Nag-iipon ang Bata para Mabilhan ng Bisikleta ang Ama; Pagbalik Niya ay Wala na Roon ang Inaasam na Bisikleta
Dinatnan ni Jepoy galing eskwela ang kaniyang amang si Mang Nestor na abalang-abala na kinukumpuni ang gulong kaniyang bisikleta.
“‘Bakit po, ‘tay? Sira na naman ba ang bisikleta niyo?” tanong ng bata sa kaniyang ama.
“May butas lang itong gulong ko, anak. Kailangan kasing masigurado ko na maayos ang pagkakatapal. Mahirap nang masiraan sa gabi at delikado,” tugon naman ng ama.
Pinagmamasdan ni Jepoy ang gulong ng bisikleta ng ama at nakita niyang marami na itong tapal.
“‘Tay, bakit hindi na lang po kayo bumili ng bago?” muling tanong ng anak.
“P’wede pa naman ito, anak. Saka ayaw ko kasing mabawasan ang kita ko kapag bibili ako ng gulong. Wala pa akong naipon, e. Saka na lang pagmalaki-laki ang kita,” sambit pa ni mang Nestor sa bata.
Si Mang Nestor ay isang magbabalot na naglalako tuwing gabi gamit ang kaniyang lumang bisikleta. Ito lamang ang kaya niyang ipambuhay sa kaniyang mag-iina sapagkat siya pa rin ang nag-aalaga sa may sakit na asawa pagdating ng umaga. Siya rin ang nag-aasikaso sa dalawa niyang anak sa pagpasok sa eskwela.
Ilang taon na ring nakaratay kasi ang misis ni Mang Nestor mula sa isang matinding karamdaman. Pilit na pinagkakasya ng ginoo ang kaniyang kinikita para sa lahat ng gastusin. Dahil gipit ay bawat piso sa kaniya ay mahalaga.
Kaya awang-awa si Jepoy sa ama sa tuwing nakikita nitong kinukumpuni na lamang nito ang lumang bisikleta.
Malalim na ang gabi at wala pa rin si Mang Nestor sa kanilang tahanan. Lubos na ang pag-aalala ng panganay na si Jepoy dahil unang pagkakataon lamang ito na gabihin nang lubos ang kaniyang tatay.
Matiyaga niya itong hinintay sa labas ng bahay at nawala na lamang ang kaniyang pag-aalala nang makita na itong naglalakad palapit sa kaniya.
“Nasaan po ang bisikleta niyo, tatay?” tanong agad ng batang si Jepoy.
“Iyon nga ang problema ko, anak. Kanina kasi may tatlong kalalakihan na inagaw ang bisikleta ko at kinuha ang kinita ko. Wala na akong pampuhunan, nawala pa rin ang bisikletang gamit ko sa pagtitinda. Ngayon ay lubos na talaga akong gagabihin nito,” saad ni Mang Nestor na bakas ang lungkot sa mukha.
Niyakap ni Jepoy ang ama.
“H’wag na po kayong mag-alala, tatay. Ang mahalaga po ay wala pong nangyaring masama sa inyo at nakauwi pa rin po kayo ng ligtas sa amin,” naluluhang wika ng bata.
Alam ni Jepoy na mabigat ang suliranin na dinadala ng kaniyang ama kaya naisipan niyang tumulong. Lihim siyang nangangalakal bago pumasok at at bago umuwi sa bahay para unti-unti siyang makaipon.
Nang magkaroon siya ng isang daang piso ay agad siyang pumunta sa tindahan ng bisikleta upang itanong kung saan aabot ang kaniyang pera. Ngunit malakas na tawanan lamang ang kaniyang natanggap mula sa mga kalalakihang nagbabantay ng tindahan.
“Kulang na kulang ang pera mo, totoy! Kahit pedal ay hindi aabutin ‘yang pera mo!” sambit ng lalaki sabay hagalpahan.
Nang malaman niya ang presyo nito ay lubos siyang nagulat. Ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Ipinagpatuloy niya ang pangangalakal upang tuluyang makaipon. Araw-araw ay binabalik-balikan niya ang bisikletang nais niyang bilhin.
Isang araw ay may matandang nagtanong sa kaniya.
“Napakaganda ng bisikleta, ano? Gusto ko rin ang isang ito,” saad ng matanda.
“Napapansin ko ay araw-araw kang pumupunta sa tindahan na iyan para tingnan ang bisikletang iyan. Para saan mo ba gagamitin iyan?” pagtataka ng matandang lalaki.
“Gusto ko po sana kasing surpresahin ang tatay ko. Isa po siyang magbabalot at ninakaw sa kaniya ang bisikletang ginagamit niya. Simula po noon ay naglalakad lamang po siya para makapaglako. Lalo po siyang ginagabi sa daan at nag-aalala po kami sa kaniya,” sambit ng bata.
“Mahal ang bisikletang iyan! May pambili ka ba?” muling tanong ng matandang lalaki.
“Wala pa po sa ngayon. Pero pinagsisikapan ko po! Isang araw ay hindi na ako pagtatawanan ng mga lalaking iyan kasi mabibili ko na po ang bisikletang ito at sa wakas ay mabibigay ko na po sa tatay ko,” saad ni Jepoy.
Nang maalala ng bata na kailangan na niyang umuwi dahil siya naman ang mag-aalaga sa kaniyang ina habang inihahanda ng ama ang paninda ay dali-dali na itong umalis.
Kinabukasan ay muling bumalik si Jepoy sa tindahan upang tingnan ang bisikleta ngunit laking gulat niya na wala na ito. Laking panghihinayang ng bata dahil sa tagal ng kaniyang pag-iipon ay naunahan na siya ng iba na mabili ito.
Uuwi na sanang malungkot si Jepoy nang tawagin siya ng matandang lalaking nakausap niya noong isang araw. Tangan nito ang bisikleta na gusto ng bata.
“Binili niyo na pala ang bisikletang iyan. Sayang po at hindi ko pa po nabubuno ang pambili ko sa bisikleta,” nakangiting ngunit nanghihinayang na wika ni Jepoy sa matanda.
“Maganda talaga ang bisikletang ito. At ang mga ganitong uri ay nababagay lamang sa magaganda din ang puso,” saad ng matandang lalaki.
“Ako nga pala si Roger at ako ang may-ari ng tindahan ng bisikletang ito. Madalas kitang matanaw na binabalik-balikan itong bisikleta. Nang malaman ko ang dahilan ay hindi na ako nagdalawang-isip pa. Tiyak ko ay mabuti ang kalooban ng iyong ama dahil maganda din ang iyong kalooban. Kaya iuwi mo na ang bisikletang ito at ibigay mo sa tatay mo para makatulong sa paglalako niya ng balot,” dagdag pa ng matanda.
Hindi makapaniwala si Jepoy sa sinabi ng may-ari ng tindahan. Hindi na niya napigilan ang humagulgol dahil sa lubos na tuwa.
“Hindi niyo po alam kung gaano po ito makakatulong sa pamilya ko! Handa po akong bayaran ito sa inyo kahit magkano, ginoo! Maraming maraming salamat po! Hindi ko po talaga inaasahan ito!” patuloy sa pag-iyak ang bata.
“Basta manatili ka lang na maging mabait na bata ay bayad na ang bisikleta. Sige na, iuwi mo na ito agad sa iyong ama sapagkat gagamitin pa niya ito mamayang gabi,” wika pa ni Mang Roger.
Malugod na sinakyan ng bata ang bisikleta at iniuwi sa kanilang tahanan. Laking gulat ni Mang Nestor nang makita ang bisikletang uwi ng anak. Dahil hindi siya makapaniwala ay agad siyang nagtungo sa tindahan upang kumpirmahin ang sinasabi ng anak.
Lubos na naantig ang puso ni Mang Nestor dahil lingid sa kaniyang kaalaman ay gumagawa pala ng paraan ang bata upang mabigyan siya ng bagong bisikleta.
“Maraming maraming salamat po, Mang Roger,” saad ni Mang Nestor.
“H’wag ka sa akin magpasalamat. Magpasalamat ka sa anak mo dahil sa lubos niyang pagmamahal sa iyo at sa inyong pamilya at gagawin niya ang lahat para makatulong,” saad ng may-ari.
Simula noon ay gamit na ni Mang Nestor ang bagong bisikletang handog ng anak para sa paglalako niya ng balot. Hindi na siya mahihirapan pang muli at hindi na siya lubos na gagabihin sa pagtitinda dahil may kasangga na siyang muli sa paglalako. Salamat sa anak niyang si Jepoy.