Inday TrendingInday Trending
Madilim ang Daan Nang Makita Niya ang Dalawang Batang Naglalakad; Ito ang Sumunod Niyang Ginawa

Madilim ang Daan Nang Makita Niya ang Dalawang Batang Naglalakad; Ito ang Sumunod Niyang Ginawa

Madilim ang buong kalsada at hindi mawari ni Xyrus, kung gaano kahaba ang kalsadang iyon na hindi man lang nalagyan ng poste ng ilaw. Mabuti na lang at sasakyan ang dala niya. Gamit ang magkabilang ilaw sa kaniyang kotse ay naliliwanagan niya ang kaniyang dinadaanan.

Nang may mahagip na dalawang batang naglalakad. Isang babae at ang maliit ay lalaki. Walang dalang kahit flash light ang dalawa. Kaya lubos ang pagtataka ni Xyrus kung paano makakauwi ang dalawang bata nang wala man lang kahit anong dala.

Kaya nagpasya siyang bigyan ng liwanag ang mga ito gamit ang ilaw ng kaniyang sasakyan. Tahimik ang daan at walang mga kabahayan sa gilid nito. Kung iisipin ay nakakatakot ang daang kaniyang tinatahak, pati ng dalawang bata.

Ngunit natakot yata ang mga itosa kaniyang ginawa kaya ang kaninang pa-petiks-petiks na lakad ng dalawa, ngayon ay tila may humahabol na sa bilis ng mga hakbang. Hindi niya intensyong takutin ang mga ito. Wala siyang masamang binabalak. Ang nais lamang niya’y bigyan ng ilaw ang dalawa.

Nang makarating sa mismong bahay ay agad na nagsisigaw ang dalawa upang humingi ng tulong. Agad namang nagsilabasan ang mga tao sa paligid at tiningnan kung sino ang kinatatakutan ng dalawang bata.

Hindi naman nagdalawang-isip si Xyrus na bumaba upang kausapin ang mga magulang ng dalawang bata.

“Anong kailangan mo?” Sindak na wika ng lalaki. Ito yata ang ama ng dalawa at ang katabi naman nito’y ang ina.

“Anong kailangan mo sa mga anak namin?” Kasunod na tanong ng ina.

“Wala po talaga akong masamang intensyon, mister at misis,” mahinahong paliwanag ni Xyrus. “Hindi po ako masamang tao. Ang totoo po’y hinatid ko lang ang dalawa niyong anak gamit ang ilaw ng sasakyan ko.” Umpisang paliwanag ni Xyrus.

Nakita naman niyang nakahinga ng maluwag ang mag-asawa sa kaniyang sinabi.

“Madilim po sa dinaraanan nila. Huwag niyo po sanang hayaan ang mga anak niyong maglakad sa gabi na sila lang. Hindi po natin alam kung kailangan magaganap ang akidente.

Mabuti at ako ang nakakita sa kanila na walang ibang masamang intensyon. Paano kung ang nakakita sa kanila’y isang mapagsamantalang tao? Baka mapahamak po ang mga anak ninyo,” ani Xyrus.

“Pasensiya ka na. Inutusan ko kasi ang mga anak ko na bumili ng bigas sa kabilang kanto, kasi naubusan kami ng kaning masasaing. Hayaan mo’t tatandaan namin ang iyong payo,” wika ng lalaki.

“Salamat sa ginawa mo—?”

“Xyrus po,” pakilala niya sa ginang. Ang ina ng dalawang bata.

“Salamat at hinatid mo ang dalawang anak ko at sinigurong ligtas sila,” wika ng ginang.

“Walang anuman po. Naturuan niyo naman ng maayos ang mga anak ninyo. Kasi kahit ako kapag may sumusunod sa’kin na hindi pamilyar sa’kin, iyon rin ang gagawin ko.

Kagaya ng ginawa nila. Pero sana sa uulitin, huwag niyong hayaang maglakad pa sila sa labas, lalo na’t walang kailaw-ilaw sa daan,” muling bilin ni Xyrus.

Bago siya pinaalis ng mag-asawa’y pinakain muna siya ng mga ito. Pambawi sa kabutihang ginawa niya. Nalaman niyang matagal ng ipinangako ng kapitan nilang lalagyan ng posteng paglalagyan ng ilang ang bawat daan upang kahit papaano’y hindi na delikado lalo sa gabi.

“Kaso malapit nang matapos ang kaniyang termino’y hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nailalagay na ilaw d’yan. Sa totoo lang, Xyrus. Marami na ngang napahamak sa daan namin dito. Hanggang kabilang barangay iyan walang ilaw.

Malalaman mo kapag nakalabas ka na sa barangay namin, kasi makakakita ka na ng liwanag. Pero simula sa barangay na hawak ng kapitan namin hanggang sa dulo walang mga ilaw ang daan. Madilim pa sa madilim,” kwento ni Mang Ador.

“Hindi naman namin sinasabing kurakot ang kapitan namin. Pero wala lang talaga siyang pakialam sa mga residente niya. Kahit ang dami ng napapabalitang aksidente,” segunda pa ni Aleng Remie.

“Gano’n po ba?” Napapaisip na sambit ni Xyrus. “Hayaan niyo Mang Ador at Aleng Remie, tutulungan ko kayong magkailaw ang daan niyo rito. Sa totoo lang rin po ay ngayon lang ako dumaan rito ng madilim na, kaya ngayon ko lang rin nalaman na wala pa lang ilaw rito kapag gabi na. Tutulong po ako, pangako iyon,” ani Xyrus.

“Salamat kung gano’n nga ang gagawin mo, Xyrus. Ikatutuwa iyon ng aming mga kababayan rito,” masayang wika ni Mang Ador.

Gaya ng ipinangako ni Xyrus ay nanghingi siya ng tulong sa mga kaibigan ng kaniyang papa na nasa pulitika, upang magkaroon ng ilaw ang madilim na daan ng Barangay nila Mang Ador at Aleng Remie.

Nang ma-aprubahan ay masayang nagdiwang ang mga tao sa lugar na iyon. Kasama si Xyrus. Hindi niya akalaing sa simpleng pagsunod sa dalawang natatakot na bata’y maiisip niyang tulungan ang mga itong maging mas ligtas at maliwanag ang daan nila.

“Maraming-maraming salamat, Xyrus. Kung hindi dahil sa’yo, hindi magliliwanag ang daan namin rito,” nakangiting wika ni Mang Ador.

Advertisement