Inday TrendingInday Trending
Akala ng Ina ay Normal Lang sa Edad ng Anak ang Pagkakaroon Nito ng Kathang Isip na Kaibigan; Ikakabigla Niya ang Matutuklasan

Akala ng Ina ay Normal Lang sa Edad ng Anak ang Pagkakaroon Nito ng Kathang Isip na Kaibigan; Ikakabigla Niya ang Matutuklasan

Walang mapaglagyan ang saya ng Pamilya Bautista nang sa wakas ay makakalipat na sila sa bago nilang biling bahay. Pinag-ipunan kasi talaga ng mag-asawang Rodeth at Gilbert ang bahay na ito. Sa loob ng sampung taong pangungupahan ay sa wakas may matatawag na silang sariling bahay.

“Marami na akong plano para sa bahay, mahal. Napag-isipan ko na kung paano ko iaayos ang mga muwebles at mga kasangkapan. Bumili na rin ako ng ibang kakailanganin para sa kwarto ni Chelsea. Hindi na ako makapaghintay na makalipat tayo,” saad ng ginang.

“Talagang handang-handa na ang asawa ko, ah! Hayaan mo at ilang tulog na lang ay doon na tayo titira sa sarili nating bahay,” sambit naman ni Gilbert.

Lumipas ang mga araw at sa wakas ay dumating na ang araw ng kanilang pinakahihintay.

Malinis na ang bahay ngunit nais pa itong isaayos ng ginang. Inumpisahan niya sa silid ng kaniyang limang na taong gulang na anak na si Chelsea.

Pangarap ng lahat ng ina na mabigyan ng magandang silid ang kanilang anak kung saan malaya itong makakapaglaro. Isinalansan ni Rodeth ang lahat ng mga laruan ng bata upang maging kaaya-aya ito sa paningin.

Nang matapos na ay isinunod na niya ang silid nilang mag-asawa. Nang makita ni Gilbert ang ginagawa ng misis sa silid aty lumapit ito upang maglambing. Nang tipong hahagkan na niya ang asawa ay nakarinig sila ng wika mula kay Chelsea.

“Dito lang tayo sa silid. Dito na lang tayo maglaro,” saad ng bata.

Nang silipin ng kaniyang magulang si Chelsea ay wala naman itong kasama.

Sa tingin ng mga ito ay pinapaandar lamang ni Chelsea ang kaniyang matinding imahinasyon kaya naman iniwan na muli ng mag-asawa ang kanilang anak upang makapaglaro.

Minsan habang abalang nagluluto si Rodeth sa kusina ay muli niyang narinig ang anak na tilay may kaaway.

“Hindi ako papayagan ng mama kong lumabas. Dito na lang tayo maglaro kung hindi ay hindi na tayo bati,” saad muli ng bata.

Dahil ilang ulit na itong nasasaksihan ng ginang ay tinanong niya ang kaniyang anak.

“Chelsea, anak, sino ang kausap mo?” pagtataka ng ina.

“Si Bridget po, bago ko pong kaibigan,” tugon naman ng bata.

“At itong si Bridget na kaibigan mo ay nasaan ngayon?” muling tanong ng ina.

“Wala na po, mama, umalis na po kasi natatakot daw po sa’yo,” muling sagot ni Chelsea.

“Ikaw talagang bata ka kung anu-ano ang mga kathang-isip mo. Halika na nga sa kusina at kumain na tayo,” natatawang wika ng ina.

Isinangguni ni Rodeth sa kaniyang asawa ang palaging pakikipaglaro ni Chelsea sa tila kathang-isip na kaibigan na si Bridget.

“Normal sa edad ni Chelsea ang ganiyan kaya huwag ka nang mag-aalala pa,” pahayag ng asawa.

Ngunit may ibang kutob si Rodeth lalo na at lagi niyang naririnig ang anak na tila inaaya ng kaibigang ito ang bata na lumabas ng bahay na mariing tinututulan ng bata.

Hanggang isang araw ay abala si Rodeth sa paglilinis ng bahay at bigla na lamang siyang nagtaka dahil hindi na niya naririnig ang anak na naglalaro. Nang kaniyang silipin ito ay wala ito sa sala at wala rin ito sa kaniyang silid. Lubusan ang pag-aalala ng ginang kaya agad siyang lumabas at hinanap ang anak.

Nang makarating siya sa likod bahay ay napansin niya ang anak na tila may dinudungaw sa isang balon.

“Lumayo ka sa balong, ‘yan, Chelsea, at baka malaglag ka!” nag-aalalang sigaw ni Rodeth sa anak.

“Hindi ba ang sinabi ko sa’yo ay h’wag na h’wag kang lalabas na mag-isa? Saka, isa pa, h’wag na h’wag ka muling lalapit sa balon na iyon! Bakit ka ba naroon?” dagdag pa ng ina.

“Niyaya po kasi ako ni Bridget, mama. Sabi niya po ay sumilip daw po ako sa balon na iyon. Ilang beses na po kasi niya akong kinukulit,” pahayag ng bata.

Labis ang takot na naramdaman ni Rodeth sa sinabi ng anak. Kaya agad niyang tinawagan ang asawa upang sabihin ito. Hinanap nila muli ang pinagbilhan ng bahay upang itanong ang nakaraan ng kanilang tinitirahan.

Nagpakita ng isang lumang larawan ang dating may-ari ng bahay. Walang kagatol-gatol ay itinuro ni Chelsea ang isang bata mula sa larawang iyon.

“Siya po ang kaibigan kong si Bridget,” sambit ng bata.

Nanayo ang balahibo ng dating may-ari sa winika ni Chelsea.

“Kapatid ng lola ko ang batang ito. Bridget nga ang pangalan niya. Ang kwento sa akin ng aking lola ay isang araw, kinukulit daw siya ng kaniyang kapatid na si Bridget upang makipaglaro. Dahil abala ang lola ko sa pag-aaral ay hindi niya ito napagbigyan.

Kaya nagpasya ito na mag-isang maglaro malapit sa balon. Nang malaglag ang manika nito sa balon ay pilit niya itong sinilip at bigla na lamang itong nalaglag. Nasawi ito dahil sa aksidenteng iyon,” paliwanag ng lalaki.

“Marahil ay hindi pa natatahimik ang kaniyang kaluluwa at naghahanap pa rin ito hanggang ngayon ng makakasama at makakalaro,” dagdag pa nito.

Dahil sa pangamba na maulit muli ang nakakakilabot na pangyayari ay nagdesisyon ang mag-asawa na pabendisyunang muli ang bahay kasama ang nasabing balon.

Simula nang araw na iyon ay hindi na muling nakita pa ni Chelsea ang kaluluwa ng batang si Bridget. Maayos nang namuhay ang pamilya sa tahanang iyon at wala nang gumambala sa kanilang ano pa mang espiritu.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Rodeth na nangyari ito sa kanilang pamilya, lalo na sa kaniyang nag-iisang anak. Kahit na hindi na nakikita ni Chelsea ang kaibigang si Bridget ay patuloy pa rin sa pagbabantay sa kaniya ang ina.

Advertisement