Inday TrendingInday Trending
Inatake sa Puso ang Masipag na Ama ng Dalaga; Laking Gulat Niya sa Iniwan Nito

Inatake sa Puso ang Masipag na Ama ng Dalaga; Laking Gulat Niya sa Iniwan Nito

“Saan ka na naman nanggaling, anak? Alam mo namang kailangan kita dito para tumingin sa mga kapatid mo. Kailangan ko nang ilako itong paninda ko,” bungad ni Mang Rosing sa kaniyang anak na si Joy pagkadating nito sa bahay galing eskwelahan.

“Pasensiya na po kayo, tatay, at may ginawa lang po kami sandali. Sige po, umalis na kayo at ako na po ang bahala dito sa bahay. Kumain na po ba kayo?” saad naman ng dalaga.

“Oo, anak. Pinakain ko na rin ang mga kapatid mo. Kumain ka na. Isarado niyo itong pinto at ‘wag kang magpapapasok ng kung sinu-sino lang. I-text mo ako kung mayroon kayong kailangan,” wika pa ni Mang Rosing sabay buhat ng kaniyang tindang puto at kutsinta.

Masipag ang amang si Mang Rosing. Kahit na matagal na silang iniwan ng kaniyang asawa at itinaguyod niyang mag-isa ang kaniyang tatlong anak. Napag-aaral din niya sa kolehiyo itong si Joy. Nais niyang makapagtapos ang mga anak nang sa gayon ay hindi danasin ng mga ito ang hirap ng buhay na kanilang dinaranas.

Hindi inaalintana ni Mang Rosing ang init, ulan, alikabok at usok na kaniyang nasasalubong sa pagtitinda ng puto at kutsina. Mabuti na nga lang ay nariyan ang anak na si Joy upang tumingin at umasikaso sa dalawa pa niyang mga kapatid na nasa elementarya.

Maggagabi na nang dumating si Mang Rosing sa kanilang tahanan.

“Nakapagluto na po ako ng hapunan, tatay. Kain na po tayo,” paanyaya ni Joy sa kaniyang ama.

“Tatay, baka naman po bukas ay pwedeng manok naman po ang ulam natin. Nagsasawa na po kasi kami ni Utoy sa isda,” saad ng pangalawang anak ng ginoo.

“Utoy at Dongdong, tigilan niyo nga ang tatay! Nakita niyo na ngang marami siyang gastusin. Magpasalamat nga tayo at may nakakain tayo. Marami ang nagugutom!” pagsuyaw ni Joy sa mga kapatid.

“Sinasabi lang naman namin na gusto namin ng manok, ate,” sambit naman ng bunsong si Dongdong.

“H’wag na kayong mag-away. Hayaan niyo, kapag nakaluwag-luwag tayo ay mag-uulam tayo ng manok. At hindi lang kayo tag-iisa! Makakain niyo ang lahat ng gusto niyong kainin!” wika naman ng ama.

Kahit na nakangiti ay hindi maialis ni Mang Rosing na masaktan dahil alam niyang hindi sapat ang nabibigay niya sa kaniyang mga anak. Kaya kinabukasan ay naghanap pa siya ng ibang trabaho. Bukod sa paglalako ng kaniyang paninda ay naglako na rin siya ng mga gulay. Minsan ay umeekstra din para mamasada ng padyak sa kanilang lugar.

Doble kayod talaga ang ginawa ng ginoo nang sa gayon ay mapagbigyan niya ang hiling ng kaniyang mga anak.

Isang araw ay nakita na lamang ni Joy na tila masama ang pakiramdam nitong si Mang Rosing.

“Tatay, ayos lang po ba kayo? Sa tingin ko ay h’wag muna kayong mamasada o kaya’y maglako ng paninda,” saad ng nag-aalalang si Joy.

“Wala ito, anak. Ayos lang ako. Mamaya kapag pinawisan na ako ay mawawala rin ito,” tugon naman ni Mang Rosing.

“Sigurado po ba kayo, ‘tay?” sambit muli ng dalaga.

Nang makatayo si Mang Rosing ay bigla na lamang itong bumulagta. Natataranta si Joy nang makita ang nangyari sa kaniyang ama. Nagsisisgaw siya upang humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Nang madala ito sa ospital ay huli na ang lahat.

Hindi inaakala ni Joy na ganoon lamang kabilis maawala ang kanilang pinakamamahal na ama. Lubos ang kalungkutan na nararamdaman ng magkakapatid dahil ngayon ay ulilang lubos na sila.

“Diyos ko, patawarin niyo po ako pero ang dami naman pong masasamang tao ay bakit ang tatay ko pa po ang kinuha ninyo? Kinuha niyo na nga ang nanay namin, pati ba naman po si tatay?” pagtangis niya sa Panginoon.

Tiningnan niya ang dalawa niyang mga kapatid at lalo siyang napaluha sapagkat hindi niya alam kung paano niya bubuhayin ang mga ito. Ngunit sa kaniyang pagluha ay napagtanto niyang mas kailangan niyang tatagan ngayon sapagkat siya na lamang ang sandigan ng mga ito.

Habang iniaayos niya ang aparador ng kaniyang ama ay nakakita si Joy ng isang maliit na kahon. Nang buksan niya ito ay laking gulat niya nang makita ang balunbon ng pera at isang at isang passbook ng bangko.

Laking gulat niya nang makita na lihim palang nag-iipon ang kaniyang ama. Alam niya na para ito sa kanilang kinabukasan.

Napaluha na lamang si Joy dahil hanggang sa huling pagkakataon ay sila pa rin ang iniisip ng kaniyang ama.

Hindi man matutumbasan ng perang ito ang pangungulila ng magkakapatid sa kanilang mga magulang ay kahit paano’y makakatulong ang halagang ito para sila ay makapagsimula.

Ginamit ni Joy na puhunan ang pera para magtayo ng maliit na tindahan. Sinikap niyang makapagtapos ng pag-aaral upang sa gayon ay matupad niya ang nais ng ama na magkaroon silang magkakapatid ng magandang kinabukasan.

Advertisement