkakatulog ay laking gulat na lamang nito na pagdilat ng kaniyang mga mata ay wala siyang makita.
“Lubusang naapektuhan ang mga ugat sa kaniyang utak na nagsanhi ng pagkawala ng kaniyang paningin” paliwanag ng doktor.
“Dok, makakakita pa ba akong muli?” natatakot na tanong ng binata.
“Hindi ko pa masabi sa ngayon. Pero dahil sa tindi ng pinsala ay malaki ang tyansa na hindi ka na muling makakita pa,” pahayag ng doktor.
Parang bumagsak ang langit kay James ng araw na iyon. Hindi na nga natuloy ang kaniyang kasal ay mawawalan pa siya ng paningin. Paano na lamang niya haharapin ang bukas nang hindi siya nagiging pabigat?
Nang makalabas si James sa ospital ay nararamdaman niya ang unti-unting panlalamig sa kaniya ni Krisha. Madalang na lamang siya nitong dalawin sa kaniyang bahay. Madalas ay hindi rin nito sinasagot ang kaniyang mga tawag dahil daw sa pagkaabala.
Hanggang isang araw ay inamin na ng dalaga ang nais nito.
“Wala nang patutunguhan ang ating relasyon, James. Hindi ko kayang mag-alaga ng isang bulag na katulad mo sa buong buhay ko. Hindi ko nakikita ang sarili ko sa ganoong sitwasyon!” saad ng kasintahan.
Ikinalungkot man ni James ang sinabi ng nobya ay wala siyang magagawa kung hindi palayain ito. Ayaw rin naman niya kasing mahirapan pa si Krisha.
Lumipas ang mga panahon at natutunan na ni James ang mamuhay bilang isang bulag.
Habang naglalakad siya patungong parke ay may isang babae ang sa kaniya ay kumausap.
“Gusto mo tulungan kita sa pagtawid?” tanong ng babae. Ngumiti naman si James at saka siya tinulungan ng babae upang makapunta sa kaniyang pupuntahan.
Aalis na sana ang dalaga nang tanungin si James.
“Ganoon pa rin ba ang kulay ng mga ulap? Ang mga bulaklak sa palagid. Maaari mong ikwento sa akin ang nakikita mo dahil ayaw kong makalimutan ang mga ito,” pakiusap ng binata.
Sandaling tumabi sa kaniya ang dalaga at pinagbigyan ang kaniyang pakiusap.
“Ako nga pala si Rachel. Pwede ko bang malaman ang pangalan ng bago kong kaibigan?” tanong ng dalaga.
Nagpakilala si James. Hindi namalayan ng dalawa na matagal-tagal na rin pala silang nakakawentuhan. Sa unang pagkakataon ay nakalimutan ni James ang lahat ng bigat ng kaniyang dalahin. Hindi niya alam kung ano ba ang mayroon sa babaeng ito ngunit ang mga tinig niya ay tila anghel na bumubulong sa binata.
Simula noon ay napadalas na ang pagtatagpo nila sa parke. Minsan din ay dinadalaw ni Rachel itong si James sa kanilang bahay upang dalhan ng kaniyang mga iniluto. Hindi nila akalain na ang isang sandaling iyon ay magiging bunga ng magandang pagakakaibigan.
“Sana ay nakakakita ako, Rachel, nang sa gayon ay makabisado ko ang mukha mo. Siguro akong kung gaano kaganda ang kalooban mo ay ganoon din ang mukha mo,” wika ng binata.
“Mas mainam nga na h’wag ka nang makakita, James! Hindi mo siguro gugustuhin ang mukha ko kapag nakita mo!” natatawang biro ng dalaga.
“Alam mo kahit ano pa ang itsura mo ay wala akong pakialam. Binago mo ang pananaw ko sa buhay, Rachel. Kung hindi ka dumating ay hindi ko alam kung magiging ganito pa ako kasaya,” saad ng binata.
“Gusto sana kitang ligawan at mahalin habambuhay. Pero, ano ba naman ang karapatan ng isang bulag na kagaya ko? Saka ayaw kong maging pabigat sa’yo. Pero sana kung makakahanap ka ng lalaking mamahalin ay ingatan ka. Dahil napakabuti mo,” pahayag ng binata.
“Hindi kagandahan ang itsura ko, James. Kaya minsan ay nahihiya rin ako na makita mo ako. Pero sinisigurado ko naman sa’yo na kahit kailan ay hindi ko gagawing dahilan ang kakulangan mo para iwanan ka. Bakit pa ako maghahanap ng mamahalin kung nasa harap ko na? Hindi naman ako ang bulag dito,” natatawang wika naman ng dalaga.
Napatawa ang binata. Hindi niya akalain na mahal na rin pala siya ni Rachel. Sa pagkakataon na iyon ay inamin na nila ang nararamdaman sa isa’t isa at tuluyan na silang naging magkasintahan.
Isang araw ay masayang-masaya si Rachel na pinuntahan ang kasintahan.
“May maganda akong ibabalita sa iyo, James. Nakahanap ako ng espesiyalista na gustong tingnan muli ang kaso ng mata mo. Subukan natin baka mamaya ay makakita ka pa!” balita ng dalaga.
Nagdadalawang-isip si James dahil ayaw na niyang umasa pa na muli siyang makakakita. Ngunit sa pangungulit ng nobya ay pumayag na rin ito.
“Walang kasiguraduhan na makakakita siya kapag naoperahan na siya. Pero pwede nating subukan,” wika ng doktor.
Agad na isinagawa ang operasyon sa binata. Walang tigil sa pananalangin si Rachel na sana ay makakitang muli si James.
Nang araw tanggalin na ang piring sa mga mata ni James ay unti-unti niyang nasilayan muli ang ganda ng mundo.
Napaluha na lamang ito sapagkat nakakakita na siya. Nang makita niya ang isang babaeng hindi kagandahan tulad ng inilarawan ni Rachel ay agad niya itong hinagkan.
“Maraming salamat, Rachel, mahal ko!” wika ni James.
“S-sandali lang po! Hindi po ako si Rachel. Nars po ako dito!” pagpupumiglas ng babae.
Agad itong binitawan ni James.
Lumingon siya sa palagid at nakita niya ang isang magandang dilag na nakangiti at pinipigil ang kaniyang luha.
“Masaya ako at muli ka nang nakakakita, mahal ko!” sambit ni Rachel sa kasintahan.
Hindi makapaniwala ang binata sa ganda ni Rachel. Hindi lang busilak ang kalooban nito kung hindi maganda din ang pisikal nitong anyo.
Dito ay niyaya na ni James ang dalaga na magpakasal.
“Mamahalin mo pa rin ba ako kahit mawala ang paningin kong muli?” tanong ni James kay Rachel.
“Ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa kung ano ang kalagayan ng isang tao. Mahal kita noong hindi ka pa nakakakita, mahal kita ngayon at mas mamahalin pa kita sa mga bawat bukas na darating, anuman ang mangyari,” wika ni Rachel sa asawa.
Napagtanto ni James na ang malagim na parte pala ng buhay niyang iyon ang magbibigay liwanag upang matagpuan niya ang landas patungo sa mabait at mapagmahal niyang asawang si Rachel.